Pahayag

Itigil ang karahasan! Kilalanin ang karapatan ng mamamayan sa lupa at likas-yaman ng bansa!

,

Mananagot ang Woggle Corp, PNP-AFP at rehimeng Marcos sa karahasang ihinahataw nito sa mamamayang nagtatanggol sa kanilang karapatan sa lupa at likas-yaman ng bansa. Minsan pang itinatambad ng rehimeng Marcos ang pangangayupapa nito sa mga ganid na monopolyo kapitalista nang muling binuwag ng PNP ang barikada ng mga residente ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya at mga grupong tanggol-kalikasan at karapatan nitong Enero 13, upang tutulan ang pagpasok ng Woggle Corp na magsasagawa ng mining exploration sa kabundukan ng Dupax del Norte. Sa demolisyon na ito, pito ang illegal na inaresto at nagbunsod pa ng pagkahimatay ng dalawang kababaihan. Hanggang sa kasalukuyan ay dumaranas pa ng trauma ang masa sa naganap na demolisyon.

Ang demolisyon ay atas ng Regional Trial Court Branch 30 ng Nueva Viscaya na “buwagin ang barikada dahil sa may permit mula sa DENR at MGB ang mining exploration ng Woggle Corp,” kung kaya’t mistulang masunuring aso na ipinatupad ng PNP-Nueva Viscaya ang pagbuwag sa barikada. Sobra-sobra ang mahigit 300 pwersa ng PNP na idineploy sa Barangay Bitnong sa Dupax del Norte upang ipatupad ang atas ng korte.

Samantalang pinupuspos ng mamamayan ang lahat ng lehitimong pamamaraan upang ihapag ang kanilang makatarungang pagtutol sa mga mapanirang minahan sa prubinsya, dahas ang isinagot ng mapanupil na rehimen.

Noon pang Oktubre 2025, una nang binuwag ang barikada ng mamamayan na tumututol sa pagpasok ng Woggle sa Dupax del Norte. Sa iba pang bahagi ng Nueva Vizcaya, sinusupil din ang pagprotesta ng mga residente sa pagmimina ng Oceanagold sa Barangay Didipio sa Kasibu, gayundin ang ore processing operations ng FCF Minerals Corp (subsidiary din ng Metals Exploration) na kumalbo na sa kabundukan sa Barangay Runruno sa Quezon. Ang 86th IBPA ay nakakampo ngayon sa Bagabag, Nueva Viscaya upang magsilbing gwardya sa kumpanya ng mina sa prubinsya. At sa Isabela, kinampuhan mismo ng 86th IBPA at CAFGU ang mining site ng NAC-Neogen sa barangay Dimalwadi, Dinapigue upang supilin ang pagtutol ng katutubong Agta na namumuhay sa kagubatang sinira ng paghuhukay ng mina.

Pawang kabulastugan ang sinasabi ng 86th IB at 5th ID na “magbabantay sila sa seguridad ng mamamayan dahil siguradong sasamantalahin ng mga komunista ang kaganapan (sa demolisyon) para sa kanilang rekrutment”. Mas maliwanag pa sa kasikatan ng araw na ang papel nila ay magbantay sa seguridad ng kapitalistang kumpanya sa mina, hindi sa mamamayan. Sino ngayon ang terorista?

Kapuri-puri ang mamamayang Viscayano na matapang na nagpapahayag na hindi sila natatakot na mamatay sa pagtatanggol sa lupain at likas yaman ng bayan. Sa kabilang banda, lalong nalalantad at napapatotohanan ang matagal nang nakasulat sa kasaysayan na ang AFP at PNP ay tagapaglingkod ng imperyalistang mandarambong, sa malalaking burges kumprador, panginoong maylupa’t burukrata kapitalista sukdang dahasin ang mamamayan sa pagpapahayag lamang ng kanilang hinaing at pagtutol sa paglabag sa kanilang karapatan sa lupa at likas yaman ng bayan.

Itigil ang karahasan! Kilalanin ang karapatan ng mamamayan sa lupa at likas-yaman ng bansa!