Pahayag

Itatag, palawakin at palakasin ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa para isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon

,

Ngayong araw, itinatanghal natin ang mga pulang bandila ng National Democratic Front of the Philippines at ng 18 alyadong organisasyon nito bilang pagdiriwang sa ika-52 anibersaryo nito. Pinagpupugayan ng NDFP ang lahat ng mga bayani at martir na inalay ang kanilang buhay para sa pagpupunla ng binhi ng bagong demokratikong gubyerno ng bayan sa paglulunsad ng pambansang demokratikong rebolusyon sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at kanyang hukbo, ang Bagong Hukbong Bayan.

Okasyon rin ito para kilalanin ang matatag na pagsulong ng kilusang pagwawasto simula nang ilunsad ito noong 2023 para higit na isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa gitna ng brutal na atake ng kaaway, pagtataksil at panlalansi ng rehimeng US-Marcos Jr. Walang kahit anong tindi ng pasistang atake at panlilinlang (tulad ng walang katapusang pag-aalok ng amnestiya) laban sa rebolusyonaryong kilusan ang makapipigil sa paninindigan ng mga rebolusyunaryo at Pulang mandrigima na iwasto ang kanilang mga kahinaan at pagkakamali at isulong ang rebolusyon hangang sa tagumpay at waksan ang paghihirap ng sambayanang Pilipino.

Na ipinagdiriwang natin ang okasyong ito habang napalilibutan ng ingay ng 2025 eleksyong midterm na pinaghaharian ng naratibo ng mga naghaharing-uri at mga dinastiya sa pulitika ay nagpapatunay lamang sa pangangailangan, pagkamakatarungan at kakagyatan na itulak paabante ang pambansa-demokratikong rebolusyon at itampok ang 12-puntong programa ng NDFP bilang solusyon sa pamalagiang krisis ng mala-kolonyal at malapyudal na sistema na kailanman ay hindi kayang solusyunan ng reaksyunaryong eleksyon.

Batay sa programa ng PKP para sa demokratikong rebolusyong bayan, ang 12-puntong programa ng NDFP ay nagbibigay ng pag-asa para sa sambayanang Pilipino. Sa kasalukuyan, isinasabuhay ito ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan na nagsisilbing batayan ng pagkakaisa at balangkas ng pakikibaka ng iba’t ibang patriyotiko at demokratikong uri ng manggagawa, magsasaka, mala-manggagawa, petiburgesya at pambansang burgesya.

Nagkakaisang prente para sa armadong pakikibaka

Ang NDFP bilang organisasyon ng nagkakaisang prente ay para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Habang kinikilala ang iba’t ibang porma ng pakikibaka, itinataguyod ng NDFP ang armadong pakikibaka bilang pangunahing porma upang mabaklas ang bulok na malakolonyal at malapyudal na sistema habang unti-unti at tuluy-tuloy na binubuo ang bagong sistema sa pagpapaunlad ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan. Bumubuo tayo ng maaliwalas na bukas habang winawasak natin ang bulok at korap na sistema.

Mula nang binuo ito, 52 taon na ang nakalilipas, ang mga alyadong organisasyon ng NDFP ay hindi lamang nagbigay ng suporta sa pulitika, materyal, at teknikal sa Bagong Hukbong Bayan kundi nagpadala rin ng mga Pulang mandirigma, at ang iba ay naging mga kumander. Ang BHB ay ang organisasyong masa na nagsusulong ng armadong pakikibaka. Nagpapatupad rin ito ng rebolusyong agraryo at nagbubuo ng baseng masa tungo sa pagtatatag ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, ang binhi ng demokratikong gubyernong bayan. Habang inilulunsad pa ang pakikibaka, isinasabuhay at ipinatutupad ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika na ito sa iba’t ibang antas, ang mga bahagi ng 12-puntong programa ng NDFP tulad ng minimum na programa sa reporma sa lupa, serbisyo sa kalusugan at edukasyon, pangangalaga sa kalikasan, sistema ng hustisya at iba pa.

Ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika na ito ay kinakatawan ng NDFP sa pagtatag ng proto-diplomatikong relasyon sa mga estado at iba pang internasyunal na ahensya at sa usapang pangkapayapaan sa reaksyunaryong gubyerno ng Republika ng Pilipinas.

