Hindi Mahal ni Duterte ang Mamamayang Bikolano

Read in: English

Sa katunayan, kinasusuklaman si Duterte ng mamamayang Bikolano. Kung mayroon man siyang pagmamahal, ito ay pagmamahal at pagkalango ng isang papet na diktador sa kapangyarihan at karahasan.

Pinanatili ni Duterte ang Kabikulan bilang isa sa pinakamahihirap na rehiyon sa buong bansa. Walang kaparis ang bilis ng pagdagsa ng dambuhalang neoliberal na mga proyekto sa rehiyon at paglawak pa ng mga operasyong mina, ekoturismo at imprastruktura sa rehiyon. Sinira ng Bicol International Airport ang mga sakahan sa Alobo, Daraga, Albay. Dayuhan lang ang nakikinabang sa tone-toneladang ginto at mineral na namina ng Filminera sa Masbate at ng mga dayuhang operasyon ng mina sa Camarines Norte. Malalaking minahan lang din ang makikinabang sa mga malalawak na kalsadang itinatayo sa Partido Area, Camarines Sur. Daan-daang pamilyang Bikolano ang naagawan ng lupa dulot ng mga proyektong ito sampu sa iba pang mga neoliberal na pakana.

Winasak ni Duterte ang kabuhayan ng milyun-milyong Bikolano. Dinanas ng Kabikulan ang isa pinakamataas na implasyon sa kasaysayan nito at nananatiling isa sa may pinakamababang halaga ng sahod para sa mga manggagawa dulot ng kanyang mga patakarang TRAIN Law at Rice Liberalization Law. Sa agrikultura, lalong tumaas ang gastos sa produksyon at bilihin habang lalo namang bumagsak ang presyo ng mga produkto. Higit 200,000 manggagawang Bikolano ang nananatiling walang trabaho dulot ng nagpapatuloy na lockdown.

Pinabayaan niya ang masang Bikolano matapos salantahin ng pandemya at sunud-sunod na bagyo. Aabot sa higit P8 bilyon ang danyos na idinulot ng pinagsamang mga bagyong Tisoy, Quinta, Rolly at Ulysses sa agrikultura. Daan-libong kabahayan ang nawasak. Subalit anong napala ng masang Bikolano sa bumisi-bisita pang si Duterte? Wala kundi tatlong kilong bigas, limang pirasong sardinas, saku-sakong paghihintay sa wala at katakut-takot pang paglawak ng mga mapaminsalang proyekto sa rehiyon.
Itinutok din sa Bikol ang madugong gera kontra-mamamayan ng rehimen. Sa ilalim niya at sa bisa ng mga pasistang patakarang MO 32 at EO 70, ang rehiyon ang isa sa mga pinakamilitarisadong erya sa bansa. Sa Kabikulan naitala ang pinakamaraming bilang ng pampulitikang pamamaslang at masaker. Daan-daang komunidad sa kasalukuyan ang inooperasyon at inookupa ng 16 na batalyon ng pinagsamang pwersa ng AFP at PNP sa ilalim ng Joint Task Force Bicolandia. Tinatangka ng rehimeng US-Duterte na supilin ang kakayanan ng masang Bikolanong mag-ambag ng malakas na pwersa sa malawak na kilusang masa laban sa tiraniya ni Duterte.

Subalit hindi kailangan ng masang Bikolano ang pagmamahal ng isang diktador na gaya ni Duterte. Sa halip dahil sa pasismo at atakeng neoliberal ni Duterte, lalong minahal ng masang Bikolano ang digmang bayan. Ito ang kanilang buhay. Dito, sa pamamagitan armadong rebolusyonaryong pakikibaka at paglulunsad ng rebolusyong agraryo, isinasalig ng masa ang kanilang pagbangon at pagsulong.

Sa digmang bayan din kumukuha ng lakas ang masa upang tupdin ang kailangan, nararapat at hinahangad nilang gawin: singilin si Duterte sa kanyang kapabayaan, panagutin sa kanyang mga pasistang krimen at pabagsakin mula sa kanyang tiranong paghahari.#

Hindi Mahal ni Duterte ang Mamamayang Bikolano