Pahayag

Kabataan, sumanib sa pakikibaka ng masang anakpawis! Ibagsak ang ilehitimong rehimeng US-Marcos II! Tumungo sa kanayunan at isulong ang matagalang digmang bayan!

,

Maalab na rebolusyonaryong pagbati ang ipinapaabot ng pambansang tanggapan ng Kabataang Makabayan sa lahat ng mga balangay at kasapi nito sa buong bansa kasabay ng ating pagdiriwang sa ika-58 taon ng pagkakatatag ng ating pinakamamahal na organisasyon.

Iginagawad natin ang pinakamataas na parangal, pagkilala, at pagpupugay sa lahat ng mga kabataang martir at bayani ng sambayanan na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang buhay, lakas, tapang, at talino para itatag ang isang lipunang malaya at walang pagsasamantala. Anumang pagyurak ang gawin ng rehimen sa mga alaala at katapangan ng mga nabuwal nating kasamahan, mananatili silang inspirasyon at modelo para sa lahat ng kabataan upang lumahok sa armadong pakikibaka at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan.

Sa pagdiriwang ng ika-58 na anibersayo ng KM, muli nating sinasariwa ang makasaysayang paglaban ng kabataan at mamamayan laban sa dominasyon ng imperyalistang bayan at mga pasistang rehimen. Sa gitna ng lumalalang krisis panlipunan at pasistang atake sa ilalim ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II, patuloy na nagpupunyagi at isinasapuso ng KM ang kanyang rebolusyonaryong papel at tungkulin sa pagsusulong ng pambansang demokratikong rebolusyong Pilipino sa landas ng pambansang pagpapalaya at demokrasya hanggang sa pag-abot ng sosyalismo.

Ang lumalalim na krisis panlipunan

Sadlak pa rin sa malalim na krisis ang pandaigdigang sistemang kapitalista, at umaabot na sa rurok ang mga kontradiksyon nito. Buhat ito ng sunod-sunod na dagok sa krisis panlipunan katulad ng pagdausdos ng manupaktura at kalakalan mula sa mga ipinataw na paghihigpit o restriksyon dahil sa pandemya, malawakang pagsirit ng presyo, paglobo ng utang at pagkabangkarote ng mga empresa, pagpasok sa resesyon ng maraming imperyalistang bansa, at patuloy na konsentrasyon ng yaman sa kamay iilan. Pinaigting nito ang tunggalian sa pagitan ng mga imperyalistang bayan. Nagtutunggalian ngayon ang mga bayang ito kapwa sa ekonomiya at pulitika – sa isang bahagi, nariyan ang patuloy na trade war sa pagitan ng Tsina at United States (US) at iba pang protectionist na mga polisiya sa kalakalan, kasabay ng tumitinding mga agresyon na humahamon sa kasalukuyang teritoryal na pagkakahati ng mundo. Bunsod din ng pandaigdigang krisis ang higit na pagsasamantala sa mamamayan, lalo na sa mga kolonya at mala-kolonyang bayan, sa anyo ng pinaigting na mga neoliberal na opensiba kung saan todo-todo ang pambabarat ng sahod, pagbabaklas ng mga batayang serbisyong panlipunan, at tuloy-tuloy ang mga agresyon at panghihimasok ng mga imperyalistang bayan.

Sa Pilipinas, halos tatlong taon mula nang lumaganap ang pandemya, walang kapantay na pagdurusa at paghihirap ang dinaranas ng mamamayang Pilipino. Hindi maitago ang kabiguan at kapalpakan ng nagdaang rehimeng Duterte at wala namang aksyong ginagawa ang bagong rehimeng Marcos II upang sugpuin ang pandemya at resolbahin ang lumalalang krisis pang-ekonomiyang ibinunsod nito. Lalo lamang lumaganap ang kagutuman at kahirapan sa buong bansa – laganap ang pangangamkam ng lupa, dumarami ang bilang ng walang trabaho, hindi na mapagkasya ang kakarampot na sahod, lumalaki ang bilang ng kabataan na hindi nakakapag-aral, at milyun-milyong mamamayan ang hindi nakakatamasa ng iba’t ibang serbisyong panlipunan. Sa kabilang banda, ang sandakot na pinakamayayamang panginoong maylupa, malalaking burgesya kumprador, at burukrata kapitalista ay patuloy na nagpapakasasa at higit pang yumaman mula sa ninakaw na yaman sa mamamayan.