Sa ganitong punto-de-bista, dapat itatag, palawakin at palakasin ng NDFP ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa kalunsuran at kanayunan. Sa kasalukuyang pandaigdigan at pambansang krisis, kailangang-kailangan ang mga organisasyong masa para sa paikikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa pang-aapi at pagsasamantala at sa pagbubuo ng lipunang nararapat para sa kanila, na nagsisilbi sa kanilang mga interes.

Magpunyagi sa pagwawasto sa ating mga pagkakamali at kahinaan

Nang inilunsad ng PKP ang kilusang pagwawasto, tinukoy nito ang mga kahinaan sa gawain sa nagkakaisang prente na kinatangian ng pagbitaw sa pagbubuo ng lihim na rebolusyonaryong kilusan na nagresulta sa pagkakamali ng ligalismo at repormismo. Napansin rin nito na simula nang inilunsad ang kilusang pagwawasto noong 2023, mayroon nang mga tuluy-tulloy na hakbang upang maiwasto ang kahinaan na ito sa pamamagitan ng muling pagbubuo ng mga lihim na rebolusyonaryong organisasyonng kaalyado ng National Democratic Front of the Philippines—sa hanay ng kabataan, manggagawa, magsasaka, kababaihan, guro, manggagawang pangkalusugan at iba pa.

Higit pang marami tayong kailangang gawin sa harap ng kasalukuyang krisis. Kaya naman, ang pagdiriwang ngayong taon ay isa ring hamon sa NDFP at sa mga alyado nitong organisasyon na masigasig na iwasto ang mga pagkakamali at kahinaan. Nang parating inaalala na ang NDFP at mga alyadong organisasyon nito ay nagkakaisang prente para sa armadong pakikibaka, masigla nating tupdin ang mga sumusunod na tungkulin:

  • Itaguyod at suportahan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan
  • Ilunsad at isustine ang kampanyang Pakamahalin ang Hukbong bayan (Cherish the People’s Army), kabilang ang kampanyang pagpapasampa ng mga Pulang mandirigma para sa Bagong Hukbong Bayan
  • Imulat, iorganisa at irekrut ang abanteng seksyon ng masa para itatag at muling itayo ang kilusang lihim at rebolusyonaryong organisasyong masa.
  • Palaganapin ang 12-puntong programa ng NDFP:

1) Buklurin ang sambayanan para ibagsak ang sistemang malakolonyal at malapyudal sa pamamagitan ng digmang bayan at kumpletuhin ang pambansa-demokratikong rebolusyon.

2) Itatag ang demokratikong republikang bayan at ang demokratikong gubyernong koalisyon.

3) Buuin ang hukbong bayan at ang sistema ng tanggulang bayan.

4) Itaguyod at isulong ang mga demokratikong karapatan ng mamamayan.

5) Wakasan ang lahat ng di-pantay na relasyon sa US at iba pang dayuhang entidad.

6) Ipatupad ang tunay na repormang agraryo, itaguyod ang kooperasyong agrikultural, itaas ang produksyon at empleyo sa kanayunan sa pamamagitan ng modernisasyon ng agrikultura at industriyalisasyon sa kanayunan at tiyakin ang sustenableng agrikultura.

7) Wasakin ang dominasyon sa ekonomya ng US at iba pang imperyalistang kapangyarihan, malaking kumprador at panginoong maylupa; ipatupad ang pambansang industriyalisasyon at itayo ang ekonomyang malaya at umaasa-sa-sarili.

8) Ipatupad ang isang kumprehensibo at progresibong patakarang panlipunan.

9) Isulong ang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura.

10) Itaguyod ang mga karapatan sa pagpapasya-sa-sarili at demokrasya ng mamamayang Moro at mamamayan ng Cordillera at iba pang pambansang minorya o mamamayang katutubo.

11) Isulong ang rebolusyonaryong pagpapalaya sa kababaihan sa lahat ng larangan.

12) Ipatupad ang aktibo, malaya at mapayapang patakarang panlabas.

Walang ibang nararapat para sa mamamayang Pilipino kundi ang paglaya mula sa pang-aapi at pagsasamantala. Nararapat na matamasa nila ang isang makatao at progresibong lipunan at ang isang gubyerno na tunay na maglilingkod para sa kanilang mga pangarap at hangarin. Makakamit lamang ito sa pamamagitan ng pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang sa tagumpay.

Itatag, palawakin at palakasin ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa para isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon