Hindi nakabubusog ang mga pangako ni Marcos II

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nang tumatakbo pa lamang sa pagkapangulo, isa sa pinakaenggrandeng pangako ni Marcos II ang pagpapababa ng presyo ng bigas tungong P20. Ito raw ang uunahin niya sa panahong siya ay manalo. Tulad ng mga nauna sa kanya, nakalista lamang sa tubig ang pangakong ito. Kaisa ng masang Bikolano at ng buong sambayanang Pilipino ang NDF-Bikol sa paniningil sa rehimen at paggigigiit ng abot-kaya at makatarungang presyo ng bigas at iba pang batayang pangangailangan.

Sa unang tatlong buwan sa pwesto, walang anumang hakbangin si Marcos II upang tugunan ang suliranin sa presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin. Ipinagpatuloy lamang niya ang Rice Tariffication Law ni Duterte na lalong nagpahina sa kakayahan ng mga lokal na prodyuser ng bigas at nagpahigpit ng pagsandal ng bansa sa importasyon. Nagkandalugi ang mga Pilipinong magsasaka ng bigas. Noong 2020, makalipas ang isang taong pagpapatupad ng RTL, hindi bababa sa P8 bilyon ang ikinalugi ng mga magsasaka sa buong bansa. Ngunit sa kabila ng pagbaha ng tone-toneladang inangkat na bigas at pagsasakripisyo sa kabuhayan ng mga magsasaka, hindi pa rin naman bumaba ang presyo nito. Nananatili sa P40 hanggang P60 ang abereyds na presyo ng bigas sa mga lokal na merkado.

Hindi rin nararamdaman ng mga magsasaka ang ipinangakong ayudang manggagaling sa nakukolektang buwis sa bigas. Sa Bikol, nasa 51,102 rehistradong maliliit na magsasaka umano ang target na benepisyaryo ng tig-P5,000 ayudang pang-agrikultura. Ngunit kung susuriin, ilang porsyento lamang ba ng kabuuhang bilang ng mga Bikolanong magsasaka ang kwalipikado sa ayudang ito? Pito sa bawat 10 magsasaka ang walang sariling lupa. Sila, na siyang bumubuo sa mayorya ng sektor sa agrikultura, ay hindi saklaw ng hungkag na ayuda.

Ang masakit pa ay sa halip na pagkilala, pantutugis at pananakot ang napapala ng ilang mapagmalasakit na indibidwal at organisasyon na nagnanais makatulong sa kanilang kapwa maralita. Kamakailan, napabalita ang panghaharas ng pulis sa isang Bikolanong sumubok magbenta ng bigas sa mas mababang halaga sa Ligao City, Albay. Nais niya sanang kahit papaano’y mapagaan ang pasanin ng kanyang mga kababayan. Ngunit agad siyang dinumog ng pulis at pinaratangan pang bayarang tauhan ng pulitikong nasa oposisyon. Kahit walang linalabag na anumang batas, pinahinto siya sa pagbebenta ng murang bigas.

Malinaw ang nais mangyari ng estado at ng armadong pwersa nito: liban sa pabayaan na lamang mamatay sa gutom ang mahihirap, pigilan ang lahat ng inisyatiba ng masa na makabangon mula sa krisis. Sa harap ng ganitong kalagayan, nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolano na magpatuloy sa pakikibaka para sa kanilang mga demokratikong interes kabilang na ang ang paniningil sa pangakong P20 ng isang kilo ng bigas at abot-kayang presyo ng bilihin. Kongkretong aksyon at hindi mabubulaklak na salita ang bubusog sa kumakalam na sikmura ng taumbayan.

Hindi nakabubusog ang mga pangako ni Marcos II