Hindi magagapi ang NPA
Pulang saludo at maalab na pagbati ang ipinapaabot ng NAAC sa okasyon ng ika-56 anibersaryo ng New People’s Army. Ang mahigit limang dekada ng armadong pakikibaka nito ay patunay ng matatag at puspusan nitong pag-ugat sa mamamayan ng buong bansa, sa pagsusulong ng isang makatarungang digmaan para kamtin ang pambansang demokrasya.
Sa okasyong ito, bigyang-pugay natin ang mga rebolusyonaryong martir na nag-alay ng kanilang buhay para sa matagalang digmang bayan. Ang kanilang inilaan sa pakikibaka ay hindi matatawarang ambag sa pagsusulong ng digmang bayan at pagtataguyod ng kilusang pagwawasto. Sila ay sina Ermin “Ka Romano” Bellen, Lucio “Ka Bisaya” Simporoso, Rodel “Ka Mighty” Dela Cruz, Romnick “Ka Fighter” Gardose, Jovel “Ka Sim” Agudes, at Willy “Ka KM” Agudes. Itanghal natin sila bilang mga halimbawa ng mga Pulang kumander at mandirigma na magiting na namuno at sumuong sa pakikipaglaban at humarap sa mga hirap at sakripisyo sa nagdaang mga taon. Nakatatak sila sa gunita ng mamamayang Rizaleño bilang kanilang tunay na mga hukbo at lider-Komunista.
Ilang taon nang iwinawasiwas ng buong AFP-PNP, laluna ng 80th IB, 2nd ID, at PNP-Rizal, ang deklarasyong “insurgency-free” sa maraming bayan sa Rizal. Sa ganitong deklarasyon, diumano’y wala nang nakakakilos na NPA sa mga naturang lugar, at wala nang pag-uusbungan ng rebolusyonaryong kilusan sa mga ito. Nais nilang takpan ang katotohanan ng paghihirap ng mamamayang Rizaleño na pinalalayas mula sa kanilang lupang taniman at lupang ninuno sa ngalan ng Wawa-Violago Dam, Kaliwa-Kanan-Laiban Dam at mga proyektong pang-enerhiya tulad ng windmill. Sa ganitong balangkas din sila tinanggalan ng hanapbuhay at tirahan sa gitna ng hindi maawat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Malala pa, biktima ang maraming Rizaleño ng mga paglabag sa karapatang-tao at mga krimen sa digma na isinasagawa ng mga yunit ng 80th IB, 2nd ID at PNP-Rizal, tulad ng pamamaslang, pananakit, iligal na pag-aresto, harasment, at paggarison sa kanilang mga bahayan. Ang mga ito mismo ang matabang lupang nagpapalago at patuloy na pinag-uusbungan ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Rizaleño, at paulit-ulit na magpapasubali sa deklarasyong insurgency-free hangga’t nananatili ang ganitong bulok na malakolonyal at malapyudal na sistema.
Habang nananatili ang matabang lupang ito, hindi rin mawawaglit ang matibay na pag-ugat ng BHB sa mamamayang Rizaleño. Hindi malilimutan ng masa ang mga nakamit nitong tagumpay laban sa mga panginoong maylupa at mga mangangamkam na hanggang ngayon ay pinakikinabangan at natatamnan ng mga pamilyang Rizaleño. Gayundin, ang mga itinulong ng hukbong bayan sa kanilang produksyon, kalusugan, kabuhayan at iba’t ibang mga problema. Ang pag-ugat na ito ang umani ng pagkilala sa NPA bilang tunay na hukbo ng mamamayan.
Lasunin man ng panlilinlang at pananakot ng AFP-PNP, NTF-ELCAC at ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos II para pinsalain ang ugnayang ito, namumulat ang masa sa tunay na pasistang katangian ng estado. Ang mga iligal na pag-aresto, paninindak, pagpaslang, pagmamanman, pananakit, at paulit-ulit na interogasyon at pekeng pagpapasuko na isinasagawa ng rehimeng US-Marcos II ay ibayo lamang nagpatingkad na ang AFP-PNP ang nagpapahamak sa kanila, habang ang NPA naglilingkod sa kanilang interes.
Natututunan ng masa ang kawastuhan ng digmaan. Batid nilang ang demokratikong rebolusyong bayan ang tanging solusyon para makamit ang pambansang demokrasya at nananatili silang tapat sa kilusang nagsusulong nito. Binabaka ng mamamayan ang kanilang pangamba sa pagkasangkot sa digmaan dahil batid nila ito bilang realidad ng bulok na sistemang dapat lamang baguhin. Dahil dito, sinusuong nila ang mahihirap na kalagayan na iniluwal ng digmaan upang isulong ang kanilang interes at itaguyod ang kanilang hukbo. Nagsasanay ang masa sa gerilyang pagkilos. Mapanlikhang ipinatutupad ng masa ang mga gawain sa paraang masinop, matalia no, at lihim.
Patuloy na nahaharap sa mga hamon ang NPA sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Bangungot sa naghaharing uri ang sa pasistang estado ng GRP ang pananatili ng NPA hanggang sa tarangkahan ng Metro Manila, ang sentrong luklukan ng reaksyunaryong estadong pinamumunuan ngayon ng rehimeng US-Marcos II, kaya’t desperado itong gawin ang lahat upang durugin ang CPP-NPA-NDFP. Bilang tugon, dapat na paghusayin ng hukbong bayan ang pakikidigmang gerilya upang tuloy-tuloy na ipreserba ang lakas nito, at mga nakamit na tagumpay kasama ng mamamayan. Patuloy at ibayo itong dapat na umugat sa masa para higit pang sumikad sa pulitika, militar at pagpapalawak, at para batahin ang mga hirap at sakripisyo ng digmaan.
Hingi magagapi ang NPA. Mahigpit na hawak ang panatang paglilingkuran lagi ang sambayanan, matibay ang pasya nito na biguin ang lahat ng pakana ng rehimeng US-Marcos II at ng mga susunod pang rehimen upang ibayong tumatag, at lumakas bilang tunay na hukbo ng mamamayan.