Ilehitimong rehimeng US-BBM, bagsak ang grado sa unang mahigit isandaang araw

Sa simula’t sapul, malinaw na sa taumbayan na walang ibang aasahan sa ikalawang rehimeng US-Marcos kung hindi lubos pang pagsahol at pagdausdos ng kalagayang pang-ekonomiya at pampulitika sa ating bansa. Agad naman itong pinatunayan ni Pangulong Bongbong Marcos sa unang mahigit isandaang araw ng kanyang ilehitimong rehimen.

Neoliberal na patakaran sa ekonomiya

Pagkaupong-pagkaupo pa lamang ni BBM, naitala na kaagad ang pinakamataas na tantos ng implasyon na higit sa pitong porsyento. Lubos itong naramdaman ng mga karaniwang mamamayan sa Lambak ng Cagayan mula sa mga batayang produktong kinokonsumo hanggang sa mga farm inputs ng mga magsasaka. Sa simula ng termino ni BBM, biglang sumirit tungong P3000 hanggang P4000 ang isang sako ng abonong urea mula sa presyong P900 hanggang P1100. Ang isang kilo ng asukal ay naging P80 at umaabot pa sa P120 sa mga liblib na lugar.

Pinakamahina rin ang piso kontra dolyar sa kasalukuyang rehimen na umabot na sa P59. Lalo pang lalaki ang trade deficit ng bansa lalo na’t isinasandig ni BBM ang suplay ng bansa sa pag-aangkat. Ito ay sa kabila ng pagkakaroon ng oversupply ng ilang produktong lokal tulad ng bawang na galing sa Batanes na masasayang lamang dahil nag-aangkat naman diumano ang DA ng 78,133 MT ng bawang, at isinisi pa ito sa mga magsasaka.

Lalo pang ibubukas ni BBM ang bansa sa pandarambong ng mga dayuhan sa paghahakot ng $14 bilyong pamumuhunan mula sa mga karatig-bansa sa Asya at sa among imperyalistang Estados Unidos. Sa Cagayan, nagpapatuloy ang pakikipagsabwatan ni Governor Mamba sa mga negosyanteng Tsino para sa mga proyekto tulad ng black sand mining sa tabing ng dredging, offshore mining, Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) at ang kontrobersyal na Cagayan International Gateway Project sa Tuao.

Sa Nueva Vizcaya, nagpapatuloy ang mapanirang pagmimina ng ginto ng dayuhang kumpanyang Oceana Gold.

Ang dinastiyang Marcos at mas masahol na kurapsyon at kroniyismo

Lalong umarangkada ang rebisyunismo sa kasaysayan. Tigas-mukhang sinabi ni BBM na ipagpapatuloy niya ang mga simulain ng kanyang ama tulad ng pamumunong may “pagmamahal at respeto”, at kung ano-ano pang pilit na pagpapabango sa kasuklam-suklam na diktaduryang Marcos. Ipinapangalandakan nito ang kasinungalingang “ginintuang panahon” ng Pilipinas ang Batas Militar ni Marcos Sr. Hindi pa rin ibinabalik ang pagtuturo ng kasaysayan ng Pilipinas sa ilalim ng K-12 na kurikulum sa sekundaryang antas at GE Reform sa mga pampublikong pamantasan.

Tiniyak ng dinastiyang Marcos ang kontrol sa lehislatura sa pag-upo ng kanyang anak bilang kongresista, kanyang pinsan bilang House Speaker, at dati nang nakaupong kapatid sa Senado. Binigyan nitong muli ng leverage ang mga malalapit na kaibigang kapwa mga dinastiya rin tulad ng pamilyang Enrile ng Cagayan sa pagtatalaga nito kay Juan Ponce Enrile bilang Presidential Legal Adviser.

Sinigurado rin ni BBM na hindi na mababawi mula sa kanilang pamilya ang kanilang ninakaw na yaman sa pamamagitan ng pagtatanggal ng badyet ng Philippine Commission on Good Governance para sa susunod na taon. Nagpapakalat sila ng mga pekeng impormasyon na nabayaran na ni BBM ang P200 bilyong buwis nito. Marami pa ring mga biktima ng Batas Militar sa mga bayan ng Cagayan at Isabela ang napagkakaitan ng karampatang kompensasyon.

Liban pa rito, kasinlaki ng posibilidad ng muling korapsyon ang pinakamalaking tipak ng pambansang badyet na inilagak sa Kagawaran ng Agrikultura at Kagawaran ng Edukasyon, na ang huli’y mayroong kahina-hinalang P500 milyong pondo para sa paniktik, na hawak rin kapwa nina BBM at VP Sara Duterte-Carpio, para sa taong 2023. Iba pa ito sa kuwestiyunableng P2.3 bilyong pondo ng Opisina ng Bise-Presidente na tinalakay ng Kongreso sa loob lamang ng pitong minuto.

