Kainutilan ng rehimeng US-Marcos II, sumasalanta sa mamamayan

,

Ilang araw lamang matapos ang State of the Nation Address ng reaksyunaryong pangulo, agad na tumambad ang kapalpakan sa likod ng kanyang pinabangong Ulat sa Bayan nang salantain ng Bagyong Carina ang Luzon. Ang pinatindi nitong Habagatin ay naglantad sa kawalan ng kahandaan, at sa mga peligro ng mga ipinagmamalaking proyekto ng rehimen.

Sa Rizal, muling naulit ang eksena ng Bagyong Ondoy noong 2009, Habagat noong 2018 at Bagyong Ulysses noong 2020—mataas ang lebel ng maputik na tubig kung saan mga bubong o ikalawang palapag na lamang ng mga bahay ang nakalitaw, maraming sumasaklolo, habang mayroon ding naoobligang lumusong sa baha. Mayroon pang mga sibilyang Rizaleño na sugatan sa landslide at nasawi sa pagkakuryente sa kasagsagan ng bagyo. Ito ay sa kabila ng 300 bilyong piso na pondong nakalaan para sa flood control projects sa bansa, na lubhang kailangan ng mga lugar katulad ng Rizal at mga karatig na lugar sa Metro Manila, ngunit hindi natatamasa ng mamamayan.

Sa kanayunan, nagsisimula pa lamang bumangon mula sa matinding problema ng tagtuyot ang mga magsasaka, panibagong problema mula sa lakas ng hangin at ulan ang pipinsala din sa mga tanim nila. Sa Brgy. Sta Inez ng Tanay, maraming bahay at pananim ang nasira kaya ilang araw ng gutom ang dinanas ng mamamayan. Marami din ang hirap na makaahon man lamang sa bundok upang maghanapbuhay dahil sa laki ng tubig at mga nasirang tulay lalo sa Montalban, San Mateo at mga barangay ng Antipolo na bukod sa may malalaking ilog at sapa, ay ibayo pang pinalaki ng Wawa Dam ang mga katubigan.

Hindi nag-landfall ang Bagyong Carina. Ngunit dahil pinatindi nito ang Habagatin, delubyo pa rin ag inabot ng mamamayan. Maraming dam ang naobligang maglabas ng tubig sa kasagsagan ng bagyo upang ampatan ang labis na tubig ng mga ito, na siya namang dumaloy at dumagdag sa baha na nasa bahayan. Sa kabila nito at ng matinding pinsala sa mamamayan, nagagawa pang ipagmalaki ng rehimen ang Wawa Dam. Baluktot pang pinakakalat ng National Irrigation Authority at ng Wawa JVCo., na kung hindi dahil sa Wawa Dam ay malamang na nalubog na ang Metro Manila. Panlilinlang lamang ito sa mamamayan, kung ating iisipin, natural lamang ngayon na wala pang laman ang dam kung kaya’t ang sinalo nitong tubig ay siyang nagpupuno ngayon kaya nasasabi nilang nabawasan ang baha. Subalit ngayon lamang ito at malaki nang karanasan ng iba’t ibang bansa sa pagkawasak na idinudulot ng mga dam. Mas malaki ang posibilidad na hindi nito kakayaning hindi magkawala ng tubig kapag may bagyong direkta nang tatama sa Rizal o mga karatig nitong lugar. Kapag naganap ito, ilang ulit na mas malala, mas mapangwasak, at mas mapanganib ang sasapiting mga baha ng mga Rizaleño at taga-Maynila. Tila halatang-halata na nais nilang pagandahin ang imahe ng Wawa Dam kahit pa baluktutin ang katotohanan at kailangan pa nilang maglabas ng press release sa mga pahayagan tungkol dito dahil batid nilang marami ang tumututol sa mga mapanirang Dam. Walang pakialam ang reaksyunaryong pangulo at inutil pa rin nitong nais na palakihin ang panganib na sa pagtutuloy ng susunod na mga yugto ng konstruksyon ng Wawa Dam.

Bakit hindi pakinggan ng gubyerno ang testimonya ng mga mamamayan na mas matindi ang baha ngayon, mas mabilis ang biglang pagragasa ng mga tubig sa ilog, mas mabilis ang mga landslide kumpara sa mga nagdaang bagyo gaya ng Ulysses at marami ang nagsasasabi na ngayon lamang nila naranasan ang ganitong klaseng baha na sa ilang oras ay tumataas na ito mula beywang hanggang lagpas tao. Ito ba ang pinagmamalaki ng Wawa Dam na nakatulong sila sa mitigasyon ng baha?