Sumasadsad ang ekonomiya ng bansa dahil sa patuloy na pag-iral ng isang ekonomiyang umaasa sa mga inangkat na mga produkto, at nakatuon sa pagluluwal ng hilaw na materyales at mga murang lakas-paggawa. Dahil sa kawalan ng tunay na repormang agraryo, kawalan ng pambansang industriya, at nanonoot na korapsyon ng mga burukrata, ang pamalagiang krisis ng bansa ay lalo pang sumahol sa panahon ng pandemya.

Walang kapantay ang implasyon na nagsanhi sa pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin katulad ng pagkain, mga produktong petrolyo, kuryente, tubig, at maging pamasahe. Ang pagsirit ng mga presyo ng bilihin ay pinalala ng binarat na sahod, pagpapatuloy ng kontraktwalisasyon, at laganap na kawalan ng kabuhayan at trabaho. Hindi na sumasapat ang napakaliit na sahod ng mga manggagawa at ang papaliit na halaga ng kita ng mga propesyunal para mabuhay ng marangal. Ang kasalukuyang minimum wage (P570 sa NCR, at P353 sa Mindanao) ay malayong-malayo sa halaga ng nakabubuhay na sahod (P1119). Patuloy din ang pagkalugi ng mga magsasaka at mangingisda dahil sa kawalan ng ayuda at suporta ng rehimen sa kanila, at sa ibat ibang patakarang importasyon ng bigas, baboy, isda at iba pa mula sa ibang bansa na siyang pumapatay sa lokal na produksyon.

Hungkag ang anunsiyo ng reaksyunaryong gubyerno na lumalago na ang ekonomiya. Kailangang tandaan na ang pagtaas na ito ay nagmumula sa 9.6% na pagdausdos noong 2020. Ayon pa nga sa mga pananaliksik, ang pinagmamayabang na “paglago” ng ekonomiya ay kakapos pa nga sa tantos nito noong bago pumasok ang mga lockdown noong pandemya.

Dagdag pa, itunutulak ng pagkonsumo at luho ng mga mayayaman ang sinasabing “rekoberi” mula sa krisis ng pandemya. Ayon sa datos at pagsasaliksik, ang mga bahagi ng ekonomiya na pinakamalaking nagbahagi sa “paglago” ay ang paglilibang (recreation) na lumaki ng 46% at ang sektor ng restaurants and hotels na 38.2% naman ang inilaki. Napakaliit kung ikukumpara ang pagkonsumo at paggastos sa mas saligang bilihin at serbisyo katulad ng pagkain na nasa 3.9% lamang ang paglago; 1.3% na paglago sa housing, water, electricity, gas and other fuels; at 5.4% lamang na paglago para sa edukasyon. Dumarami rin ang bilang ng mga manggagawang wala na at hindi na naghahanap ng trabaho (tinatawag na discouraged workers), at ang mga napipilitang dumiskarte sa impormal na ekonomiya tulad ng pagtitingi at pamamasukan bilang kasambahay. Kaya naman kahit na sinasabing dumami ang may trabaho, nasa 19.4 milyong pamilyang Pilipino ang hindi na nakakapag-ipon at 21.3 milyong Pilipino ay tinuturing ang sarili nila na mahirap.

Ang kalagayan ng kabataang Pilipino

Ang krisis sa ekonomiya ay hindi kaila at hindi malayo sa sikmura ng mga kabataang Pilipino. Dumadagdag pa sa isipin ng kabataan ang nagpapatuloy na inaksesibilidad ng edukasyon at kawalan ng maaliwalas na kinabukasan para dito. Noon hanggang nagyon, nananatiling komersyalisado ang pagpapatakbo sa sistema ng edukasyon na mayroong kolonyal na oryentasyon at pinapatakbo ng mga anti-demokratikong patakaran.

