Pagliyabin ang sulo ng tagumpay ng NDFP! Palawakin at palakasin ang NDF sa Cagayan Valley at isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka!
Sa gitna ng karimlang lumulukob sa lipunang Pilipino, nagliliyab ang sulo ng tagumpay ng NDFP sa mahigit limang dekadang pagtataguyod nito sa pambansa demokratikong rebolusyon. Sa pagdiriwang natin ngayong araw sa ika-53 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines, palakasin natin ang ating panawagan sa ibayong pagpapalakas ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente ng lahat ng inaaping uri lalo na ngayong panahon ng umiigting na krisis na dulot ng panggigiyera ng imperyalistang US.
Sa okasyong ito, iginagawad natin ang pinakamataas na pagpupugay sa lahat ng rebolusyonaryong martir ng Cagayan Valley at buong bansa. Muli nating inaalayan ng natatanging parangal sina Ka Randy Felix Malayao, tubong San Pablo, Isabela na pinaslang ng berdugong kaaway noong 2019 at si Kasamang Ariel “Ka Karl” Arbitrario, mula sa Davao City at nagsilbi sa Cagayan Valley na pinaslang din ng kaaway noong 2024. Parehas silang gumagampan bilang NDFP peace consultant nang ektra-hudisyal na pinaslang ng mga berdugo. Ibinibigay din natin ang pinakamapulang saludo sa mga Pulang mandirigma, magsasaka at sibilyang minasaker ng kaaway sa Toboso, Negros Occidental nitong Abril 19. Ang mga kasamang ito ay maningning na huwaran ng walang pag-iimbot na pag-alay ng kanilang buhay upang mapalaya ang bayan.
Ang lumalalang krisis sa bansa ay nanunuot sa kumakalam na sikmura ng masang Pilipino at sa kanilang labis na pagod sa katawan sa paghahanapbuhay upang makaraos. Higit kailanman, mahalaga nating tungkulin ngayon na itaas ang kanilang kamalayan upang matukoy nila ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na kinakatawan at itinataguyod ng rehimeng US-Marcos bilang pangunahing sanhi ng tumitinding kahirapang ito, upang sila ay makibaka para sa pambansa-demokratikong rebolusyon tungong sosyalismo, at makamit ang kalayaan at kaginhawaan sa buhay.
Sabay sabay na humahagupit ang napakatinding krisis sa Cagayan Valley at nagdudulot ng matinding paglagapak sa kabuhayan ng mamamayan. Ang mataas na pagsirit sa presyo ng mga produktong petrolyo ay sumasabay sa tagtuyot na sumasalanta sa malalawak na kabukiran sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya. Laging kaakibat ng pagtaas ng presyo ng langis ang pagtaas ng presyo ng abono, pestisidyo at lahat na ng gastos sa produksyon, habang nananatiling bagsak ang presyo ng kanilang produkto kagaya ng palay at mais.
Ang epekto sa krisis sa langis at tagtuyot ay hindi sana kasinglala kung ang rehimeng Marcos ay hindi korap at pabaya sa karampatang serbisyo sa agrikultura. Ang mga kabukiran ng rehiyon ay nasa paligid ng ilog Cagayan, ang itinuturing na pinakamalaking ilog sa buong bansa. Sa kabila nito ay walang maayos na sistema ng irigasyon ang malalawak na kabukiran sa rehiyon. Nagdudulot ito ng laganap na pagbagsak ng ani at lalo pang pagkabangkrap at pagkabaon sa utang ng nakararaming magsasaka sa rehiyon, habang patuloy silang nakagapos sa usura at mataas na upa sa lupa dulot ng pananatili ng monopolyo sa lupa ng iilang panginoong maylupa.
Sampu ng nakararaming magsasaka, ang super pagtaas ng presyo ng langis ay mabilis na nagpapadausdos sa kabuhayan ng mala-manggagawa sa rehiyon. Maraming mangingisda ang di na makapalaot, bumagsak sa kalahati at higit pa ang kita ng mga drayber at maliliit na manininda at iba pang maralita kahit ang panggitnang uri dahil sa sumasabay na pagtaas ng bilihin at mga serbisyo. Ang mayoryang naghihikahos na mamamayan ng Cagayan Valley ngayon ay naghuhumiyaw na kagyat na ipagkaloob ang sapat na ayuda at subsidyo sa produksyon, tanggalin ang mga pabigat na buwis na VAT at excise tax sa langis at ibasura ang Oil Deregulation Law.