Bakit hindi ibinabalita ang dalawang landslide na naganap sa Brgy. San Rafael, Montalban kung saan naroon malapit ang Wawa Dam? Dahil sa mga landslide, ay natabunan at nasira ang ilang mga bahay, may apat katao ang nawawala(dalawa dito ay kababaihan)na hangang ngayon ay hindi pa natatagpuan. Ayon sa mga residente ay posibleng tumagal pa ang agos ng tubig sa kalsada dahil sa Wawa Dam. Ang masama pa pangkaraniwan na ang landslide sa kanila dahilan sa mga quarrying subalit ngayon lamang nila naranasan ang mas malubhang epekto ng bagyo mula nang maitayo ang dam. Ang dalawang landslide ay nangyari sa may Wawa Dam at ang isa ay sa mga quarrying sa Brgy. San Rafael at San Isidro. Ayon mismo sa pamunuan ng barangay ay may 503 pamilya ang apektado mula sa iba’t-ibang sityo.

Napakaipokrito pa ng Wawa JVCo., na nagbibigay diumano ng tulong sa mga apektado ng bagyo at ng konstruksyon ng Wawa Dam. Subalit ayon mismo sa mga residente ay wala silang natatanggap dahil pinipili lamang ng Wawa JVCo., na tulungan ay yaong mga hindi tumututol sa kanila. Ang mga pinangakuan ng ayuda gaya ng mga tsuper na naghahatid ng turista ay hanggang ngayon ay wala pang natatanggap gayong pinagbawalan na nilang maghatid ng mga turista. Maging ang maliliit na mga may-ari ng mga resort ay pinagbabawalan na rin na mag-opereyt at nangangambang ipasara. Marami rin nalinlang na mga magsasaka at katutubo ang Wawa JVCo. na binili sa murang halaga ang kanilang lupa, ang iba ay hindi pa nababayaran at pinalipat sa ibang lugar subalit saklaw rin naman ng konstruksyon ng Wawa kaya nangangambang mawalan rin ng tahanan at taniman.

Samantala, sa kabila ng ibinrodkast na diumano’y paghahanda sa La Niña matapos ang kapalpakang tugunan ang El Niño, lilitaw na gulantang ang rehimen at hindi tunay na napaghandaan ang inaantisipang mga bagyo at pagbaha. Tulad ng dati, malamang na maghahabol na lang ito sa anyo ng barat na relief operations, habang wala pa ring kongkretong paraan upang epektibong iwasan ang mga kalamidad at mga pinsala.

Taon-taon, ganito ang kinahaharap na kahirapan ng mga Rizaleño. Taon-taon ding walang solusyong natutupad mula sa reaksyunaryong gubyerno sa kabila ng mga pangakong programa. Pinatutunayan lamang lalo nito na dapat nang ibagsak ang naghaharing sistema at hakbang-hakbang na itayo ang sosyalistang estado. Titiyakin ng estado na tutustusan ang pangangailangan ng mamamayan, habang minomobilisa ang enerhiya ng mamamayan upang pinagtutulung-tulungan hindi lamang ang rehabilitasyon kundi pati ang pagtatayo ng mga istrukturang kailangan para sa pangangalaga at pagpapatatag ng mga lugar laban sa kalamidad.

Dapat na singilin ang rehimeng US-Marcos II sa kapabayaan nito sa mamamayan sa panahon ng kalamidad. Gayundin si Sara Duterte na naglalamyerda sa ibang bansa habang sinasalanta ng bagyo ang mamamayan. Dapat itong kalampagin para sa nararapat na pangmatagalang solusyon at pangtawid na ayuda mula sa pagkawasak ng mga kabahayan, taniman at mga pinagkukunan ng hanapbuhay. Kaalinsabay, dapat na lumahok ang mga Rizaleño sa demokratikong rebolusyong bayan upang hakbang-hakbang na makamit ang soyalistang lipunan na tunay na magbibgay ng pangmatagalang lunas sa mga problema ng ating lipunan.##

Kainutilan ng rehimeng US-Marcos II, sumasalanta sa mamamayan