Pahayag

Kababaihang magbubukid at maralita sa kanayunan, isulong ang Rebolusyong Agraryo at Digmang Bayan! Makibaka laban sa papet na rehimeng US-Marcos at imperyalismong US!

,

Sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis sa Marso 8, gunitain at kilalanin ang maningning na pakikibaka ng lahat ng kababaihan sa kanayunan kabilang ang mga magsasaka, manggagawang agrikultural, mangingisda, manggagawang bukid, katutubong mamamayan at maralita sa kanayunan, na kasapi ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA)–National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa bansa. Kahanga-hanga ang dedikasyon at sakripisyo sa paglahok at pagpapapalakas sa rebolusyonaryong kilusang magbubukid sa kanayunan, na nagsisilbing pangunahing pwersa ng Demokratikong Rebolusyong Bayan. Alalahanin natin ang sakripisyo ng mga kababaihang martir na humawak ng armas, namuno, naging edukador-propagandista, kampanyador, adviser sa mga kababaihang magbubukid, sa kalusugan, sa kagalingan ng mga anak, at pamilya, at pampulitikang pakikibaka.

Determinadong labanan ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa kanayunan sa ilalim ng rehimeng Marcos, mga naghaharing uri at imperyalismong US. Organisahin ang malawak na kababaihang magbubukid at maralita sa kanayunan, pamunuan ang mga pakikibakang masa, at basagin ang bulok na kulturang diskriminasyon at patriyarkal at pagmamaliit sa kababaihan ng mga naghaharing uri at estado. Patibayin ang samahang kababaihan, kasama ng magbubukid, katutubong mamamayan at kabataan para isulong ang mga anti-pyudal, anti-pasista at anti-imperyalistang pakikibaka.

Dulot ng lumalalang krisis pang-ekonomiya at pampulitika, lumalakas ang aspirasyon ng mga kababaihang magbubukid na lumaban, magbigkis at isulong ang interes at kapakanan ng pamilya, sektor at uri. Ang krisis pang-ekonomiya ay walang kahulugan sa pamilyang magbubukid kundi kahirapan, kagutuman, malnutrisyon at pagkakasakit ng mga anak, at dumudulo sa pagkamatay. Mataas ang kahandaan ng kababaihang magbubukid na organisahin ang sarili, militanteng makibaka at mapamunuan ng MAKIBAKA, Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid at ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sa kagyat, dapat mabuo sila bilang mga grupong pang-organisa ng mga kababaihang nag-aapoy ang galit sa mga kontra-kababaihan at kontra-magsasakang patakaran at programa ng papet na rehimeng Marcos.

Marapat na imulat ang mga kababaihang magbubukid, at kabataang kababaihang magbubukid upang sumanib sila sa Bagong Hukbong Bayan. Ang paghawak ng armas at pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan ay rurok ng pagkakapantay sa pakikibaka ng kasarian, paglaya sa bulok na burges at pyudal na kultura at pagtrato, at pang-aalipin ng malapyudal at malakolonyal na sistema. Ito ay hakbang ng pagdurog sa dominasyon sa kultura, pulitika at ekonomiya ng mga haciendero, kumprador, burukrata, pasista, konserbatibo at imperyalismo.

Ang kalayaan ng kasarian ay sa pamamagitan lamang ng Demokratikong Rebolusyong Bayan, na may sosyalistang perspektiba. Dapat durugin ang materyal na batayan ng diskriminasyon na kawalang lupa at domestikasyon, at palahukin ang malawak na kababaihang magbubukid sa rebolusyonaryong gawain at produksyon. Maging masigasig sa pakikipagkapit-bisig sa pagbubuo ng solidong lakas ng MAKIBAKA-Pambasang Katipunan ng Magbubukid (PKM)-Kabataang Makabayan (KM), at pagtutulungan sa BHB para isulong ang mga kampanyang pyudal at malapyudal sa kanayunan. Napakainam ng sitwasyon sa rekrutment sa kababaihang magbubukid para maging mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan at mamuno bilang mga kasapi ng PKP.

Tanganan ang mga aral ng Kilusang Pagwawasto at manguna sa pagbaka sa mga naging kahinaan sa mga nakaraan, isulong ang pakikibaka at kilusang masa, at malawak pang ugnayan at pamunuan ang kababaihang magbubukid at maralita sa kanayunan. Mahigpit na itaguyod ang linyang masa para sa Rebolusyong Agraryo, bilang hakbang sa mahabang landas ng pagpapalaya sa kasarian at tagumpay ng uri sa pamamagitan ng Demokratikong Rebolusyong Bayan, sa pamumuno ng PKP.

Kababaihang magbubukid at maralita sa kanayunan, isulong ang Rebolusyong Agraryo at Digmang Bayan! Makibaka laban sa papet na rehimeng US-Marcos at imperyalismong US!