Sa kabila ng krisis na ito, patuloy naman ang pag-arangkada ng imperyalistang US at ang AFP sa kanilang mga ehersisyong pandigma bilang paghahanda sa inuudyok nitong gera sa Asya habang ipinagpapatuloy ang panggegera sa Iran at Middle East. Kakatapos lang ng Salaknib exercises, ay kagyat na sinimulan ang Balikatan Exercises. Isa ang Cagayan Valley sa mga pinagdadausan ng mga pagsasanay sa Balikatan. Dahil ito sa pagtalaga ng AFP, sa utos ng amo nitong imperyalistang US sa Cagayan Valley bilang susing lokasyon sa paghahanda sa inuupat nitong gera sa Asia-Pacific at itayo ang bandera ng kaniyang kapangyarihan dito.
Naranasan na natin ang matinding troma, pangamba at pambubulabog sa kabuhayan ng mga mamamayan lalo na sa mga baybayin at komunidad ng Batanes at Aparri kung saan nagdadaos ng mga live-fire excercises at iba pang maniobrang pandagat, panghimpapawid at panglupa. Habang nagugutom ay itinutulak ang masa ng Cagayan Valley na maging pambato sa mga digmang agresyong ng imperyalistang US. Sa nangyayaring ngayong gerang US-Israel at Iran, nagagamit at puntirya ang mga base militar ng US sa Middle East, na nagsasadlak sa kapahamakan sa mamamayan sa mga bansang ito. Dahil nandito ang mga base militar ng US, malalakas na armas at mga missile nito kagaya NMESIS, tiyak na ganyan din ang kahihitnan ng mamamayan ng Cagayan Valley at mamamayang Pilipino, sa oras na bumaling ang imperyalistang kahibangan ni Trump at paputukin ang inuupat nitong gera sa China at Asia-Pasipiko.
Samantala, nagpapatuloy ang kaliwa’t kanang pandarambong sa likas yaman ng rehiyon at pangwawasak sa kalikasan. Tampok pa rin ang patuloy na paglaban ng mamamayan ng Nueva Vizcaya laban sa dayuhang pagmimina, pati na rin quarrying at dredging sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Asahan natin na mas dadami pa ang mga aplikasyon sa mina ng mga malalaking kapitalista sa pagpirma ng Pax Silica, isang kasunduan upang makontrol ng US ang mga pagkukunan ng “critical minerals” at produksyon ng teknolohiya para sa panggigiyera sa buong mundo. Ang mga kinakailangan nilang minerales na ito ay nasa kabundukan ng Sierra Madre at baybayin ng Cagayan River na tiyak na babalakin at igigiit nilang kamkamin pa. Magdudulot ito ng ibayo pang pagkawasak ng kapaligiran sa rehiyon at magbubunsod ng mas malala pang abnormalisasyon ng klima na siyang magdudulot ng mas malalang tagtuyot, bagyo at baha, pagkalason ng lupa at ilog at iba pang sakuna.
Ang tuloy-tuloy na pagbagsak sa produksyon at pagkabaon sa utang ng magsasaka sa rehiyon ay lalong nagpapalala sa atrasadong katangian ng agrikultura at pyudal na pagsasamantala. Ang pagbagsak sa kita at kabuhayan ng manggagawa at iba pang maralita, ang malalang korapsyon at kapabayaan ng rehimen sa kapakanan ng mamamayan, ang pandarambong sa ating mina at likas yaman ng dayuhang kapitalista, ang pangangayupapa ng rehimeng Marcos sa imperyalistang US sa pagpapagamit sa bansa bilang lunsaran ng gerang agresyon ay mga kongkretong indikasyon ng mas humihigpit na pagsakmal ng imperyalismong US sa bansa, na matibay na nakasalalay sa pyudal na paghahari ng panginoong maylupa at malalaking burges kumprador at sinusuhayan ng burukrata kapitalistang rehimeng Marcos.
