Katarungan para kay Flor Contemplacion! Kababaihang migrante, isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba!
Ngayong araw ang ika-28 na anibersaryo ng pagpaslang kay Flor Contemplacion, isang Pilipinang domestic worker sa Singapore na binitay nang walang demokratikong paglilitis at maging suporta mula sa gubyerno ng Pilipinas.
Isa si Flor sa libu-libong Pilipino na piniling makipagsapalaran sa ibang bansa sa pagnanais na makamit ang maginhawang buhay para sa pamilya na pilit ipinagkakait ng pamahalaan. Sa isang mala-kolonyal at mala-piyudal na bansa tulad ng Pilipinas, kinikitil ng maka-dayuhang gubyerno ang oportunidad na magkaroon ng nagsasariling industriya ang mamamayan dahil malaking banta ito sa interes ng mga dambuhalang kapitalistang nagpapakasasa sa yaman sa bansa. Kadikit ng labis na pagpapakatuta na ito ang pambabarat ng sahod, pagpapatuloy ng kontraktwalisasyon, at iba pang kontra-manggagawang polisiya na naglulugmok sa mga manggagawa sa mas malubhang paghihirap.
Kasabay ng mga pananamantalang ito sa loob ng bansa ang pananamantala sa ibayong dagat. Sa tabing ng globalisasyon at huwad na pag-asenso, inilalako ng gubyerno ang Labor Export Policy sa mamamayang Pilipino na walang ibang hangad kundi ipagkanulo sa murang halaga ang lakas-paggawa ng mga Pilipino sa iba’t ibang bansa. Mga bagong bayani kung tawagin, malayo rito ang pagtrato na kanilang nararanasan. Iba’t ibang kaso ng diskriminasyon at karahasan ang hinaharap ng mga Pilipino sa labas ng bansa.
Binubuo ng kababaihan ang kalakhan ng bilang ng mga migrante, at kababaihan din ang kadalasang biktima ng karahasan sa kanilang mga pinasok na trabaho. Tulad ni Flor, biktima ng pangakong kaginhawahan sa buhay ang mga kababaihan na sina Mary Jane Veloso na kasalukuyang nakapiit sa Indonesia, si Pat/Pato-chan na isang babaeng transgender at na-detine sa Japan dahil umano sa overstaying, at kamakailan lamang ay si Jullebee Ranara na brutal na pinaslang ng anak ng kanyang amo sa Kuwait.
Bilang numero unong tagapamandila ng pagiging tuta sa mga imperyalista’t kapitalista at pagyurak sa karapatang pantao ng mamamayan, walang ano mang aksyon o solusyon sa nagnanaknak na krisis ang dapat asahan mula sa korap, inutil, tiraniko, at mamamatay-taong tambalang Marcos at Duterte. Hindi ang kinabukasan ng sambayanan bagkus ang kanilang makasariling interes ang kanilang prayoridad na unahin at isalba sa gitna ng gumuguhong estado ng bansa.
Hangga’t umiiral at nananatili ang mapaminsala at hindi makataong sistema na nagnanakaw sa oportunidad at kinabukasan ng sambayanan, wala ring inaasahan na paghinto ang mga Pilipinong mapangahas na lilisan ng bansa upang hanapin ang magandang buhay sa ibayong dagat. Ngayon, bukod sa paglaban sa mga polisiya na sumasagasa sa kagalingan at karapatan ng mga manggagawa sa ibang bansa, kailangang malalim na intindihin ng mga Pilipinong migrante ang mga pundamental na isyu sa lipunang Pilipino na tumatagos sa samu’t saring problema ng mga batayang sektor at buong-buong tanggapin at yakapin ang katotohanan na tanging ang pagtangan ng armas kasabay ng pagsulong at pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan ang gagapi sa mga problemang ito—gaano man kaliit o kalaki.
Ang mga Pilipinong nakikipagsapalaran sa mga dayuhang bansa ang nag-aambag ng buhay sa naghihingalong ekonomiya na nilulustay ng gubyerno. At sa pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan, hindi lamang ekonomiya kundi isang lipunang walang pagsasamantala ang tutulungang pandayin ng mga migrante kasama ang sambayanang Pilipino.
Kababaihang migrante, buong tapang na mag-ambag sa pagsulong ng digmang bayan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!