Sa pagsasara ng mga eskwelahan sa simula noong 2020, lalong tumampok ang bulok na kalagayan ng edukasyon sa bansa. Milyun-milyong kabataan ang nangapa sa dilim buhat ng palpak at anti-mahirap na programa ng gobyerno sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga ito. Marami ang napilitang huminto sa pag-aaral buhat ng inaksesibilidad ng distance learning at buhat ng tumitinding pangangailangan ng pamilya. Ang mga pinili namang magpatuloy sa pag-aaral ay kinaharap ang taun-taong banta ng pagtataas ng matrikula, banta ng pagsasara ng mismong mga eskwelahan, kawalan ng gadget, mali-maling module, mabibigat na academic workload, at ang naging matinding epekto ng distance learning sa kalusugan at pangkalahatang kagalingan ng kabataan. Dagdag pa riyan, ang patuloy na pag-atake ng rehimen sa karapatan ng kabataan lalo na sa panahong aktibo itong nagpapahayag ng mga maaanghang na kritisismo laban sa inutil na gobyerno.

Ngayon, itinutulak naman ng rehimen ang pagbabalik sa mga eskwelahan ngunit sa halip na bumuo ng kongkretong mga aksyon para tiyakin ang ligtas na pagbabalik eskwela, sapilitang ipinapasa ang responsibilidad sa mga estudyante, magulang, at guro. Budget cuts, pagtataas ng matrikula at kawalan ng ayuda, at pagtataas ng presyo ng bilihin at pamasahe ang sasambulat sa kabataan at mga pamilya nito. Tuloy-tuloy din ang panghihimasok ng militar sa loob ng mga paaralan lalo sa kanayunan. Sa ngayon, imbes na pagdadagdag ng pondo para sa mga bagong klasrum at mga pasilidad, mas prayoridad pa ng estadong isabatas at pondohan ang mandatory ROTC sa kolehiyo. Ang polisiya na ito ay dagdag pahirap, dagdag bayarin, at magtuturo lamang ng huwad na konsepto ng nasyonalismo. Gagamitin lamang ito ng rehimen upang tiktikan at pigilan ang paglaban ng kabataan at pagsanib nito sa kilusan ng mamamayan sa gitna ng lumalalim na krisis panlipunan.

Sa harap ng pagtindi ng krisis at lumalawak na diskuntento ng mamamayan, patuloy na kinokonsolida ni Marcos II ang kanyang paghahari gamit pa rin ang terorismo ng estado at panunupil upang sagkaan ang namumuong galit ng bayan. Simula pa lang, isinusuka na ng mamamayan ang ilehitimong rehimen niya at ang panunumbalik ng pinakamasahol na pamilya Marcos. Ipinagpatuloy din nito ang Anti-Terror Law upang mahawakan ang kapangyarihang lagpas sa konstitusyon kahit hindi siya magdeklara ng Martial Law. Ipinasa rin ang Sim Card Registration Law na magsisilbing instrumento ng rehimen para tiktikan o manmanan ang mamamayan at sa gayon ay gagamitin upang sindakin at patahimikin ang mga kritiko.

Sa ganitong kalagayan, mabilis na nabubuklod ang kabataan at mamamayang nagpupuyos sa galit dahil sa panunupil, pagpapahirap at pambubusabos ng rehimeng Marcos II. Ang lalim at lawak ng krisis sa ekonomiya ang naglalatag ng paborableng kundisyon para ilantad at labanan ang ugat ng kahirapan: ang imperyalismo, pyudalismo, at ang burukrata kapitalismo. Mabilis na napupukaw ang malawak na masa na lumaban sa lahat ng paraan. Parami ng parami ang mga kabataang lumalaban na nag-oorganisa, naglulunsad ng mga pag-aaral at mga protesta, at tumutungo sa kanayunan para sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

Paborable ang sitwasyon para sa Kabataang Makabayan na itaas ang antas ng kamulatan ng kabataan at mamamayang Pilipino mula sa samu’t saring pang-ekonomiyang interes upang buuin ang matibay na kilusang anti-imperyalista, anti-pasista, at anti-pyudal. Kailangang tipunin ang galit ng masa at ihambalos ito sa pinakamaktid na bahagi ng naghaharing-uri: ang ilehitimong rehimen ni Marcos Jr at Sara Duterte.

