Pahayag

Hinggil sa mga armadong labanan ng BHB at 801st IBde sa Gandara

,

Mula Nobyembre 22, nagkaroon ng magkakasunod na armadong labanan ang isang yunit ng Arnulfo Ortiz Command laban sa mga tropa ng 801st Infantry Brigade malapit sa Barangay Gereganan, Gandara, Western Samar. Sa pinakahuling ulat, nagpapatuloy ang focused military operations sa lugar kung saan walang humpay na hinahalughog ng 3rd IB, 46th IB at 52nd IB ang kanayunan, nang may ayuda ng air assets tulad ng helicopter, para sa hibang na layunin na habulin ang yunit ng BHB.

Sa mga sagupaang ito, magiting na nag-alay ng buhay ang Pulang mandirigma na si Jennifer “Ka Jenny” Paclita. Galing sa uring magsasaka, namulat si Ka Jenny sa reyalidad ng pang-aapi at pagsasamantala sa kanilang pamilya at sa kapwa niya, at nagpasyang buong panahong magsilbi sa masa. Lubos kaming nakikiramay sa kanyang naiwang mahal sa buhay. Minamahal namin siya bilang kaibigan at kasama. Pinararangalan siya bilang bayani hindi lang ng Arnulfo Ortiz Command kundi ng lahat ng masang anakpawis.

Nasugatan naman sa labanan ang Pulang mandirigmang si Lino “Ka Sanya” Dacuma at hinuli ng pasistang militar bilang bihag sa gyera. Hindi siya boluntaryong sumuko, taliwas sa pinalalabas ng 801st IBde. Paano magiging boluntaryo ang kanyang pagsuko na nasugatan siya sa labanan? Alinsunod sa internasyunal na makataong batas, dapat kilalanin ang kanyang karapatan sa tamang proseso (due process), na makapili ng sariling abugado, at maugnayan ang kanyang pamilya.

Nananawagan kami sa mga grupo sa karatapang pantao at sa mga nyutral na makataong organisasyon na tiyaking nasa mabuting kalagayan si Ka Sanya, lalupa’t bahagi ng protocol ng 801st IBde at ng buong AFP na isailalim sa pisikal at mental na pagpapahirap ang kanilang mga bihag. Katunayan, hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nililitaw si Nonoy “Ka Aye” Linay, Pulang mandirigmang kasamang nahuli ni Ann “Ka Tintin” Toling noong Setyembre sa Paranas.

Kinukundena rin namin ang pananalasa ng militarisasyon ng 801st IBde sa lugar. Hindi matutumbasan ng mga pinamigay nilang ayuda ang hanapbuhay na nawawala sa bawat araw na nagpapataw sila ng “lockdown.” Hindi kaligtasan ng masa sa mga baryo ang pinagtatanggol ng mga tropa ni Brig. Gen. Sendaydiego, kundi ang militar nilang paghahari na matagal nang namamayagpag sa kanayunan. Nagbababad sa mga baryo ang mga pasistang tropa para magtanim ng takot sa puso ng masa, pigaan sila ng impormasyon at paramihin ang mga “napapasuko.”

Ang mga armadong labanang ito ay lalong nagpapasinungaling sa deklarasyon ng rehimeng Marcos na “wala nang grupong gerilya.” Nagpapatuloy ang operasyon ng BHB sa Samar at sa buong Eastern Visayas dahil sa kawastuhan ng isinusulong nitong pakikibaka kung kaya’t nagtatamasa ng hindi basta-basta natitinag na suporta mula sa masa.

Hinggil sa mga armadong labanan ng BHB at 801st IBde sa Gandara