Iangat ang ating kamulatan, iangat ang ating praktika, iangat ang digmang bayan tungo sa tagumpay!
Gunitain natin ang ika-57 taong anibersaryo ng ating pinakamamahal na Partido Komunista ng Pilipinas nang may walang-kaparis na rebolusyonaryong paninindigan at pagtanaw sa maniningning na hinaharap ng sambayanang Pilipino.
Sa dakilang araw na ito, pinagpupugayan natin ang mga kasamang nagbuwis ng buhay at nabuwal habang nakikibaka. Binibigyan natin ng pinakamataas na pagpupugay si Kasamang Luis Jalandoni, pangunahing negosyador ng National Democratic Front of the Philippines, si Kasamang Myrna “Maria Malaya” Sularte, at ang ating mga kasamang proletaryadong nagbuwis ng buhay para sa digmang bayan sa kanilang mga bansa, tulad nila Kasamang Basavaraju, dating pangkalahatang kalihim ng Komite Sentral ng Communist Party of India (Maoist) at Kasamang Madvi Hidma, kumander ng People’s Liberation Guerilla Army ng India.
Binibigyan din natin ng pinakamataas na pagpupugay si Kasamang Sandy Broncano, kilala bilang Ka Tau ng mamamayan sa Quezon, na nagbangon mula sa masidhing pagsasamantala bilang kontraktwal na manggagawa at naglingkod nang mahabang panahon bilang Pulang mandirigma at kumander. Halawan natin ng aral ang kanyang inialay na buhay na paglingkuran ang sambayanan.
Kinatangian ang nakaraang taon ng papatinding krisis sa ekonomiya sa buong daigdig, na siyang tumagos sa malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Sa gayon, nananatiling wasto at makatarungang magsagawa ng rebolusyonaryong digma. Batid nating tinukoy at iwinawasto ang mga suhetibistang pagkakamali, pangunahin ang empirisismo, na nagtutulak sa mayor na bahagi ng ekonomismo, ligalismo, NGOismo at repormismo at siya ngayong pinagpapatuloy nating iwasto.
Tumitindi ang pandaigdigang krisis ng kapitalismo at sumasagipsip sa deindustriyalisadong ekonomiyang Pilipino
Nangyayari sa buong kapitalistang daigdig ang matinding krisis dulot ng tuloy-tuloy na anarkiya sa produksyon at paghahabol ng supertubo. Kahit sa mga kapitalistang sentro tulad ng US, China, at Europa, nangyayari na ang pagbabagal at pagbabawas ng produksyon dulot ng napakalaking bilang ng mga kalakal na hindi na kayang bilhin ng mamamayan.
Gayundin sa Pilipinas, kung saan lalong binabaklas ang atrasadong antas ng industriyalisasyon upang magsilbi ang bansa bilang tagatanggap lamang ng daluyong ng labis na produkto mula sa ibang bansa. Labas sa direktang pagtatambak ng mga yari nang produkto, iniimbwelto ang napakalimitadong kakayahang industriyal sa bansa sa pagbubuo ng mga materyales at iba pang mga bahagi ng produksyong mababa ang nalilikhang halaga upang mangalap pa ang mga monopolyo kapitalistang dayuhan (MKD) ng mas malalaking supertubo.
Sa rehiyon ng Timog Katagalugan, sinasalamin ang krisis ng labis na produksyon ng mas pinalakas na produksyon ng mga kalakal na mababa ang nalilikhang halaga sa harap ng papatinding pagsasamantala sa mga manggagawa. Tampok ngayon sa mga pagawaan ng sasakyan at mga kakabit nitong mga empresa ang pinalakas na produksyon pangunahin ng mga sasakyang may mas lumang istandard (Euro4 o higit pa) para magsilbi sa pinatinding korporatisasyon ng pangmasang transportasyon.
Mayor na tinutulak ng mga kapitalista ang turnover ng kanilang mga labis-labis na kalakal sa pamamagitan ng mga kumpanya sa lohistika. Araw-araw pinagsasamantalahan ang mga manggagawa para mag-repack ng mga kalakal at dalhin ito sa iba’t ibang mga lugar para subukang akitin ang mamamayang halos walang-wala nang maipanggastos.
Sa ilang bahagi ng industriya, may ilusyon ng malakas na produksyon. Ngunit nagsisilbi lamang ito sa makitid na kakayahan ng ekonomya ng bansa na saluhin ang labis na produkto at siyang magbubunga ng mas matinding krisis sa hinaharap. Hindi sustenable ang penomenong ito, at sa mga industriyang ito kailangang maghanda ang mga manggagawa sa matitinding atake sa kanilang kabuhayan.
Matindi pa rin ang depresyon ng sahod ng mga manggagawa, na lumalangoy ngayon sa karagatan ng kontraktwalisasyon at mababang-antas ng kabuhayan. Napakalimitado ng segurong sosyal na natatanggap nila, at minsan pa ay hindi sinusunod ang mga benepisyong nakasaad sa reaksyunaryong batas. Hindi pa rin ganap na tinatanggal ang “rasyunalisasyon” o rehiyunalisasyon ng minimum na sahod, na lalong binanghay sa rehiyon ng CALABARZON sa palasak na kadahilanan ng pagkakaiba sa presyo ng pamumuhay sa mga bayan nito, ngunit sa totoo ay hindi kasinlaki ang diperensya nito sa ginawang pag-aagwat ng minimum na sahod.
