Kabataan, sagpangin ang paborableng kondisyon upang ibayong sumulong! Pagpugayan ang Partido sa 57 taong pamumuno nito!
Binabati ng KM-Balangay Dani Lagrama ang Partido Komunista Ng Pilipinas sa ikalimamput pitong taong pagkakatatag nito. Pinagpupugayan nito ang lahat ng mga kadre ng Partido, lalo na ang mga bago, na ngayon ay tumatangan sa mga mabibigat na tungkulin at nagpupunyagi sa landas ng mahirap na pakikibaka upang maabot ang Sosyalistang bukas.
Naghihikahos ang mamamayan ng daigdig buhat ng idinudulot na krisis sa ekonomya at pulitika na dala ng huling yugto ng kapitalismo. Naglipana ang mga digmang proxy, digmang sibil, at ngayon ay nanganganib tumungo sa isang inter-imperyalistang digmaan sa tulak ng mga monopolyo kapitalista sa mga imperialist core. Lalong pinalalâ ng mga naghaharing uri sa Europa at America ang lantarang pasismo sa anyo ng diskriminasyon laban sa mga migrante, rasismo para yurakan ang ibang lahi, Islamophobia, at iba pa para watakin ang pagkakaisa ng aping uri.
Hinog-na-hinog ang sitwasyon para sa pag-usbong at paglago ng mga Partido Komunista at para sa pagpapaigting ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa buong mundo. Ang kundisyon ng krisis ng nilikha ng kapitalistang sistema ay matabang lupa para sa paglaganap ng mga rebolusyonaryong ideya at malawakang pagkilos ng masa.
Sa Pilipinas naman, patuloy na lumulubog sa matinding krisis ang malakolonyal at malapyudal na sistemang pinaghaharian ng rehimeng US-Marcos II. Lantad ang kabulukan nito sa anyo ng malawakang korapsyon ng pangulo at pangalawang pangulo, at ng mga burukrata-kapitalista. Todo ang pagkamal ng yaman ng mga burgesya kumprador, masidhing pandarambong ng mga dayuhang kapitalista sa likas-yaman ng bansa, at walang habas na pang-aagaw ng lupa ng mamamayan. Lalong lumalâ ang paghihirap ng sambayanang Pilipino.
Sa ganitong kalagayan, malinaw na kinakailangan ang radikal na pagbabago upang talikuran ang lumang sistema at dalhin ang bayan tungo sa tunay na kalayaan, demokrasya, at kaunlaran.
Sa probinsya ng Quezon nananatiling salat ang pamumuhay ng mamamayan, nanatili ang kontrol ng mga landlord sa malawak na niyugan ng probinsya, mataas ang upa sa mga niyugan na karaniwang nasa 50-50 at 60-40 pabor sa mga panginoong maylupa. Pinapasan ng mga magniniyog ang lahat ng gastusin sa produksyon na sa aktwal ay nagreresulta sa halos 80–20 na hatian na pabor sa meari ng lupa. Mas lalong mapagsamantala ang mga sistemang tersyuhan at porlibo na umiiral sa mga asyenda. Samantala, nananatiling napakababa ng kabayaran sa mga gawaing tulad ng kawit, bunot at hilada, gayundin sa arawang paggawa sa niyugan, na umaabot lamang sa ₱150–300 kada isang libong niyog at ₱150–200 kada araw kung may pagkain ang manggagawa.
Nanatiling namang lugmok sa kahirapan ang mga manggagawa sa Quezon dahil ang umiiral na sahod sa rehiyon ay malayong-malayo sa tinatayang living wage na ₱1,200 kada araw. Sa ilalim ng kasalukuyang sistemang rehiyonal na sahod, ang minimum wage sa mga probinsya ay itinatakda sa antas na hindi sapat upang matustusan ang batayang pangangailangan ng isang pamilya tulad ng pagkain, pabahay, kuryente, tubig, edukasyon, transportasyon at serbisyong pangkalusugan.
Walang habas din ang pagkawasak ng kalikasan. Bunga ng pagpasok ng Quarrying, Ekoturismo, Energy Projects, at iba pang developmental aggressions sa kanayunan ng Quezon, sa nagdaang mga taon, sinalanta ang ibat-ibang bayan ng Quezon ng mga proyektong mina na naging sanhi ng mga pagbaha. Mula sa Sierra Madre hanggang Bundok Banahaw, kaliwat kanan ang naglipana na wind and energy projects na ang tanging layunin ay magkamal ng supertubo para sa mga kapitalista.
Ang mga kondisyong ito ay nagpapakita na hinog-na-hinog ang bayan para sa rebolusyon. Hinahamon ang mga rebolusyonaryong pwersa na sagpangin ang paborableng kondisyon upang ibayong sumulong ang Digmang Bayan.
Hinahamon din ng panahon any mga kabataan na higit pang palakasin ang kanilang pagkakaisa laban sa naghaharing sistema, higit pang palawakin ang kilusang protesta tungong kilusang talsik at maging kilusang welga at iba pang anyo ng pakikibaka para sa demokratikong karapatan at sa pagpapabagsak sa Imperyalismo, Pyudalismo, at Burukrata Kapitalismo.
Kailangang higit pang pandayin ng mga kabataan ang sarili sa larangan ng politika, edukasyon, at organisasyon, lumubog sa masa at ihanda ang mga sarili sa paglahok sa Digmang Bayan. Tanging ang demokratikong rebolusyong bayan lamang ang makalulutas sa mga pangunahing problema ng sambayanang Pilipino.
Kabataan ng Quezon, Mag-Exposure!
Mag-TOD! Sampa na sa NPA!