Pahayag

Hungkag at mapanlinlang ang kampanyang pagpapasuko ng 8th ID sa Eastern Visayas

Sa nakaraang mga linggo, kaliwa’t kanan ang ipinepresentang mga “surenderi” ng mga yunit ng 8th Infantry Division-Philippine Army at Philippine National Police-Regional Office 8 sa Eastern Visayas. Pinalalabas nilang isang araw ay may mga Pulang mandirigma na bigla na lamang “natauhan” sa anila’y kawalang-katuturan ng pagrerebolusyon, lumayas sa Bagong Hukbong Bayan at “nagbalik-loob” sa pahirap at pasistang reaksyunaryong gubyerno.

Kabilang dito sina Gabi Arnesto at ang tatlo pang indibidwal na diumano’y “sumuko” nitong Enero 20 sa 78th Infantry Battalion sa ilalim ni Lieutenant Colonel Francis Rosales. Ang nililingid ni Lt. Col. Rosales sa publiko ay mga ordinaryo silang magsasaka na ilang taon nang hinaharas, nire-red tag at ginigipit na “sumuko” dahil sa mga kathang-isip na paratang at habang wala namang kasong nakahain laban sa kanila.

Si Arnesto ay taga-Sitio Canonghan, Barangay Osmeña, Palapag, Northern Samar. Dalawa sa mga kasama niyang “sumuko” ay napangasawa ng kanyang mga pamangkin at katulad niyang target din ng walang tigil na panggigipit. Tanda ng matinding presyur ng militar sa pamilya Arnesto, dinakip, pinahirapan at pinaslang ng 74th IB ang anak ni Gabi na si Ryan noong Hulyo 2024. Ilang anak ng nakatatandang Arnesto ay kabilang sa mga menor de edada na dinakip at hinostage ng 74th IB noong 2025. Dalawang pamangkin niya ang binugbog ng mga sundalo noong Hunyo 2025 at isang pamangkin ang iligal na dinetine noong Pebrero 2024.

Ito ang mukha ng “due process” ng 8th ID at rehimeng Marcos—tinatarget ang buong pamilya ng mahihirap na magsasaka hanggang sa mapilitan silang “sumuko” batay sa mga gawa-gawang paratang. Notoryus sa buong erya ng Pasipiko ang trahedya at uhaw-sa-dugong paghahabol ng militar sa pamilya Arnesto. Hindi ito kaiba sa ibang komunidad ng Eastern Visayas, kung saan tuluy-tuloy na pinepresyur ang mga magsasaka na aktibong magpagamit sa militar.

May iba namang klase ng pekeng pagpapasuko. Sa Leyte, sumuko diumano sa 93rd Infantry Battalion sina Remegio Narbonita (“Alon”), Rocelo Corea (“Rod”), at Rosendo Orca (“Sendo”) noong Nobyembre 30, 2025. Mismong kumander pa ng 802nd Infantry Brigade na si Brigadier General Pompeyo Jason Almagro ang nagsabing mga Pulang mandirigma ang tatlo. Ang totoo, noong 2018 pa lumayas sa BHB si Narbonita, at matagal na ring lumayas si Corea. Pareho na silang aktibo at bayarang ahente ng 802nd IBde. Si Orca naman ay noong 2020 pa wala sa BHB. Ni-recycle na lamang sila para palabasing may mga “sumusuko na naman” sa BHB.

Mula Disyembre 2025, magkakasunod namang naitala ang mga seremonyang pamimigay ng mga yunit ng 8th ID “safe conduct pass” sa mga diumano’y naghahain ng aplikasyon para sa “amnestiya” sa Tacloban, Mapanas, at Calbiga. Ikinukubli nito ang katotohanan na kakarampot na 0.2% ng 7,000 aplikasyon para sa “amnestiya” ang inaprubahan ni Marcos Jr. Kung tutuusin, wala namang dapat “ihingi ng tawad” ang mga rebolusyonaryo, lalupa ang mga ordinaryong sibilyan. Ngunit ang lubhang mababang bilang ng aprubadong amnestiya ay dagdag-patunay na kahit ang naninikluhod sa mga pasista at nagbebenta ng kaluluwa at dangal ay wala pa ring kapayapaang matatamasa. Kung may kakarampot na kabutihang-loob mang ipamalas ang reaksyunaryong gubyerno, iyon ay tabing lamang para magamit ang mga “surenderi” sa ultimo nilang layuning pinsalaan ang mamamayang api at pinagsasamantalahan.

Ang kapansin-pansing pagkukumahog ng mga yunit ng 8th ID na magdeklara ng mga “napapasuko” o naghahain umano ng aplikasyon para sa amnestiya—kahit na ang mga ito ay hindi naman talaga kasapi ng BHB, matagal na silang nabuhay bilang sibilyan, o di kaya’y mga bayarang ahente sila na nire-recycle nalang ng militar—ay bunsod ng paghahabol ng mga pasistang upisyal ng mas mataas na ranggo at gantimpala kapalit ang mas maraming “nanunyutralisa” o “napapasuko.” Ngunit kahit mamudmod ng amnestiya ang rehimeng Marcos, mapasurender nito ang lahat ng sibilyan, ideklara ang lahat ng barangay bilang “cleared” sa rebolusyonaryong kilusan, o iba pang pakulo, hinding hindi nito mabubura ang sagad-sa-butong kahirapan at kawalang kapayapaan sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Patuloy na mailuluwal ang mga rebolusyonaryo na maghahangad na ibagsak ang naghaharing sistema kung saan marahas na sinusupil at pinatatahimik ang mga nakikibaka para sa kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlupunan.

Hindi natitinag ang rebolusyonaryong pwersa sa Eastern Visayas ng gayong mga pakulo ng mga pekeng pagpapasuko. Batid ng Partido, hukbong bayan at masa ang kawastuhan ng rebolusyonaryong pakikibaka at ang hindi-natitigil na pangangailangan nito. Lalupa’t inilulunsad nito ngayon ang kilusang pagwawasto, handa itong harapin ang mga pagsubok para lahatang-panig na muling makapagpalakas at isulong ang digmang bayan sa mas mataas na antas.

Hungkag at mapanlinlang ang kampanyang pagpapasuko ng 8th ID sa Eastern Visayas