Sa kasalukuyan, ang pinakamataas na P600 minimum na sahod sa CALABARZON ay nagkakahalaga lamang ng P432.43 noong 2018; habang sa MIMAROPA ang P430 na minimum na sahod ngayon ay nagkakahalaga lamang ng P317.58 noong 2018. Walang nagawa ang taun-taon na pagtataas ni Marcos Jr. ng minimum na sahod para ampatin ang matinding pagtaas ng presyo ng bilihin at siyang napakalayo pa rin sa family living wage, na nasa P1,157.14 na sa CALABARZON at P1,245.22 sa MIMAROPA kung pagbabatayan ang datos ng mga presyo hanggang Nobyembre 2025.
Dahil dito, lalong tumitingkad ang pangangailangan ng mga manggagawa na magkaisa at itaguyod ang kanyang karapatan at kagalingan. Malawakan nilang pinaplano ang pagbubuo ng mga unyon at samahan ng mga manggagawa, at sa mga nakatindig na, ay pumapasok sa sama-samang pakikipagtawaran sa kapitalista para makamit ang dagdag-sahod at benepisyo.
Bilang estado ng mga naghaharing uring MKD, malaking burgesya kumprador at panginoong maylupa, tila mga sampal sa mukha ang mga pagsisikap na ito ng mga manggagawa kahit na sa balangkas pa lamang ito ng pinahihintulutan ng reaksyunaryong batas.
Pinagpapatuloy nitong pakilusin ang NTF-ELCAC sa balangkas ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ni Marcos Jr. para tuloy-tuloy na wasakin ang kilusang masa sa buong bansa at sa rehiyon. Sa rehiyon, may partikular itong tuon sa pagsubok na wasakin ang kilusang manggagawa.
Pinakilos ni Marcos Jr. ang mga armadong pwersa nito sa pamamagitan ng mga pamamaraang mapanlinlang at mapamwersa. Walang patid ang ginagawang surbeylans sa mga lider-manggagawa hanggang sa mga aktibong kasapi ng mga unyon ng manggagawa, sa layuning pasukuin sila o magpasibo sa kanilang makabuluhang gawain.
Sinisikap pa ring ihiwalay ng rehimen ang mga progresibong manggagawa upang pigilan ang paglaganap ng diwa ng pagkakaisa at sama-samang pagkilos sa hanay ng mga manggagawa. Labas sa mga armadong pwersa ng AFP at PNP, pinakikilos rin nito ang mga nagpagamit na mga pusakal na dating mga matitikas na lider-manggagawa sa ilalim ng pederasyong SAHUD na binuo ng NTF-ELCAC, na lampa na ngayon hindi lamang sa harap ng estado, kundi maging sa harap ng kapitalista.
Nananatiling hinog na hinog ang kalagayan sa pagrerebolusyon
Sumambulat sa mga nakaraang buwan ang krisis pampulitika sa pamamagitan ng pinaigting na tunggalian sa loob ng mga naghaharing grupong Marcos at Duterte, at siyang nagbunsod ng ligalig sa lipunan. Lalong nailantad ng bawat naghaharing grupo ang sarili nila bilang mga sakim sa kapangyarihan at nagpapakasasa sa kaban ng bayan sa harap ng matinding kahirapang nararanasan ng mamamayang Pilipino.
Inilantad din ng mga nagtutunggaling pangkating Marcos at Duterte ang hangganan ng reaksyunaryong batas at sistema na magsisilbi lamang sa kung hanggang saan makakapagbenepisyo ang naghaharing uri. Hanggang ngayon, walang napapanagot sa mga mayor na sangkot sa kurapsyon, at aktibong pinipigilan ni Marcos Jr. na bumalik sa kanya ang mga daliring ipinanturo niya ng mga “sangkot at imbwelto sa kurapsyon”, kahit na kalakhan ay naging mga susing alyado nya sa lehislatura at ehekutibo.
Gayundin, may hangganan ang reaksyunaryong batas at paghahangad ng mga reporma sa umento sa sahod at pag-uunyon. Ito ang naging mapait na karanasan ng mga manggagawa sa Pransya at Inglatera mula noong ika-18 siglo, at ng mga nauna sa atin noong dekada 1930, dekada 1980 at sa malapit na nakaraan, at siya dapat nating balik-aralan ngayon.
Nasa ating mga harapan ang kabang-yaman ng mga aral at karanasang dapat nating balik-aralan kung tatahakin natin ang landas ng mapagpasyang pagsulong at pagtatagumpay.
Sa gayon, magkaisa tayo na iangat, iangat, iangat! Iangat ang ating kamulatan, iangat ang ating praktika, iangat at isulong natin ang digmang bayan tungo sa tagumpay!
Sa dakilang araw ng pagkatatag ng ating pinakamamahal na Partido, magkaisa tayo na iwasto ang ating mga kahinaan at pagkakamali. Iangat natin ang ating mga sarili sa lusak ng pagkatigil at mabagal na pagsulong. Iangat natin ang ating kaisipan mula sa pagkakasya sa mga personal na karanasan at pira-pirasong kaalaman tungo sa solido at maningning na praktika at aral ng mga nauna sa atin at maging ng ating rebolusyonaryong kilusan sa kasalukuyan.
Ituloy-tuloy nating tupdin, itaguyod at isulong ang kilusang pagwawasto. Pakilusin natin ang libo-libong manggagawang naghahanap ng kalutasan sa kanilang mga suliranin sa trabaho bilang mga mulat-sa-uring proletaryado upang magsilbi ng makauring papel nito sa pamumuno ng pambansa-demokratikong rebolusyong may sosyalistang perspektiba.
Paramihin natin ang mga Ka Tau, mga proletaryadong handang mag-alay ng buhay para sa rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang mamamayang lumalaban!
Manggagawa, iangat ang pakikibaka, tumungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!