Pahayag

Hungkag, walang katuturan ang ipinagmamalaki ng NTF-Elcac sa harap ng papalalang kahirapan

Ang lumalaking bilang ng naghihirap at lumulubhang kalagayang panlipunan ng mamamayang Pilipino, lalo na sa kanayunan, ay matinding puna sa malinaw na kawalang katuturan at kahungkagan ng “kapayapaan at kaunlaran” na ipinagmamalaki ng NTF-Elcac at ng Barangay Development Program (BDP) nito.

Ang pagturing ng 63% ng mga pamilyang Pilipino sa kanilang sarili na naghihirap, ayon sa isang sarbey na isinapubliko kamakailan, ay patunay ng kalunos-lunos na kalagayan ng ekonomya at lumalalang krisis sa ilalim ng rehimeng Marcos. Inamin kahit sa pag-aaral ng Bangko Sentral na higit sa 75% ng mga Pilipino ay naghihirap at nawiwindang. Higit 80% ng mga pamilyang Pilipino, na pawang mga manggagawa, magsasaka, at gitnang uri hanggang sa mababang petiburgesya, ay walang ipon at nabubuhay nang isang kahig, isang tuka.

Lalong malubha ang kalagayan sa kanayunan kung saan puu-puong milyong Pilipino ang naghihirap sa gitna ng kawalang-trabaho at kabuhayan dahil walang reporma sa lupa at industriyalisasyon. Lalo pa itong sumidhi noong nakaraang taon dahil sa mga pangklimang kalamidad, at dulot ng pagpapalawak ng mga operasyon sa pagmimina at plantasyon, na nagreresulta sa dislokasyon ng milyun-milyong magsasaka.

Sa harap ng malawak na kagutuman, kawalan ng lupa, kawalan ng trabaho, mababang sahod, at pagtaas ng presyo, ang mga pahayag ng NTF-Elcac na ang mga proyekto nito sa ilalim ng BDP ay “tumutugon sa pangangailangan ng mga tao” sa pamamagitan ng “pag-unlad sa imprastruktura” ay hungkag at ganap na walang kredibilidad.

Ang mga proyektong pang-imprastruktura ng NTF-Elcac, tulad ng mga kalsada, paaralan, istasyon pangkalusugan, elektrisidad, at sistema ng tubig, ay hindi lumulutas sa mga pangunahing kahingian ng mga magsasaka, kabilang ang tunay na reporma sa lupa, pagpapababa ng upa sa lupa, makabuluhang pagtaas sa sahod ng mga manggagawang-bukid at mga manggagawa sa agrikultura, at ang pagpawi sa usura.

Ang mga tinatawag na “flagship initiative” ng NTF-Elcac ay nagpapatuloy at lumalabusaw sa nagpapatuloy na pagpapabaya ng estado at pagsasamantala ng pyudal at malapyudal na sistema sa kanayunan. Sa ilalim ng badyet ni Marcos para sa 2025, ang badyet para sa kalusugan at edukasyon ay lalong binawasan para paboran ang maaanomalyang proyekto sa imprastruktura.

Ang mga proyekto ng BDP ng NTF-Elcac ay burak ng katiwalian. Inamin mismo nito na noong nakaraang taon, naglaan si Marcos ng karagdagang ₱5 milyon para sa higit 800 proyekto ng BDP na kinuha mula sa “unprogrammed funds.” Ito ay taliwas sa desisyon ng kongreso noong nakaraang taon na bawasan ang pondo para sa NTF-Elcac tungong ₱2.5 milyon bawat proyekto. Ang karagdagang pondo na ibinigay ni Marcos ay nagkakahalaga ng higit sa ₱4 bilyong pork barrel ng militar na bumibili sa katapatan ng mga upisyal ng AFP.

Ang kabiguan ng rehimeng Marcos na tugunan ang mga pangunahing kahingian ng mga magsasaka ay patuloy na gumagatong sa kanilang paglaban para sa tunay na reporma sa lupa. Lalong nagiging mataba ang lupa sa kanayunan para sa pagsusulong ng digmang bayan. Patuloy ang determinasyon ng mga magsasaka na suportahan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan, bilang sarili nilang hukbo, upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at mga hangarin.

Hungkag, walang katuturan ang ipinagmamalaki ng NTF-Elcac sa harap ng papalalang kahirapan