Pahayag

‘Archipelagic sentinel,’ lansakang pagpapakatuta ni Teodoro at Marcos sa imperyalismong US

, ,

Ang ‘archipelagic sentinel’ na pahayag ni Department of National Defense (DND) secretary Gilberto Teodoro ay isa na namang deklarasyon sa pagbebenta ng soberanya ng Pilipinas. Ito ay mariing tinututulan ng National Democratic Front-Cagayan Valley (NDF-CV) at buong mamamayang Pilipino.

Sa ginanap na Sixth Plenary Session of the International Institute for Strategic Studies (IISS) Shangri-la Dialogue sa Singapore nitong Mayo 13, idineklara ni Teodoro ang Pilipinas bilang ‘archipelagic sentinel’ o ‘tanod ng karagatan’ para sa interes ng US sa Asia Pacific. Pinapatindi lamang nito ang pagpapakatuta ng rehimeng Marcos Jr sa imperyalismong US.

Ang tunay na ‘tanod ng karagatan,’ na nagsisigurado sa pantay na paggamit ay kailangang maging tunay na nagsasarili at soberanong bansa. Subalit ang rehimeng Marcos Jr ay ganap na kabaligtaran nito. Bilang tanod, lubos na ginagampanan nito ang papel bilang tuta ng US sa pang-uudyok ng gera sa Asia-Pacific.

Ang rehimeng Marcos Jr ay walang pinagkaiba sa mga sinundan niyang rehimen na pawang mga tuta ng US. Kung kaya’t hanggang sa kasalukuyan, patuloy na pinaghaharian ng US ang Pilipinas sa militar, ekonomya, pulitika at kultura na naglalagay sa lipunan bilang panghabambuhay na neokolonya nito.

Si Marcos Jr ay maliwanag na galamay ng US sa gera nito sa China. Ito ay muling ipinakita sa kamakailang Balikatan war exercises na nilahukan ng mahigit 10,000 na dayuhang tropa, kung saan nagpaputok sila ng Typhon missile sa kalupaan ng Pilipinas na mapanganib na nag-uudyok ng militar na aksyon ng China. Dagdag dito, pinirmahan ng administrasyong Marcos ang Pax Silica initiative, na nagpapahintulot sa kontrol ng US sa 1,620-ektaryang “Economic Security Zone.” Gagana ang economic zone na ito sa ilalim ng batas ng US at magpapahintulot sa US na magkamkam ng mga rare earth minerals mula sa Pilipinas para sa produksyon ng kagamitang pandigma dito sa bansa.

Ang terminong ‘archipelagic sentinel’ o ‘tanod ng karagatan’ ay isa ding marahas na paalala sa terminong ‘unsinkable aircraft carrier’ o ‘hindi nalulubog na barkong pandigma’ na ginamit ni US general Douglas MacArthur upang ilarawan ang Taiwan sa panahon ng digma ng US sa Korea noong 1950. Pinatatampok nito ang arogansya ng US sa paggamit sa ibang mga bansa bilang kasangkapan sa digmang agresyon nito. Eksaktong kaparehas nito ang paglalako nila Teodoro at Marcos sa soberanya ng Pilipinas sa US.

Ang tunay na tagapagtanggol sa soberanya ng Pilipinas, sa kalayaan at demokrasya ay ang milyon-milyong Pilipinong nagsusulong sa pambansa demokratikong rebolusyon. Kagaya ng nakalatag sa 12-puntong programa ng NDFP, ipinaglalaban ng pambansa demokratikong rebolusyon ang aktibo, nagsasarili at mapayapang panlabas na patakaran. Tinututulan nito ang lahat ng di-pantay na tratado na pumapabor lamang sa mga imperyalistang bansa. Upang lubos na magamit ang likas yaman ng Pilipinas at maitayo ang pambansang industriya, mahalagang labanan at patigilin ang pangangamkam ng mga dayuhan sa ating rare earth minerals at iba pang hilaw na materyales. Ang kapuluan ng Pilipinas at mga likas yaman nito ay nararapat na magsilbi sa interes ng mamamayang Pilipino, hindi ng mga imperyalista.

Ang rehiyong Cagayan Valley ay isa sa mga istratehikong lokasyon ng Pilipinas na bahagi ng “archipelagic sentinel” sa paglalagay dito ng mga EDCA site ng US at lunsaran ng mga ehersisyong pandigma nito. Matatagpuan din sa rehiyon ang mga rare earth minerals na binabalak minahin ng malalaking kapitalista.

Nananawagan ang NDF-CV sa mamamayan ng Cagayan Valley, lahat ng patriyotiko at demokratikong pwersa na maging mapagbantay sa gitna ng lansakang pagpapakatuta ng rehimeng Marcos Jr sa imperyalismong US. Ang mamamayang Pilipino ay di dapat na maging pambala sa kanyon ng iba na namang imperyalistang gera ng US.

Kailangan nating magtanod at magpakatapang sa paglaban sa lumalakas na dayuhang panghihimasok sa ating bansa. Huwag nating payagan ang ating mga pamilya’t anak na matulak sa isang hindi makatarungang digma na hindi naman nagreresolba sa ugat ng kahirapan at kawalang-lupa sa ating bansa.

Ating labanan ang imperyalismong US at burukrata kapitalismo, sa anumang paraan ng pakikibaka, pangunahin ang armadong pakikibaka. Sa matagumpay na pagbabagsak ng bulok na naghaharing sistema lamang natin matitiyak ang ating maaliwalas na kinabukasan.

Labanan ang imperyalismong US!
Ibagsak ang rehimeng US-Marcos Jr!
Ipaglaban ang tunay na kalayaan at demokrasya!

‘Archipelagic sentinel,’ lansakang pagpapakatuta ni Teodoro at Marcos sa imperyalismong US