Pahayag

Kasamang Edwin “Dupax” Dematera

 

“Ang kamatayan ay pangkaraniwan, nagkakaiba lamang ng kahulugan, kung sino ang ipinakikipaglaban!”

Sinumang rebolusyonaryo ay nakahanda sa anumang sakripisyo kaakibat ng kanyang pagkilos para sa pagpapalaya ng bayan. Ganito inilaan ni Edwin “Ka Dupax” Dematera ang kanyang buhay bilang isang tunay na kawal ng mamamayan.

Nagmula si Ka Dupax sa uring panggitnang magsasaka. Panlima sa walong magkakapatid, isinilang siya noong Pebrero 10, 1972 sa Brgy. Aroroy, Juban, Sorsogon. Nag-aral siya ng kolehiyo sa Mariners Legaspi.

Namulat si Ka Dupax sa pamamagitan ng mga naunang mga kasamang laging bumibisita sa kanila. Lagi siyang nakikipagkwentuhan sa mga kasama, isang katangiang kinagigiliwan ng mga nakakasalamuha niya.

Si Ka Dupax, kilala rin bilang Ka Reb, ay gumampan ng maraming tungkulin sa yunit na kanyang kinapalooban. Bilang political instructor at kumander ng platun, maagap siya sa pagpapaabot ng puna o obserbasyon para sa kapakanan ng mga kasama. Gumampan din siya ng tungkulin bilang medical officer, repleksyon ng kanyang pagiging masinop sa mga bagay at malinis sa mga binabasehang lugar laluna sa sariling katawan. Mahusay siyang instruktor sa mga treyning na pangkombat.

Katangi-tangi rin ang kanyang pagiging ama, sinisikap niyang sa kabila ng siya ay malayo sa pamilya, sinisiguro niyang nasa maayos ang kalagayan ng kanyang asawa at mga anak.

Nitong Hunyo 12, kinubkob ng pinagkumbinang sundalo ng 31st IBPA at mga pulis ang kanyang bahay sa Brgy. Incarizan, Magallanes. Kasalukuyang naka-medical leave noon si Ka Dupax dahil sa pamamaga ng kanyang paa. Pinaghahandaan din sana niya noon ang binyag ng kanyang bunsong anak kinabukasan.

Sinikap ni Ka Dupax na makalabas ng bahay upang hindi madamay ang kanyang mga kamag-anak. Nadakip siyang buhay at walang kakayanang lumaban ngunit hindi ito kinilala ng mga pwersa ng estado na kanyang nakaharap. Binugbog pa siya ng mga sundalo bago pagbabarilin hanggang mamatay.

Sa kanyang pagkamatay, nag-iwan si Ka Dupax ng mga alaala ng di-matatawarang kasigasigan at paninindigan sa rebolusyonaryong pakikibaka. Dagdag na inspirasyon ito sa masa at mga kasamang nakadaupang-palad niya para patuloy na magpunyagi at magsikap para isulong ang laban ng sambayanan.

Pinakamataas na pagpupugay ang ating iginagawad kay Ka Dupax. Hindi kailanman malilimot ang kanyang pangalan.

Kasamang Edwin “Dupax” Dematera