Pahayag

Kabataan sa Northern Samar, inistraping ng 43rd IB; abusong militar sa Las Navas, umiigting

Walang engkwentrong naganap sa pagitan ng 43rd Infantry Battalion at Bagong Hukbong Bayan noong Hunyo 13 sa Barangay Caputoan, Las Navas, Northern Samar. Sa halip, walang habas na inistraping ng pasistang batalyon si Olid Yanay, isang kabataang magsasaka mula sa Barangay Paco, bandang alas-8 ng umaga ng araw na iyon.

Kahit na isa sa mga sundalo mismo ang sumigaw na sibilyan si Yanay, hindi sila agad na tumigil sa pang-iistraping at nagpakawala pa ng tatlong bala ng M203 grenade launcher sa biktima.

Natulak na magtago sa bukid ang biktima dahil tumatanggi siyang magpailalim sa interogasyon hinggil sa kanyang ama na si Dandan. Matagal nang tinutugis ng militar ang kanyang magulang dahil sa paratang na may kaugnayan siya sa rebolusyonaryong armadong kilusan.

Ipinalalabas pa ng mga pasista na inunahan daw silang paputukan ni Dandan gayong wala naman siya sa nasabing pangyayari. Ang totoo, kapag nakakakita ang militar ng tao sa bukid, agad lamang nila itong pinapaputukan kahit na sibilyan ito.

Pagkatapos ng pangyayari ay hindi tinantanan ng pang-iimbestiga ang mga kapatid ni Dandan, kabilang si Adang Yanay. Bilang protesta, inulat ng anak ni Adang sa social media ang panggigipit sa kanilang pamilya. Ngayon ay pinutulan na ng public wi-fi ang Barangay Paco.

Umiigting na terorismo ng 43rd IB

Bago pa ang pang-iistraping, buu-buong mga baryo na sa Las Navas ang nagdurusa sa ilalim ng tumitinding panggigipit sa kanila ng 43rd IB.

Sa Barangay Caputoan, walang pasintabi o pamamaalam na pinasok ng mga pasistang tropa ang mga bahay nina Barangay Kagawad Junie Obiado, Vivencio Obiado, Aning Reponcion, Oking Mañoso, Itong Reponcion at Naroy Tursido noong Hunyo 9-10.

Suot ang putikan nilang mga botas, inakyat nila ang ikalawang palapag at pinasok ang mga kwarto para pailawan ng flashlight ang silong ng mga kama na parang may hinahanap silang tao.

Sinubukan din nilang buksan ang bahay ni Jennifer Reponcion kahit na walang tao rito. Tumigil lang sila nang sawayin ng mga kapitbahay.

Matapos ang dalawang araw ng panghahalughog ay saka lamang sila nagsabi na isang 3-4 na buwang sanggol ang kanilang tinutugis.

Hinaras din ng tatlong tropa si Joy Salajendo, tagapangulo ng Sangguniang Kabataan sa Caputoan, sa kanyang tinutuluyang bahay sa poblacion. Pinaghahanap sa kanya ang kumobra ng pera sa kanyang account sa isang mobile payment service dahil “NPA” daw ito.

Ngunit mismong si Salajendo ay hindi alam kung sino ito. Gayumpaman, pinagbantaan siyang kung hindi siya magsasabi, isasama umano siya sa kampo militar.

Maging magulang ni Salajendo na sina Ningning at Ninoy ay pinuntahan ng 43rd IB sa kanilang tahanan sa baryo para isailalim sa interogasyon. Sinabihan sila na kung hindi sila magtatapat ay hindi raw makakakuha ng trabaho si Joy at hindi makakaalis sa kanilang bahay sa bayan.

Samantala, sa Barangay Paco, hindi tinitigilan ng panggigipit ang buong pamilya Yanay. Gabi ng Hunyo 9, pinuntahan nila ang mga myembro ng pamilya na sina Dadi at Seding, kapwa mahigit 70 anyos ang edad, para imbestigahan.

Matapos naman ang pang-iistraping kay Olid Yanay, nagpamiting ang 43rd IB sa mga residente ng dalawang baryo upang utusan silang lagyan ng bakod ang palibot ng kani-kaniyang mga bahay. Ipinataw din dito ang patakarang “one entrance, one exit” upang lalong gipitin ang kilos ng mga sibilyan.

Nanawagan din sila sa mga sibilyan na tulungan sila sa operasyong militar dahil “marami pang NPA.” Sumbat naman ng masa, “Kayo ngang may mga baril, hindi kinakaya, kami pa kaya.”

Kabataan sa Northern Samar, inistraping ng 43rd IB; abusong militar sa Las Navas, umiigting