Pahayag

Karahasan sa Tacloban High School: Salamin ng sistematikong kapabayaan ng gubyerno sa pagtiyak sa kagalingan ng kabataang Pilipino

,

Tampok na usapin ngayon sa buong bansa ang nangyaring karahasan sa San Jose National High School sa Tacloban City noong June 22 kung saan walang habas na namaril ang dalawang estudyanteng menor de edad na ikinasawi ng tatlong kapwa mag-aaral at ikinasugat ng 11 iba pa. Nakikiramay at nakikidalamhati kami sa naulilang pamilya ng mga nasawi at sa lahat ng naapektuhan ng pangyayari.

Matapos nito, isinusulong ng ilang mambabatas at maging ni Marcos Jr ang iba’t ibang solusyon na maituturing na malabnaw, “band aid” at kontra-kabataan. Kabilang na dito ang muling pagbuhay ng pagpapababa ng edad ng criminal liability, mandatory ROTC, social media ban sa mga menor de edad at iba pa.

Ang naganap sa San Jose National High School ay isa lamang sa mga maraming kaso ng iba’t ibang anyo ng karahasan at pang-aabuso na malawakang nagaganap sa rehiyon na nagsasangkot at bumibiktima sa mga batang mag-aaral, mga menor de edad at sa malawak na mamamayan. Katunayan mula 2017 hanggang 2023 naitala ang 6,915 kaso ng iba’t ibang pang-aabuso sa mga bata. Naitala rin ng NDF-EV mula 2018-2025 ang hindi bababa sa 30 biktima ng iba’t ibang anyo ng pandarahas sa mga bata at menor de edad, kabilang na ang 21 biktima ng pagpatay at bigong pagpatay. Sa mga ito, mga elemento ng 8th Infantry Division ang maygawa.

Ang pandarahas sa mga bata at kabataan ay isa sa pinakamasahol na aspeto ng malawakang paang-aapi at pagsasamantala ng mga makapangyarihang panginoong maylupa, burukata kapitalista at imperyalista sa mamamayang Pilipino, laluna sa masang anakpawis. Sa Eastern Visayas, lalo na sa kanayunan, ipinapalaganap ng 8th ID ang pasismo ng estado at bumiktima sa hindi bababa sa kalahating milyong katao upang supilin ang kanilang paglaban para sa karapatan at panlipunang hustisya.

Ang mga kaso ng karahasan sa hanay ng kabataan ay repleksyon at iniaanak ng isang bulok na sistemang panlipunan na malakolonyal at malapyudal. Sadyang sistematikong pinababayaan ng reaksyunaryong gubyerno ang pagtitiyak sa kagalingan at interes ng kabataang Pilipino bilang bulnerableng sektor at susunod na salinlahi.

Sa ilalim ng bulok na sistemang ito, laganap ang kultura ng karahasan, iginugumon ang kabataan sa pekeng impormasyon, konsumerismo, at mapaminsalang online content para malakihang kumita ang mga pribadong kumpanya. Pinabayaan ng estado ang pagtugon sa malalaking problema sa sektor ng edukasyon na sumasagka sa pagpapaunlad ng pagiging malikhain, kritikal at produktibong pag-iisip ng kabataan. Sa mga eskwelahan, nananatiling malaking problema ang kakulangan sa pasilidad, aklat at iba pang kagamitan sa mga pampublikong eskwelahan habang binabarat ang sahod ng mga guro na kulang ang bilang. May pagtatangka pang tanggalin ang ilang asignatura sa General Education para lalong iayon ito sa layunin ng rehimeng Marcos na magsanay ng mas malaking hukbo ng reserbang paggawa.

Hindi rin katanggap-tanggap ang pahayag ng ilang upisyal ng gubyerno na naghuhugas-kamay at buung-buong ipinasa sa mga magulang ang pananagutan sa paghubog sa mga anak bilang mabubuti at produktibong kabataan. Sa mahabang kasaysayan ng pandarambong sa Pilipinas, hindi bababa sa trilyong pisong pondo ang ninanakaw ng mga burukrata at nagkait sa mga pamilyang Pilipino na mabuhay ng disente—isang kondisyon para maayos na lumaki ang kanilang mga anak. Hindi bababa sa 325,700 na mga pamilya o katumbas ng 1.3 milyon sa Eastern Visayas ang naghihirap kabilang na dito ang 249,000 na mga bata. Hindi rin lubusang maasahan ang mga magulang na saluhin ang pagtuturo sa tahanan lalupa’t sila mismo ay biktima rin ng kakulangan ng edukasyon. Nasa 168,000 katao sa rehiyon ang mababa ang literasiya samantalang nasa 492,000 naman ang hindi marunong magbasa. Kabilang dito ang mga tumatayong magulang sa bawat tahanan.

Tanging sa pagtugon lamang sa mga pundamental na problema ng lipunang Pilipino mapapawi ang karahasang dinaranas ng lipunang Pilipino na bumiktima sa mga kabataan. Makakamit lamang ito sa determinado at sama-samang pagkilos ng malawak na bilang ng masang anakpawis laban sa marahas na pagsasamamantala at pang-aapi ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo.

Dapat buong lakas na labanan ng mamamayan, laluna ng kabataan, ang mga pagtatangka ng pasistang rehimeng Marcos na lalong sikilin ang kanilang mga karapatan sa tabing ng mga mapagbalat-kayong “proteksyon para sa mga kabataan”.

Karahasan sa Tacloban High School: Salamin ng sistematikong kapabayaan ng gubyerno sa pagtiyak sa kagalingan ng kabataang Pilipino