Katarungan para sa mga magsasakang inilulubog sa karukhaan! Isulong ang digmang bayan!
Binabaha tayo ngayon ng maraming tanong kung saan napunta ang bilyun-bilyong piso mula sa mga proyektong flood control. Habang lumalangoy sa yaman ang mga ganid at magnanakaw na pulitiko, nalulubog naman ang mga magsasaka sa baha ng kahirapan bunga ng kawalan ng tunay na reporma sa lupa, suporta sa agrikultura at panlipunang serbisyo. Si Marcos Jr. na naglustay ng P527 bilyon para pondohan ang mga proyektong flood control ay naghuhugas-kamay sa kapalpakan ng mga ito. Baon na baon na sa utang ang mga magsasaka bunsod ng napakataas na gastos sa produksyon at lumulobong gastusin sa mga pangunahing pangangailangan dagdag pa ang kaliwa’t kanang buwis na ipinapapasan sa mamamayan.
Sa rehiyon ng Lambak ng Cagayan na mas madalas palubugin ng baha, palaging ang mga magsasaka ang pangunahin at unang inaanod ng kriminal na kapabayaan at kawalang pananagutan ng mga tiwali at ganid na mga burukrata. Hindi lamang ang pananim ng mga magsasaka ang nasisira kundi ang buhay ng kanilang mga pamilya at kinabukasan ng kanilang mga anak na hinahagupit ng delubyo ng burukrata kapitalismo. Doble dagok pa ang pagsasamantalang pyudal at malapyudal ng mga komersyanteng usurero na mas lalong nagpapahirap sa mga magsasaka sa tahasang pambabarat sa presyo ng produkto at pang-uusura na umaabot sa 35-40% interes.
Umaabot sa halos P23 bilyon ang pondong inilaan sa Isabela para sa mga flood control projects, pangatlong pinakamalaki sa buong bansa. Sa kabila nito, taun-taong pa ring nagdurusa ang mga Isabelino sa malawakang pagbaha, laluna ang mga magsasaka. Habang nagpipiging si Marcos Jr at mga kroni nito, nagdurusa at isang kahig-isang tuka ang mga mamamayan ng Isabela. Nakapako pa rin sa P300-P350 ang arawang sahod ng mga manggagawang-bukid, malayong-malayo sa P1,125 family living wage. Habang bilyun-bilyon ang nakukulimbat ng mga burukrata kapitalista, bagsak sa P10/kilo ang presyo ng palay gayong naglalaro sa P47,000-P68,000 ang abereyds na gastos sa produksyon para sa isang ektaryang palayan at maisan.
Sa kabila ng lahat ng ito, mas lalong nagiging garapal ang kabulakan ng lipunan at gubyernong pinatatakbo sa ngalan ng negosyo at kapital. Hindi na bago ang sistematikong korapsyon sa loob ng reaksyunaryong gubyerno. Malalim itong nakaugat sa lipunang pinaghaharian ng mga burukrata kapitalista, kasabwat ang malalaking kumprador burgesya at panginoong maylupa na kabilang din sa mga sagadsaring dinastiya sa pulitika. Ginagawang negosyo ang estado poder upang patuloy na magkamal ng yaman gamit ang kaban ng bayan.
Para sa Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Isabela, wala sa ginagawang imbestigasyon sa Senado at Kongreso ang hustisya. Gaya sa nakaraan, magtatakipan lamang ang mga ito, at sa huli ang mga maliliit na bubuli ang maparurusahan habang patuloy na magpipista sa pondo ng bayan ang malalaking buwaya sa gubyerno. Walang maaasahan ang mga magsasaka at manggawang bukid sa Isabela na mag-aangat sa putik ng kahirapan kundi ang landas ng rebolusyon. Kinakailangan na magkaisa ang magsasaka at isanib ang lakas nito sa lahat ng aping uri upang singilin at ibagsak ang lipunang puno ng pang-aapi at pagsasamantala.
Dapat palakasin at lumahok sa Bagong Hukbong Bayan na siyang tunay na hukbo ng mamamayan! Sa armadong pakikibaka lamang mapapawi ang kapangyarihan mula sa garapal na naghaharing uri at nang maibigay ang tunay na hustisya sa taumbayan. Sa pagrerebolusyon natin matatamo ang pagtatayo ng isang makatarungang gubyerno. Sa pagtatagumpay lamang ng digmang bayan na may sosyalistang perpektiba magkakaroon ng tunay na panlipunan at makatarungan pagbabago.
SUMAPI SA BAGONG HUKBONG BAYAN!
BURUKRATA KAPITALISMO, IBAGSAK!
PYUDALISMO, IBAGSAK!
IMPERYALISMO, IBAGSAK!