Kabataan ng National Capital Region, Isulong ang Digmang Bayan sa Gitna ng Imperyalistang Gera at Krisis!
Taas kamaong pinagpupugayan ng Kabataang Makabayan-Brigada Lucille Gypsy Zabala ang ating Bagong Hukbong Bayan sa kanilang ika-57 na anibersaryo ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan upang makamit ang tunay na kalayaan at demokrasya.

Ramdam ngayon ng sambayanang Pilipino ang epekto ng panggegera ng imperyalismong US sa buong mundo. Upang panatilihin ang paghahari nito at kamkamin ang rekursong langis ng ibang bansa, inaatake ng imperyalismong US ang Venezuela at Iran. Dinakip ng US noong Enero ang presidente ng Venezuela na si Nicolas Maduro at kanyang asawa. Ang pambobomba naman ng US at Israel sa Iran ay pumatay na ng halos 2000 katao. Bilang pagganti sa walang habas na pambobomba, binomba ng Iran ang mga base militar ng US, opisina ng mga Amerikanong korporasyon at mga pasilidad ng langis sa maraming bansa sa Kanlurang Asya. Isinarado na rin nito ang Strait of Hormuz kung saan dumadaan ang malaking bahagi ng suplay ng petrolyo at ammonia na ginagamit sa buong mundo. Nagbabadya pa rin ang pagtindi ng alitan at paglawak ng saklaw ng labanan.
Bunsod nito, sumirit ngayon ang presyo ng langis sa ating bansa. Nagbabadya ring maubos ang suplay ng langis at magkaroon ng kagipitan sa paglikha ng kuryente na maaaring magdulot ng brownout. Nagtataasan ang presyo ng mga bilihin at pamasahe. Bingi-bingihan naman si Marcos sa mga panawagang itaas ang sahod kasabay ng pagtanggal ng VAT sa mga bilihin at excise tax sa petrolyo.
Nananatili pa rin ang mga base militar ng US sa ilalim ng kasunduang VFA at EDCA na naglalagay sa panganib sa sambayanang Pilipino. Inaasahan din sa susunod na buwan ang pinakamalaking Balikatan Exercises sa kasaysayan na instrumento ng US upang mang-upat ng gyera labam sa Tsina.
Nilalagay ng imperyalismong US sa imposibleng sitwasyon ang buhay ng mga mamamayan sa mundo. Ang mamatay sa gera at bomba o sa gutom at hirap.
Wala nang ibang landas para sa hustisya at kapayapaan kundi ang buhay-man-ang-ialay na paglaban para idulot ang kamatayan sa imperyalismong US!
Tanging ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan ang magluluwal ng hustisya, pagkakapantay-pantay, kaginhawaan at magtitiyak na masisilayan pa ng kabataang Pilipino ang ating kinabukasan.
Sa araw na ito, atin ding gunitain at pagpugayan ang mga martir ng rebolusyon na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang talino, dugo at pawis upang isulong ang ating matagalang digmang bayan. Magsilbi nawa itong inspirasyon sa ating mga kabataan na tahakin ang landas ng paglaban para sa ating ganap na paglaya mula sa saklot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Mabuhay ang ika-57 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan!
Digmang Bayan, Sagot sa Imperyalistang Gera at Krisis!