Binabaka ng mamamayan ng Cagayan Valley ang mga kongkretong hagupit sa kanila ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Umiigting ang paglaban nila sa mapandambong at mapangwasak na dayuhang mina, nangangalampag sila sa rehimeng Marcos upang ibaba ang presyo ng langis at mga bilihin, upang ibigay ang kagyat at sapat na ayuda at ibsan ang epekto ng tagtuyot at nagdedemanda sila ng nakabubuhay na sahod. Pinapatigil nila ang imperyalistang gera ng US at mga war exercises nito at pinapatanggal ang mga EDCA site at base militar nito sa Cagayan Valley at buong bansa. Kinukundena nila ang malalang korapsyon at sukdulang kapabayaan ng rehimeng Marcos sa kapakanan ng mamamayan.
Sa gitna ng matinding krisis kung saan pinakakailangan ng mamamayan na magbuo ng mga samahan, magpahayag at maghain sa gubyerno ni Marcos ng kanilang hinaing, pinapaigting ng 5th ID at NTF-Elcac ang kanilang kampanyang panunupil sa tuloy-tuloy na pag-atake, pananakot, red-tagging, at walang batayang pagpapasurender sa mga lider masa. Militarisado ang mga kanayunan ng Cagayan Valley at inookupa ang mga komunidad ng magsasaka upang hindi sila umangal sa nararanasang hirap ngayon at kumilos para sa kanilang kapakanan.
Sa harap ng mga pahirap at lumalalang krisis na ito, muli nating pasiglahin ang pag-aaral ng 12-puntong programa ng NDFP na kinatatampukan ng programa para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
Ang tunay na repormang agraryo ang magsisigurado na masusuportahan ang produksyon ng mga magsasaka at magpapalaya sa kanila sa gapos ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala ng panginoong maylupa, malalaking burges kumprador at usurero upang patuloy na makapaghatid ng sapat na pagkain at batayang rekurso para sa lipunan.
Tanging pambansang industriyalisasyon lang ang pinakaepektibo at pangmatagalang solusyon sa matinding epekto sa bansa ng krisis sa langis mundo, na ibinubunsod ng imperyalistang pagkagahaman ng imperyalistang US. Dahil sa wala tayong sariling industriya at nakasandig sa importasyon, nakatali tayo sa dikta ng mga monopolyo kapitalista sa presyo na nananamantala kahit sa gitna ng krisis, at labis na naapektuhan sa epekto sa internasyunal na kalakalan dulot ng gera.
Ang mga puntong nilalaman sa 12-puntong programa ng NDFP sa pagtatayo ng demokratikong gobyerno, hukbo ng mamamayan at pagkakaroon ng independyenteng patakarang panlabas ang makakapigil sa dayuhang pandarambong sa natural na rekurso at magiging saligan upang maigiit ang soberanya at hindi basta bastang nakakaladkad sa gera tulad ng panganib na idinudulot ng EDCA at presensya ng militar ng US sa atin ngayon.
Ang pinakamalawak na mamamayan ng Cagayan Valley ay kailangang mamulat, mapagkaisa at makibaka para sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Tungkulin ng NDF na itayo, palakasin at palawakin ang mga rebolusyonaryong samahan ng mga magsasaka, manggagawang bukid, manggagawa sa serbisyo, mangingisda, tsuper, manininda at lahat ng maralita. Napakahalaga na organisahin ang mga kabataan-estudyante maging ang mga makabayang propesyunal at taong-simbahan upang makiisa sa masang anakpawis at maitayo ang isang matibay na nagkakaisang prente sa rehiyon na magtataguyod sa demokratikong rebolusyon ng bayan.
Nasa kamay ng mamamayan na gamitin ang pagkakataong ito upang mapabilis ang pagpapabagsak sa mga mapagsamantalang uri. Ang pag-iingay at pangangalampag ng mamamayan ay naglalantad sa bulok na sistema, at ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang magwawakas nito.
Hinihikayat ng NDFP-CV ang mamamayan ng Cagayan Valley na tumipon sa NDFP upang itayo ang demokratikong gubyernong bayan na magsisilbi sa interes ng api at pinagsasamantalahan. Ngayon at sa mga susunod na panahon, patuloy na liliyab ang sulo ng tagumpay ng rebolusyon habang tayo’y naagpapalawak at nagpapahigpit ng pagkakaisa at malakas na umiigpaw pasulong upang isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka.
Mabuhay ang ika-53 taon ng NDFP!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!