Ika-57 anibersaryo ng Partido, ipinagdiwang ng BHB-Leyte
Masiglang ipinagdiwang ng isang yunit gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Leyte ang ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) kahapon, Disyembre 26.
Eksakto sa araw ng anibersaryo, matagumpay na naisagawa ng yunit ang kanilang aktibidad sa isang sikretong lokasyon nang lingid sa kaalaman ng mga armadong pwersa ng rehimeng US-Marcos.
Sa isang simpleng programa, pinarangalan ng mga Pulang mandirigma ang mga kasamang nabuwal sa pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka. Kabilang dito sina Juanito Selleza Jr (Ka Tibor), Sadam Paclita (Ka Dimple), Lino Delante (Ka Dodong), Fidel Lagado (Ka Rod), Maricel Anora (Ka Yenyen), at Rogelio Berino (Ka Sonny), mga kasapi ng BHB-Leyte na namartir sa nakaraang taon.
Binasa at tinalakay rin ang pahayag ng Komite Sentral ng PKP. Muling napagtibay ng yunit ng BHB ang kahandaan nilang isulong ang digmang bayan at ang kasalukuyang kilusang pagwawasto.
Dagdag na patunay din ang aktibidad na hungkag ang pahayag ni Marcos Jr at ng Armed Forces of the Philippines na “wala nang grupong gerilya” sa bansa.