Kabataan, sumanib sa pakikibaka ng masang anakpawis! Tumungo sa kanayunan at isulong ang matagalang digmang bayan!

Sa pagharap sa lumalalang krisis, kinakailangan ang ibayong pagkakaisa ng mamamayan at kabataang Pilipino sa pamamagitan ng pagsusulong ng kanilang demokratikong interes at kahingian. Tinatawagan ng KM ang lahat ng kasapi nito na bigkisin ang pinakamawalak na bilang ng masang kabataan sa linya at programa ng demokratikong rebolusyong bayan. Dapat paghusayan pa ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kabataan. Mag-organisa ng mas maraming kabataan at itindig ang mga balangay ng KM sa mga eskwelahan, pagawaan, sakahan, komunidad o saanman may konsentrasyon ng kabataan.

Pangunahan natin ang pag-aaral at pagtatalakay hinggil sa armadong rebolusyon at sa Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang gumagabay na prinsipyo at ideolohiya. Marapat ilantad ang terorismo ng estado, at bigyang-pugay ang mga tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan. Upang mahimay ang katotohanan at hindi malinlang ng estado at naghaharing-uri, at upang higit na mapatatag rebolusyonaryong diwa ng mamamayan, mahalaga ang pag-aaral ng lipunan at rebolusyong Pilipino. Hinihikayat na maglunsad ng pinakamaraming mga sirkulo ng pag-aaral ang KM at aktibong makipag-aralan kasama ang masang anakpawis. Ang malusog na kilusang pag-aaral ay susi para ilantad at labanan ang ideyolohikal na tuntungan ng pasismo. Kinakailangan ito para ihanda ang mamamayan para sa dakilang pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo, at burakrata-kapitalismo, at pagsulong tungo sa sosyalistang konstruksyon.

Mulat nating labanan ang lahat ng porma ng liberalismo at suhetibismo sa ating hanay, lalo na sa social media. Gamitin natin ang social media bilang isang larangan ng pakikipagtunggali laban sa naghaharing-uri at pagpapalaganap ng rebolusyonaryong propaganda, at hindi para sa pagpapalaganap ng pagkakawatak-watak sa ating sariling hanay. Epektibo lang nating itong magagawa kung magpapakahusay tayo sa pag-aaral ng teorya at ang paglalapat nito sa praktika ng pagsusulong ng rebolusyon.

Dapat himukin ng mga balangay ng KM ang lahat ng kabataan na sumanib sa demokratikong pakikibaka ng masang anakpawis. Tungkulin nitong itaguyod at lumahok sa anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasistang pagkilos at pakikibaka ng mamamayan.

Sa kanayunan, kinakailangan na isulong ang antipyudal na pakikibaka sa balangkas ng minimum at maksimum na programa ng rebolusyonaryong gabay sa reporma sa lupa. Marapat pakilusin ang mga kabataan sa mga baryo at kabisera upang ipanawagan ang kahingian ng masang magsasaka para sa paglaban sa pangangamkam ng lupa, pagpapababa ng upa sa lupa, ayuda at suporta sa mga magsasaka at manggagawang bukid, kompensasyon mula sa epekto ng kalamidad, at marami pang iba. Dapat ding tuloy-tuloy na paigtingin ang panawagan upang labanan ang tumitinding militarisasyon sa kanayunan at ang walang habas na mga pambobomba, pagpatay, at malawakang pagpapasurrender sa masang magsasaka. Krusyal din ang pakikisangkot at pakikipamuhay ng mga kabataan at estudyante sa mga sentrong urban at paaralan upang itambol ang kalagayan sa kanayunan, upang tumulong sa pagtatayo at pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng mga magsasaka at ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, at tumulong sa kabuuang pagpapalakas ng armadong rebolusyon sa kanayunan.