Subalit gaano man kasaklaw ang kapangyarihan, hindi mapipigilan ng mga Marcos ang mga kritisismo sa kanilang pag-aastang hari at reyna sa Malacañang. Tatlong miyembro ng Gabinete ang nagbitiw sa pwesto bago ang ikasandaang araw ng kanyang termino at hanggang ngayo’y nananatiling bakante ang kanilang mga posisyon. Kaliwa’t-kanang pambabatikos rin ang natanggap ni BBM dahil hindi nito maitago-tago ang maluhong pamumuhay dulot ng mga nakaw na yaman sa gitna ng matinding kahirapang nararanasan ng kalakhan ng mga mamamayan. Habang sinisira ng sunod-sunod na bagyo ang kabuhayan ng libo-libong magsasaka sa rehiyon at buong bansa, abala naman si BBM sa panonood ng Grand Prix sa Singapore at pagkukuha ng vlog habang nasa New York.

Pasismo at karahasan ng AFP at PNP

Dahil pahirap at palpak ang rehimen ni BBM, lalong lumiliyab ang galit at paglaban ng mga mamamayan sa kalunsuran at kanayunan. Subalit imbes na tugunan ang mga makatarungang kahilingan ng mga mamamayan sa gitna ng krisis, karahasan lamang ang tugon ng pasistang rehimen.

Ipinagpatuloy ni BBM ang dati nang mga mapaniil na batas tulad ng EO 70 at Anti-Terror Law ni Duterte. Lalo pa itong pinasahol ni BBM nang isinabatas ang Sim Card Registration Act na magpapaigting sa sarbeylans sa mga pribadong buhay ng mga sibilyan.

Ayon sa UN Commission on Human Rights, tumaas nang 78% ang bilang ng mga ekstrahudisyal na pagpaslang o EJKs sa simula pa lamang ng termino ni BBM. Marami sa mga ito ang maituturing na pulitikal na pamamaslang na hindi malayo sa sinapit ng tatlong Pulang mandirigma sa hangganan ng mga bayan ng Sto. Niño at Piat sa Cagayan noong nagdaang Semana Santa.

Sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa kanayunan, nanatiling nakakampo ang mga tropa ng 5th Infantry Division ng Philippine Army sa iba’t-ibang bahagi ng Lambak ng Cagayan, na nagdudulot ng matinding takot sa mga sibilyan. Ayaw nilang maabutan ng dilim ni matahulan ng mga aso dahil baka pagkamalan silang mga rebelde at biglang paputukan ng baril ng mga sundalong nakahimpil sa mga eskwelahan, barangay hall, at mismong kabahayan. Nakatatak na kasi sa mga mamamayan ang maruming rekord ng mga paglabag ng AFP at PNP sa karapatang-pantao. Gaya na lamang noong kasagsagan ng operasyong militar ng 5th IDPA sa Cagayan at Isabela noong Abril hanggang Mayo 2022 kung saan binugbog ng mga militar ang ilang lalaking sibilyan matapos mag-interoga kung nasaan ang yunit ng NPA.

Bilang bahagi ng kontra-insurhensiyang patakaran ng Estados Unidos, lalong hinuhubog ang AFP bilang tutang hukbong sisiil sa karapatan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mga interoperability exercises kasama ang US Armed Forces. Halimbawa nito ang Kamandag exercises sa pagitan ng Philippine Marines at US Marines na ginanap sa Isla ng Calayan, Cagayan at katatapos lamang noong Oktubre 14.

Bago pa maupo si BBM sa poder, inaasahan nang walang makabuluhang pagbabagong makakamit ang mga mamamayan sa muling pagbabalik ng mga Marcos dahil sa nakakasulasok na rekord ng mga kasalanan sa bayan ng kanilang pamilya. Tanging ang pansariling pagpapayaman at pagpapakasasa sa kapangyarihan ang gagawin ng pamilyang Marcos sa pagbabalik nito sa Malacañang matapos ang malawakang dayaan noong Eleksyon 2022.

Sa unang mahigit isandaang araw nito, bagsak na kaagad ang grado ng ilehitimo, inutil, at anti-mamamayang rehimen ni Bongbong Macos. Walang-dudang dapat ibagsak rin ito ng mga mamamayan sa kagyat. Hindi lang ang pag-upo ng isang Marcos sa tuktok ng bulok na burukrasya ang mauulit sa kasaysayan. Pati na ang muling pagsikad ang kilusang manggagawa, kabataang-estudyante, magsasaka, at mga demokratikong pwersa sa mga sentrong siyudad at sa kanayunan. Sa malayuang tanaw, ito rin ang mitsa ng muling pagdami at paglakas ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon at sa buong kapuluan.#

Ilehitimong rehimeng US-BBM, bagsak ang grado sa unang mahigit isandaang araw