Pahayag

Isulong ang rebolusyon at kamtin ang bagong mga tagumpay sa 2025

,

Buong tapang at militanteng sinasalubong ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng Bagong Hukbong Bayan ang bagong taong 2025, kaisa ang lahat ng mga rebolusyonaryong pwersang kaalyado ng National Democratic Front of the Philippines at sambayanang Pilipino. Tinatanaw namin ang 2025 bilang taon ng walang humpay na pakikibaka at pinagpunyagiang mga tagumpay. Taglay ang di-matitinag na determinasyon, at sa pamumuno ng Partido, lalong palalakasin ng sambayanang Pilipino ang kanilang paglaban sa korapsyon, mapang-aping mga patakaran sa ekonomya, brutal na terorismo ng estado, at tahasang pagtataksil sa bansa ng rehimeng Marcos.

Sa nakaraang taon ay bumulusok nang husto ang kagalingan ng taumbayan. Sa darating na taon, dapat lalong palakasin ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino ang kanilang pagtutol sa mga kontra-mamamayan at kontra-mahihirap na patakaran sa ekonomya ng rehimeng Marcos. Determinado silang magbangon at magprotesta laban sa pagsirit ng presyo, kulang na sahod, kawalang ng trabaho, pag-agaw ng lupa at kabuhayan ng mga tao, dislokasyong pang-ekonomya at ang patuloy na pagkabulok ng mga serbisyong pampubliko.

Masidhi ang galit ng mga tao sa harap ng tumitinding hindi pagkakapantay-pantay at inhustisyang panlipunan. Habang ang karamihan ay lumalaban para mabuhay sa gitna ng kahirapan at mga sakuna sa klima noong 2024, patuloy namang nagpakasasa sa kalabisan at luho si Marcos at ang kanyang mga korap na burukrata, mga pinapaburang kapitalista at malalaking panginoong maylupa. Nagkamal sila ng mas malaking kayamanan sa pamamagitan ng korapsyon, pagsasamantala sa mga manggagawa at magsasaka, at pagdambong sa likas na yaman ng bansa.

Determinado ang taumbayan na basagin ang paghahari ng lagim ng rehimeng Marcos. Sawang-sawa na sila sa brutal na gerang panunupil ni Marcos na nagpapatuloy sa tabing ng mga deklarasyong “insurgency-free.” Sigaw nilang tapusin ang batas militar sa libu-libong barangay sa kanayunan na mahigpit na kinokontrol ng militar. Kinukundena nila ang walang-habas na sarbeylans, panggigipit, Red-tagging, pag-aaresto at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso, kapwa sa mga lungsod at kanayunan, at hinihinging wakasan ang mga pang-aabusong ito.

Ang paglala ng panghihimasok militar ng US noong nakaraang taon ay nag-uudyok ng patriyotikong galit ng bayan. Galit sila kay Marcos sa pagpayag na itulak ang bansa sa bingit ng armadong hidwaan ng US laban sa China, at kung paanong inuutusan ng mga upisyal ng US ang mga pwersang Pilipino mula sa kanilang mga sikretong base militar. Isinisigaw ng sambayanang Pilipino ang paglalansag ng mga base militar ng US, pagwawakas sa paninikluhod ni Marcos at nananawagan para sa isang nagsasariling patakarang panlabas at pagtataguyod ng panrehiyong kapayapaan sa sa pamamagitan ng dayalogo.

Bilang taliba ng proletaryadong Pilipino at lahat ng aping uri at sektor, determinado ang Partido na pamunuan ang sambayanang Pilipino sa kanilang mga pakikibaka sa darating na taon. Ang mga kadre at aktibista nito ay umuugat nang mas malalim at mas malawak sa hanay ng masa upang pukawin, organisahin at pakilusin sila sa landas ng militanteng paglaban. Pinamumunuan ng mga kadre nito ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan na nagsusulong ng pakikidigmang gerilya upang biguin ang gerang panunupil ng rehimeng Marcos, palawakin pang lalo ang baseng masa at maglunsad ng taktikal na opensiba laban sa kaaway.

Determinado ang Partido na pangibabawan ang mga kahinaan sa nakaraan at itaas ang kakayahan nito na malawakang pamunuan ang masa. Hinihikayat nito ang lahat ng kanyang kadre at ang rebolusyonaryong masa na ibayong pandayin ang kanilang determinasyon na palawakin at palakasin ang Partido, ang BHB at mga rebolusyonaryong organisasyong masa, isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon at ubos-kayang kamtin ang mga tagumpay sa 2025 at sa mga darating na taon.

Isulong ang rebolusyon at kamtin ang bagong mga tagumpay sa 2025