Marapat ring pakilusin ang mga manggagawa sa mga syudad at mga enklabo. Aabot na sa isangkatlo ng mga manggagawa ay kabataan at lumobo ang bilang na ito sa pagsasara ng mga paaralan at pagsidhi ng krisis. Mahalagang lumahok at isulong ng KM ang pakikibaka ng mamamayan para sa tuluyang pagbuwag sa sistemang sahuran. Bahagi nito ang tungkulin ng KM na umambag sa pagrerebolusyonisa ng kilusang paggawa sa pamamagitan ng pagiging mga organisador at propagandista ng MLM. Sa paglahok ng KM sa pakikibaka ng mga manggagawa at pag-rebolusyonisa dito, tinitiyak nito ang pamumuno ng uring proletaryado sa isinasagawa nating matagalang digmaang bayan.

Sa pamamayagpag ng ilehitimong rehimeng Marcos, inaasahan natin ang ibayo pang pagpapakasakit at pagpapahirap sa mamamayan. Kasaysayan na ang nagpatunay na ang pamilya Marcos ay magnanakaw at mamamatay-tao. Ngayon pa lang, bilyon-bilyong piso na ang inilaan ni Marcos at Duterte para sa confidential funds at pagpapalakas ng armadong pwersa, habang halos manlinmos ang mamamayan para lagyan ng dagdag na pondo ang kalusugan, edukasyon, agrikultura, at ayuda para sa mamamayan.

Sa ganitong kalagayan, mahalagang lumahok ang KM sa kilusan ng masang anakpawis upang gapiin ang pasistang atake ng rehimeng Marcos Jr at ang layunin nitong linlangin ang mamamayan. Hindi na tayo dapat pumayag pa sa lantarang pambubusabos at pagtapak sa karapatang pantao. Ang makatwirang panawagan ng mamamayan ay tinatapatan ng militarisasyon at pagpaslang. Ngunit sa kabila nito, higit na mas makapangyarihan ang kagustuhan ng mamamamayan para sa tunay na pagbabago. Sa kabila ng bilyon-bilyong pisong inilaan ng estado para sa mga makabagong kagamitang pandigma, patuloy na nagpupunyagi at hindi magapi-gapi ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan! Patuloy na lumalakas at lumalaganap ang apoy ng armadong paglaban kasabay ng pagtindi ng krisis ng isang malakolonyal at malapyudal na lipunan.

Walang magandang kinabukasan ang naghihintay sa kabataan sa ilalim ng bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal. Ang maaliwalas na kinabukasan para sa kabatan at mamamayan ay nakasalalay sa matapang at prinsipyadiong pakikibaka ng mamamayan tungo sa sosyalistang bukas.

Sa ika-58 na Anibersaryo ng KM, hinihikayat ang lahat ng kabataan na isabuhay ang lipos na diwa ng paglilingkod sa sambayanan at mahigpit na panghawakan ang makasaysayang tagumpay noon laban sa naunang diktaduryang Marcos. Dapat muling pangatawanan ng KM ang papel bilang taga-siga ng kilusang protesta sa kalunsuran at ng armadong pakikibaka sa kanayunan.

Tinatawagan ng KM ang lahat ng demokratiko at patriyotikong kabataan na sagpangan ang hinog na kalagayan para sa pagbabalikwas: laksa-laksang tumungo sa kanayunan at tumangan ng armas! Lumahok sa armadong pakikibaka at ipagtagumpay ang matagalang digmang-bayan hanggang sa ganap na tagumpay!

Ibagsak ang ilehitimong rehimeng Marcos II! Isulong ang pambansang demokratikong rebolusyon!

Kabataan, tumungo sa kanayunan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang ika-58 taong anibersaryo ng Kabataang Makabayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Pambansang Nagkakaisang Prente!

Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!

Kabataan, sumanib sa pakikibaka ng masang anakpawis! Ibagsak ang ilehitimong rehimeng US-Marcos II! Tumungo sa kanayunan at isulong ang matagalang digmang bayan!