Insulto sa mamamayang Pilipino ang VIP vaccination ng mga alipores ni Duterte

Wala nang sasahol pa sa pagkainutil at traydor ni Duterte. Hindi pa sapat sa kanya na ipagkait sa masang Pilipino ang mass testing at epektibong contract tracing na dapat ay naging malaking bahagi ng tugon sa pandemya ng Covid-19. Ngayon, meron pa siyang kapal ng mukha na bigyang prayoridad sa bakuna ang mga berdugo niyang galamay!

Sa gitna ng lalong tumataas na mga kaso at banta ng isang panibagong strain ng virus, inuna pa ni Duterte ang kanyang mamamatay-taong kasundaluhan at mga miyembro ng gabinete na walang silbi kung hindi magpalalim ng bulsa at tumango-tango sa bawat salitang bibitawan ng tiranikong pangulo. Hindi na nakapagtataka, muling isinantabi ni Duterte ang mga medical frontliner na siyang numero unong nalalagay ang buhay sa peligro sa pagtugon sa Covid-19.

Higit pang kasuklam-suklam ang malinaw na namang paghalik ni Duterte sa paa ng amo nitong China. Walang kahit kaunting kahihiyan ang rehimen na ianunsyong isang hindi aprubadong bakuna ang kanilang inangkat mula sa China. Siguradong hindi na ikagugulat ng taumbayan kung sa darating na mga araw, linggo, o buwan ay mayroon na namang bahagi ng teritoryo ng bansa na isusubo ni Duterte sa naglalaway na bibig ni Xi Jinping.

Lubos na pinatutunayan ni Duterte na labas-sa-ilong ang mga islogan ng kanyang administrasyon na tulad ng “We Heal As One”. Sa katunayan, walang kahit katiting na intensyon ang pasistang rehimeng ito na aksyunan ang pandemya dahil mananatili itong armas nila para sa patuloy na panggigipit sa masa. Walang duda na napakalaki na rin ng napiga ni Duterte at ng mga kaalyado nito sa mga pondong para sana ay sa mga proyektong pangkalusugan at panlipunang serbisyo.

Wala nang ibang hangad ang masa ngayon kung hindi makaahon mula sa delubyo na si Duterte. Ang rehimen mismo ang nagtutulak sa masa na magpatalsik ng pasistang diktador.

Insulto sa mamamayang Pilipino ang VIP vaccination ng mga alipores ni Duterte