Pahayag

Hindi malulupig ng mga gawa-gawang kaso ang pakikibaka ng mamamayan

,

Ang paglaya ni Amanda Echanis ay tagumpay na mamamayang Cagayano at pilipinong lumalaban para sa tunay na demokrasya at pambansang paglaya. Ang pagbasura ng korte noong Enero 14 sa mga gawa-gawang kasong illegal possesion of high powered fireams and explosives na isinampa sa kaniya sa panahon ng rehimeng Duterte ay tagumpay ng sambayanang hindi nagpatinag sa tuloy-tuloy na paglaban sa mabangis na pasistang atake ng estado hanggang sa kasalukuyang rehimeng Marcos Jr. Patunay ito na hindi malulupig ng pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso ang pakikibaka ng mamamayan.

Binabati ng NDF-Cagayan Valley si Amanda Echanis sa kaniyang katatagan. Inspirasyon ang kanyang mga tula, at ang pagtakbo at pagkapanalo niya sa konseho sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang limang taon ng pagkakakulong ni Echanis sa gawa-gawang kaso ay parusa ng naghaharing uri sa mga mamamayang lumalaban upang baguhin ang bulok na sistema ng lipunang Pilipino. Isang sistema nananatiling kontrolado ng mga malalaking dayuhang negosyo at panginoong maylupa.

Matatandaang isang malamig na umaga noong Disyembre 2020, ay dinakip si Amanda Echanis kasama ang 1-buwan sanggol niya sa bahay ng magsasaka sa barangay Carupian, Baggao, Cagayan. Bago ito ay pinasok din ang bahay ni Isabelo Adviento sa parehong baryo, ng mga elemento ng 5th ID AFP at PNP Region 2 at tinaniman ng mga ebidensya na riple at “explosives” o pampasabog. Kapwa kilalang lider-organisador ng magsasaka sina Echanis at Adviento. Una nang nakalaya sa pagkakulong si Isabelo Adviento, subalit sadyang galit ang naghaharing uri sa mga aktibista. Kaya’t muli, sinampahan siya ng gawa-gawang kaso ng “terrorism financing” at agad naglabas ng “warrant of arrest” para kay Adviento kasama ang apat pang mga kilalang aktibista sa lambak ng Cagayan—sina Cita Managuelod, Jackie Valencia, Agnes Mesina at Deo Montesclaros. Sa “acquittal” o pagpapawalang-sala kapwa kay Echanis at Adviento ay naglalantad sa umaalingasaw na baho ng 5th ID ng AFP at NTF-Elcac. Instrumento ang mga ito ng naghaharing uri upang hadlangan at lumpuhin ang makatarungang paglaban ng mamamayan sa Cagayan Valley.

Lumalaban ang mamamayang Cagayano upang baguhin ang bulok na sistema. Ang bulok na sistema na nagtali sa mga mahihirap na magsasaka sa kawalan ng lupa, mataas na interes sa pautang, pagbaha ng imported na produktong agrikultural, pagtatanim ng imported na mga binhi ng palay, mais at gulay at pagbili ng mamahaling imported na pataba at pestisidyo samantalang napakababa ng presyo ng bentahan ng palay, mais at gulay. Kasabwat ng mga dayuhang negosyo si Marcos Jr at iba pang mga pulitiko upang panatilihing atrasado ang agrikultura at walang tunay na reporma sa lupa. Kasabwat sila ng mga dayuhang minahan para huthutin ang ginto, pilak at tanso sa ating mga kabundukan kahit pa kalbuhin ang kagubatan, lasunin ang mga ilog at palayasin ang libong mamamayan sa kanilang mga tahanan at bukid.

Bulok sa kaibuturan ang lipunang Pilipino. Nanunuot sa sistema ang korapsyon sa gobyerno. Ang AFP, PNP at NTF-elcac ay protektor ng korap na sistema. Pinagkakaitan ng reaksyonaryong estado ng mga taon sa pagiging ina, ama, kapatid at anak ang maraming aktibistang pilit isinilid sa bakal na mga rehas ng bilangguan dahil sa kanilang paninindigang maglingkod ng lubos sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang inaaping uri.

Bulok ang sistemang binubuhay at bumubuhay sa imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo. Ibabagsak ito ng sambayanan sa pagsusulong ng kanilang demokratikong pakikibaka, at higit sa lahat ng armadong pakikibaka na ultimong gagabay sa landas ng pagkamit ng tunay na demokrasya at pambansang kalayaan.

Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal!
Ibagsak ang pasistang estado!

Hindi malulupig ng mga gawa-gawang kaso ang pakikibaka ng mamamayan