Tutulan at labanan ang malawakang red-tagging ng rehimeng Duterte!
Mariing kinokondena ng NDFP-ST ang tumitinding red-tagging at sunud-sunod na mga atake ng rehimeng Duterte sa mamamayan. Mula sa mga aktibista, oposisyon, kritiko ng rehimen at maging mga artista, humantong na rin ang gubyernong Duterte sa pang-re-red-tag ng mga guro, abugado, manggagawang pangkalusugan at mga kawani ng gubyerno.
Dapat i-kriminalisa ang red-tagging at parusahan ang mga red-taggers ng rehimen tulad nina Parlade, Badoy, Montecillo at iba pa. Sa kanilang walang habas na red-tagging, inilalagay nila sa panganib ang buhay ng mamamayan. Nagkakailan na ang naging biktima ng pamamaslang o extra judicial killings (ejk’s) mula sa hanay ng mga aktibista, unyonista, organisador, tagapatanggol sa karapatang tao at iba pang itinuturing ng pasistang rehimeng US-Duterte bilang “kaaway ng estado.” Sila’y pinaslang matapos makaranas ng paulit-ulit na red-tagging mula sa AFP-PNP at ng NTF-ELCAC ng gubyernong Duterte. Kabilang dito si Dandy Miguel, unyonista at lider manggagawa at siyam (9) pang mga biktima ng Bloody Sunday, na kasapi ng mga ni-red-tag na organisasyon.
Sa pinakahuling red-tagging spree ng rehimen, nagpakalat ito ng intriga na “nakakapanghimasok” ang CPP-NPA-NDFP sa loob ng Senado dahil sa unyon ng mga empleyado rito na SENADO. Dahil sa kalokohang ito, umani ng pambabatikos ang NICA habang pinasubalian mismo ng mga Senador ang kasinungalingan ng mga nauulol na sundalo. Samantala, hindi rin nakaligtas sa red-tagging spree ng NTF-ELCAC ang unyon ng mga empleyado ng Korte Suprema at Hudikadura dahil lamang sa pagiging affiliate member nila sa grupong COURAGE na matagal nang ni-red-tag ng rehimeng Duterte.
Katawa-tawa ang NICA dahil gumagawa sila ng sarili nilang multo. Nagsasagawa ito ng anti-communist witch-hunting sa loob mismo ng kanilang gubyerno. Ang totoo, nahihintakutan na ang gubyernong Duterte sa lumalawak at lumalakas na paglaban ng mamamayang Pilipino. Gumagawa na lamang ito ng kwento para atakehin ang mga oposisyon at sinumang nagsasalita tungkol sa kanyang pamamalakad mula sa palyadong tugon sa pandemyang COVID-19 hanggang sa terorismong inihahasik ng kanyang gobyerno. Pilit niyang iniuugnay ang mga nagpapaabot ng karaingan sa armadong rebolusyon upang bigyang katwiran ang pandarahas sa kanila.
Subalit lalo lamang nitong ginagatungan ang galit ng sambayanan. Imbes na matakot, lalupang umiigting ang kanilang pakikibaka. Umaani ito ng simpatiya at suporta sa malawak na hanay ng Pilipino. May mga Pilipinong makabayan at mapagmahal sa demokrasya at lingkod-bayang nais isulong at ipagtanggol ang karapatan ng kanilang kababayan. Sa ganitong diwa, kinikilala at pinasasalamatan ng NDFP-ST ang paghahain ng grupong minorya o oposisyon sa loob ng Senado ng panukalanang batas noong Marso 25 na SB 2121 o “Act Defining and Penalizing Red-Tagging”. Inililinaw sa naturang panukalang batas ang kahulugan ng red-tagging at nagpapanukala itong gawing kriminal na kaso ang pang-re-red-tag ng mga ahente ng estado. Sa ilalim ng panukalang batas, magagawang usigin at isakdal ang mga ahente ng estado na nang-re-red-tag, at kapag napatunayang maysala ay maikulong hanggang 10 taon at ipagbabawal na maging opisyal ng gubyerno. Pinakamainam ang agarang pagpapasa nito upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mamamayan. Ganunpaman, magiging napakahirap na maging ganap na batas ang SB 2121 dahil sa kontrolado ng mga alyado ni Duterte ang Kamara at Senado. Mahihirapan ding makakalusot ang batas kay Duterte na siyang hari ng red-taggers sa gubyerno.
Kailangang suportahan ng mamamayang Pilipino ang iba’t ibang mga pagsisikap sa loob at labas ng lehislatibo na ipagtanggol ang karapatang tao at papanagutin sina Parlade, Badoy, Montecillo, Capuyan at iba pang mga matataas na opisyal ng DND at DILG, kabilang ang AFP at PNP, hindi lang sa pagiging mga red-taggers nila, kundi lalong higit sa kanilang mga nagawang krimen at kasalanan sa bayan. Magsagawa ng mga kampanyang propaganda at edukasyon para ipaunawa sa malawak na masa ang panganib na idudulot sa buhay nila mula sa walang patumanggang red-tagging ng pasistang rehimeng Duterte. Isagawa ang mga kilos protesta habang mulat na pinatutupad ang mga kaukulang health protocols. Mariing kondenahin ang nagpapatuloy na red-tagging ng NTF-ELCAC, NICA, DND, DILG, AFP at PNP. Sampahan ng kaso sina Parlade, Badoy, Montecillo at iba opisyal ng gubyernong Duterte dahil sa kanilang talamak na paglabag sa karapatang pantao.
Kasabay nito, palakasin ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino para ibasura ang Anti-Terror Law. Patatagin ang malawak at malapad na alyansa upang lalong mahiwalay si Duterte. Buong giting na makibaka hanggang sa ibagsak ang teroristang rehimeng US-Duterte.###