Katarungan para sa mga hors de combat na mandirigma ng BHB na pinatay ng AFP sa Cagayan
Buong-lakas na tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular na ang 5th Infantry Division at ang uhaw-sa-dugong mga pasistang mamamatay-tao ng 502nd Brigade, dahil sa mga krimen sa digmaan na pagpatay sa tatlong hors de combat na Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.
Kinukundena ng Partido ang AFP sa ekstrahudisyal na pagpaslang kina Ariel Arbitrario (Ka Karl), Danielle Marie Pelagio (Ka Seed) at Erin Sagsagat (Ka Jorly) noong Setyembre 11 sa Barangay Baliuag, bayan ng Peñabalanca, lalawigan ng Cagayan.
Batay sa mga ulat sa larangan, ang tatlo ay bahagi ng isang pangkat ng anim na Pulang mandirigma na inatasang magsagawa ng mga konsultasyon at pagpupulong sa lokal na masang magsasaka. Nagtayo sila ng pansamantalang kampo sa labas ng komunidad. Hindi totoo ang mga pahayag ng AFP na nakasagupa nila ang isang 17- o 20-kataong platun ng BHB. Ang pwesto ng pangkat ng BHB ay planadong nireyd ng AFP pagputok ng liwanag. Mabilis na nagapi ang pangkat ng BHB.
Si Arbitrario, na nagmula sa rehiyon ng Davao, ay nagsilbi bilang isang konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa panahon ng negosasyong pangkapayapaan noong 2016-2017. May hawak siyang dokumento ng impormasyon sa ilalim ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).
Sa kanilang mga pahayag, sinasabi ng AFP na ang mga labi ni Arbitrario ay natagpuan lamang nila dalawang araw pagkatapos ng engkwentro. Mayroon kaming dahilan upang maniwala na ang totoo, hawak na siya ng militar at ibinimbin nang hindi bababa sa isang araw, ipinailalim sa matinding pagpapahirap bago siya tuluyang pinatay. Sa kabila ng pag-anunsyo ng pagpatay kay Arbitrario, hindi pa inilalabas ng AFP ang kanyang mga labi.
Ang Partido at ang buong rebolusyonaryong kilusan ay nagpapaabot ng pinakataos na pakikiramay sa mga pamilya nina Ka Karl, Ka Seed at Ka Jorly. Nakikiisa kami sa inyo sa pagluluksa sa kanilang pagkamatay na labis ang bigat sa ating mga puso at sa puso ng malawak na masa ng magsasaka at minoryang Agta ng Cagayan Valley na mahal na mahal nila at pinaglingkuran sa buong buhay nila.
Pinararangalan ng Partido sina Ka Karl, Ka Seed at Ka Jorly bilang mga bayani ng sambayanang Pilipino. Ang mga alaala ng kanilang mga pagsisikap para sa mga tao at rebolusyon ay mabubuhay magpakailanman.
Kasabay nito, inihahayag namin ang aming labis na poot sa AFP at buong lakas na sumisigaw ng katarungan para kina Ka Karl, Ka Seed at Ka Jorly. Hinihimok namin ang mga pamilya, organisasyon sa karapatang-tao at tagapagtaguyod ng kapayapaan na tumulong sa paghahanap ng hustisya para sa kanilang pagkamatay. Hinihimok namin silang magsagawa ng imbestigasyon sa armadong insidente noong Setyembre 11. Upang alamin ang detalye nito, maaari silang humingi ng post-mortem autopsy sa mga labi.