Hindi padadaig ang katotohanan at katwiran, tuloy ang laban kontra sa censorship ng rehimeng Marcos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ilehitimo ang gubyernong ito. Wala itong karapatang tawagin ang sarili bilang pinuno ng sambayanang Pilipino gayong ito mismo ang pasimuno sa pagsalaula ng mga karapatan at kalayaang sibil ng mamamayan. Para sa isang bansang ilinalako ang sarili bilang demokratiko, isang napakalaking sampal sa publiko at insulto sa talino ng mamamayan na lantaran ang sistematikong paninikil ng gubyerno sa isa sa mga pinakabatayang katangian ng isang demokratikong bansa: ang malayang pamamahayag. Paano naging demokratiko ang arbitraryong bansagang ‘kaaway ng estado’ dahil lamang kritikal at makauri ang tindig ng isang indibidwal o organisasyon?

Nitong mga nakaraang buwan, naging biktima ng matinding censorship at cyberattack ang iba’t ibang social media accounts at website ng rebolusyonaryong kilusan kabilang ang CPP-NPA-NDF Bikol. Gayundin ang naranasang pang-aatake ng iba’t ibang mga progresibong media outfit tulad ng Rappler, Bulatlat, Altermidya at Pinoy Weekly. Wala mang tuwirang deklarasyon ng isang batas militar, malinaw na walang paliligtasing puwang para sa boses ng masa ang bagong luklok na rehimeng Marcos.

Pilit na tinatanggalan ng daluyan kapwa ang progresibo at rebolusyonaryong pananaw na walang ibang kasalanan kundi salaminin ang sentimyento ng karaniwang Pilipino. Itinuturing na terorista ang lahat ng mangahas maging mapanuri, magtanong o maningil sa lahat ng kriminal na kapabayaan at pagpapahamak nito sa masa. Mabilis pa sa alas-kwatro kung pakawalan nito ang kampon ng disimpormasyon laban sa lahat ng naghahatid ng katotohanan at katwiran. Sa halip na tugunan ang mga panlipunang usapin, tinatapos nito ang isyu sa paglibing sa mga ito at pagsupil sa anumang tipo ng oposisyon. Ang masahol pa, nagaganap ito kasabay ng isang libo’t isang iba pang mukha ng panunupil at pasismo ng estado.

Nakikiisa ang NDF-Bikol sa lahat ng iba pang mga progresibo at rebolusyonaryong indibidwal at entidad na nakararanas ng pang-aatake, paninirang-puri, demonisasyon, kriminalisasyon at panunugis ng ilehitimo at inutil na gubyernong ito. Marapat lamang na magpatuloy sa pakikipagbuno sa ngalan ng interes ng masa at buong bayan. Igiit ang espasyo para sa boses ng masa sa lahat ng maaaring daluyan at porma nito.

Nananawagan din ang NDF-Bikol sa lahat nagpapahalaga sa kalayaan at katwiran na makiisa sa paglaban para sa tunay na demokrasya. Patuloy na bigyang-buhay ang demokrasya sa pamamagitan ng walang sawang paggiit ng mga makabuluhang reporma at programa, pagsasapraktika ng karapatan sa pamamahayag, asembliya at pagkilos, pagsali at pagpili ng aanibang organisasyon, at pagtuligsa sa tahasang kapalpakan, pasismo at kapabayaan ng pamahalaan sa lahat ng responsableng antas nito.

Hindi padadaig ang katotohanan at katwiran, tuloy ang laban kontra sa censorship ng rehimeng Marcos