Pahayag

Ipaglaban ang pambansang soberanya sa pang-aagaw ng China at pang-uupat ng US sa West Philippine Sea!

Mariing kinokondena ng CPP-ST ang pang-aangkin ng China sa West Philippine Sea (WPS) at ganid na panghihimasok ng US. Hinihikayat ng CPP-ST ang mamamayang Pilipino na ipaglaban ang pambansang soberanya at paigtingin ang mga anti-imperyalistang pakikibaka sa harap ng kainutilan ng rehimeng Duterte na ipagtanggol ang integridad ng Pilipinas. Hindi lamang isinuko ng rehimen ang pambansang soberanya ng bansa, kundi inilagay pa nito sa balag ng alanganin ang buhay ng mamamayang Pilipino na maiipit sa tunggalian ng dalawang malaking imperyalistang kapangyarihan.

Sobra na ang paghahari-harian ng China sa WPS at sunud-sunod na ang mga kaso ng pagyurak nito sa soberanya at integridad ng bansa at pag-aalipusta sa mga Pilipino. Nitong Marso, namataan ang higit 200 sasakyang pandagat ng China sa Julian Felipe Reef na nasa loob ng exclusive economic zone at extended continental shelf ng Pilipinas. Nakakalat na ang mga pwersa ng China sa iba pang bahagi ng WPS at Kalayaan Group of Islands ng Palawan. Ang mga lumalapit na sasakyang pandagat ay sinasalubong nito ng radio challenge at mga babala. Noong Abril 8, hinabol ng dalawang missile-attack craft ng China ang barkong pangisda na lulan ang Pilipinong midya sa Ayungin Shoal na saklaw ng Palawan.

Malinaw itong paglapastangan ng China sa pambansang soberanya ng Pilipinas at hayagang paglabag sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration ng United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS) na kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa WPS. Ayon sa UNCLOS, walang batayan ang mapang nine-dash line at walang karapatan ang China sa mga inokupang teritoryo sa WPS.

Walang pangil ang mga diplomatic protest ng rehimeng Duterte laban sa agresyon ng China. Buong karuwagan nitong iniaasa ang pagtatanggol sa teritoryo sa pinanghahawakang Mutual Defense Treaty sa US. Nabubuhay sa ilusyon ang rehimeng Duterte na papasok sa gera ang US laban sa China para lamang depensahan ang teritoryo ng Pilipinas na inaangkin ng huli. Ang katotohanan, isa lamang piyon ang Pilipinas sa ribalan ng dalawang imperyalistang kapangyarihan para sa geopulitikal na dominasyon sa Asia-Pasipiko—at kung saan estratehiko ang heograpikal na pusisyon ng bansa sa kawing ng depensa ng mga base militar ng US para salikupin at ikonteyn ang China.

Samantala, pinapalakpakan pa ng mga lokal na ahente ng US sa Pilipinas tulad nina Lorenzana, Esperon at matataas na heneral sa AFP ang mga ekspedisyon at pagsasanay-militar ng US sa WPS at South China Sea sa tabing ng kalayaan sa paglalayag. Nagpapahiwatig ang mga ito ng pagsang-ayon sa pang-uudyok ng US ng gera sa China.

Walang bayag si Duterte na igiit ang pambansang soberanya at kasarinlan ng Pilipinas. Taksil niyang inihahandog ang patrimonyang yaman ng bansa sa dalawang imperyalistang amo kapalit ng mga pabor, pautang, armas, bakuna at suporta sa kanyang paghahari lagpas 2022.

Tanging sa pagkakaisa at paglaban ng sambayanan maipagtatanggol ang pambansang soberanya sa mga imperyalistang kapangyarihan. Isinusulong sa bansa ang demokratikong rebolusyong bayan na pinamumunuan ng CPP para palayain ang bansa sa kuko ng imperyalismo, maitatag ang tunay na demokratikong gubyernong bayan at matamasa ng mamamayan ang sariling yaman at rekurso.

Nakahanda ang rebolusyonaryong mamamayan sa rehiyon na ipaglaban ang pambansang integridad at kalayaan hanggang sa mapalaya ang Pilipinas sa pagkakasaklot ng imperyalismo at maibagsak ang mga lokal nitong papet sa bansa.###

Ipaglaban ang pambansang soberanya sa pang-aagaw ng China at pang-uupat ng US sa West Philippine Sea!