Pahayag

Ang Paglaban sa Imperyalistang US ang makasaysayang pagsusulong ng Pambansang Soberanya!

,

Nakikiisa ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid – Balangay Aplaya at Katipunan ng ma Samahang Manggagawa – Balangay Ka Makar sa mga mangingisda, magsasaka, mala-manggagawa, katutubong mamamayan, kababaihan, kabataan, artista at iba pa, sa kanilang protesta sa harap ng embahada ng imperyalistang US sa Maynila, para gunitain ang ika-10 anibersaryo ng tagumpay sa Permanent Court of Arbitration kontra sa imperyalistang China, at kondenahin ang kolonyal na paghahari ng imperyalistang US, at pang-uupat nito ng gera sa South China Sea at Asya-Pasipiko.

Makatwiran at wasto na sa embahada ng imperyalistang US nagprotesta mga sektor anakpawis, dahil habang nanlilinlang ang mga grupong pseudo-repormista o nagpapanggap na makabayan at maingay kontra-China, tahimik naman ito kontra imperyalistang US, na mahigit walong dekada na ang mala-kolonyal na pagdidikta sa usaping pampulitika, ekonomiya, kultura at lipunan ng bansa, at pagpapanatili ng mga papet na rehimen na binubuo ng mga burukrata kapitalista, malalaking burgesya kumprador at mga malalaking panginoong maylupa.

Bagama’t tulak ng makasaysayang pakikibaka ng sambayanang Pilipino ang naging batayan ng pagpabor ng PCA sa bansa noong 2016, sinamantala naman ito ng imperyalistang US sa pagpapakawala ng black propagandang Sinophobia, papalaking deployment ng pwersang militar sa Asya-Pasipiko at South china Sea, at ngayon diktado ang papet na rehimen US-Marcos na sayangin ang tagumpay sa arbitrasyon dahil bahagi ito sa pang-uupat ng gera at taliwas sa mapayapa at diplomatikong resolusyon at papet na tagapagpatupad ng First Island Chain Strategy kontra-China ng imperyalistang US.

Dahil dito, higit na umigting ang tensyon sa ating karagatan kung saan dumanas ng antagonistikong pagtrato ang mga Pilipinong mangingisda mula sa mga Coast Guard ng China. Kabilang na rito ang permanenteng pag-istasyon ng mga barko ng China Coast Guard sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal)—bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa na sagana sa yamang-dagat at nagsisilbing kanlungan ng mga mangingisda tuwing masama ang panahon at malakas ang alon.

Mula sa direktang interbensyong militar, pinauunlad ngayon ng imperyalistang US ang pagtatayo ng mga pang-ekonomikong imprastraktura na higit pang magpapapasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa. Kabilang rito ang pang-ekonomikong alyansang Pax Silica na pinamumunuan ng US. Itatayo ito sa New Clark City sa Tarlac-Pampanga kasabay ng Artificial Intelligence (AI) hub na itinatakwil sa ibang bansa dahil sa usapin ng paglabag sa pambansang soberanya, at pagiging magastos at makonsumo sa rekursong enerhiya at tubig.

Kamakailan lamang ay inanunsyo rin ng US Trade and Development Agency (USTDA) ang planong pondohan ang rehabilitasyon ng Sangley Point International Airport (SPIA) sa Cavite upang maging bahagi ng Luzon Economic Corridor—kasunduang pang-imprastraktura sa pagitan ng Pilipinas, US, at Japan. Estratehiko ang lokasyon ng naturang paliparan na nasa bungad ng Manila Bay palabas ng South China Sea. Pinangangambahan ng mga mangingisda ng Manila Bay na maging baseng militar ito ng US na magsasapeligro ng kanilang seguridad at makakaapekto sa malayang paglalayag.

Dapat ilantad at itakwil ang pag-aastang kampeon ng pambansang soberanya ni Marcos Jr na lantarang ibinubuyangyang ang ating teritoryo at likas-yaman sa imperyalistang dayuhan. Dapat ding matalas na pabulaanan sina Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro, PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Jay Tarriela, Akbayan, Former Associate Justice Antonio Carpio, Atty. Jay Batongbacal, at iba pang tulad nilang nagsusulong ng naratibong lantay anti-China na nagtatakip sa higit na direktang panghihimasok ng imperyalistang sa ating teritoryal na kalupaan at katubigan.

Nasa demokratikong interes ng mga inaaping uri at sektor na iwasto ang naratibo hinggil sa tunay at mas malaking banta sa ating pambansang teritoryo at soberanya. Nananatiling panawagan ng mangingisda, magsasaka, maralita at mamamayang Pilipino ang mapayapa at diplomatikong resolusyon sa sigalot sa South China Sea. Hindi panig sa imperyalistang US ang mga mangingisda, dahil makauring interes nila ay mapayapang makapangisda sa West Philippine Sea para sa kabuhayan, nang hindi dinadamay ng mga bayarang armadong pwersa ng papet na rehimeng US-Marcos sa kanilang mga operasyon, at hindi maabala ng military exercises na sumisira sa kalikasan ng karagatan. Hindi rin interes ng sambayanang Pilipino na pumutok pa ang karagdagang teatro ng gera sa Asya-Pasipiko, gayung lugmok na nga ang masang anakpawis sa pang-ekonomiyang danyos ng imperyalistang gera ng US laban sa Iran.

Sigaw ng mga mangingisda, magsasaka, maralita at mamamayan na: isulong na ang mapayapa at diplomatikong resolusyon sa pamamagitan ng pakikipag-negosasyon ng papet na rehimen sa imperyalistang China, pangunahin para igalang ang karapatan sa pangingisda at malayang paglalayag; at itigil na ang pang-uupat ng gera sa Asya-Pasipiko ng imperyalistang US at mga ahente nito sa papet na rehimen.

Nararapat na ilantad na ang imperyalistang US pa rin, kasama ang mga kaalyadong imperyalistang bansa nito, ang nangungunang lumalabag sa ating pambansang soberanya, patrimonya, at kasarinlan. Dapat balik-aralan sa kasaysayan na ang mga imperyalistang US at Hapon ang may dokumentadong pagpatay sa daan-daang libong mamamayang Pilipino, pagtortyur, paggahasa at pag-abuso. Ang mga ito ang dapat inuusig para bigyang hustisya ang sambayanang Pilipino, at hindi pangunahin ang imperyalistang China.

Hinding hindi itataguyod ng isang papet na rehimen ng imperyalistang US ang pambansang soberanya. Makakamit lamang ito sa matagumpay na pagsusulong sambayanang Pilipino sa Demokratikong Rebolusyong Bayan. Nasa programa nito ang pagtataguyod ng nagsasariling patakarang panlabas sa balangkas ng relasyong diplomatiko at para sa kapakinabangan ng isa’t isa. Nasa ubod ng Pambansa Demokratikong Rebolusyon ang paglalansag sa mga di-pantay na kasunduang pang-ekonomiya at militar sa mga imperyalistang kapangyarihan pangunahin sa Estados Unidos. Tanging sa landas na ito makakamit ang ganap na pambansang paglaya at kasarinlan.

Ang Paglaban sa Imperyalistang US ang makasaysayang pagsusulong ng Pambansang Soberanya!