Katutubong Palaweño, magkaisa para ipaglaban ang lupang ninuno, kabuhayan at karapatan!

,

Sa ika-29 taon ng pandaigdigang araw ng katutubong mamamayan ng daigdig, nananawagan ang National Democratic Front-Palawan sa mga katutubong Palaweño na magbangon at magkaisa laban sa komun na kaaway ng bayan—ang imperyalismong US at mga lokal na papet nito. Makatwirang ipagtanggol ang lupaing ninuno at labanan ang pagsasamantala sa minorya at buong aping uri.

Tulad ng milyun-milyong pambansang minorya sa buong daigdig, labis na pambubusabos at pagsasamantala ang nararanasan ng mga katutubong Palaweño. Bumubuo sila sa walong porsyento ng populasyon sa probinsya— pinakamarami ang mga Cuyonon, Palaw’an, Tagbanwa, Batak, Agutaynen at Tao’t Bato na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng probinsya.

Ibayong binabansot ng neoliberalismo at base nitong pyudalismo ang kabuhayan at kultura ng katutubong mamamayan. Kinakamkam at winawasak ng mga dayuhan at lokal na malalaking konsesyon sa mina, mga monocrop plantation at engrandeng proyektong ekoturismo ang kanilang lupang ninuno. Kasabwat ang iba’t ibang ahensya ng gubyerno tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at lokal na Palawan Council for Sustainable Development, ipinagbabawal ang pagkakaingin ng mga katutubo, maging ang pangingisda at paliligo sa saklaw mismo ng kanilang mga lupang ninuno. Lahat ng ito para maihain ang likas na kayamanan ng probinsya sa dayuhan at lokal na pandarambong.

Nagsasalo ang mga dambuhalang kumpanya ng mina at mga plantasyong monocrop tulad ng Cavdeal, Agumill, Cargill para sa oil palm, Nestle para sa cacao at kape at Del Monte para sa pinya at saging sa timog na bahagi ng probinsya mula Narra hanggang Bataraza. Saklaw nito ang bulubundukin at mayamang kagubatan ng Gantong, Matalingahan, Bulanjao, Cleopatra, Paragua at iba pa na bahagi ng lupang ninuno ng mga Palaw’an, Molbog at Tao’t Bato. Ang malawak na lupaing binubungkal ng mga minoryang Palaweño, hindi lamang ng mga katutubo ay nagiging malawak na ngayong tanimang pangeksport. Samantala sa norte, tinatarget ng mga proyektong reklamasyon ang baybaying saklaw ng lupang ninuno ng mga Tagbanwa sa isla ng Coron. Sa San Vicente, kabilang ang lupang ninuno ng mga Agutaynon sa 80% ng lupain ng buong bayan na kinamkam na ni Jose Chavez Alvarez (JCA).

Tulad ng pag-abandona ng estado sa agrikultura na kabuhayan ng pinakamaraming masang Pilipino, wala ring ayuda sa pagsasakang natatanggap ang mga minoryang Palaweño mula sa gubyerno. Ang mga katutubong magsasaka sa palayan sa buong probinsya ay naghihintay lamang ng sahod ulan para sa patubig at walang ibang gamit sa produksyon kundi ang mga tukaw o gulok. Ang masaklap pa, kapag hinambalos ng mga kalamidad, wala ring sapat na pananggalang ang kanilang mga sakahan, laluna ang mga palayan at kapos na kapos rin ang ayudang kanilang natatanggap.

Napakababa rin ng sinasahod ng mga manggagawang-bukid na katutubo. Tulad ng kalagayan ng iba pang grupo ng mga pambansang minorya sa rehiyon at buong bansa, karaniwa’y mas mababa ng P50-P100 ang sinasahod ng mga manggagawang-bukid mula sa kanilang hanay kaysa sa sinasahod ng di-katutubo.

Nilalapastangan at tuluyan na ring nilalabusaw ng mga institusyon ng naghaharing estado ang kultura ng mga minoryang Palaweño. Sa halip na itaguyod ang pagkakaisa at ipreserba ang mayamang kultura nila ng konsenswal at kolektibong pagpapasya, pinangungunahan pa ng mga maka-dayuhang ahensyang tulad ng NCIP at DENR ang panghahati sa mga katutubo. Ilang halimbawa nito ang ginagawang panlilinlang ng NCIP sa mga inilulunsad nitong konsultasyon sa pagtatayo ng mga proyektong mina at plantasyon.

Higit sa lahat, hindi sila pinakikinggan ng estado kahit pa ilang beses na silang nagsikap na dumulog sa lokal at pambansang pamahalaan kaugnay ng kanilang mga suliranin at hinaing. Sa halip, mabangis na ganting salakay ang isinusukli ng estado sa pamamagitan ng pagpapadala ng pinaka-pasistang mga armadong tropa ng estado. Sa bigat ng mga estratehikong negosyo at interes ng estado at imperyalismo sa Palawan, tinanuran niya ito ng isang nagsosolong Area Command, ang Western Command o WESCOM. Mula nang ito’y italaga hanggang sa kasalukuyan, ang WESCOM ang naging pangunahing katuwang ng mga dayuhan at lokal na naghaharing-uri para supilin ang pakikibaka at maghasik ng terorismo laban sa mamamayan, kabilang ang mga katutubo.

Mula noong nakaraang taon, hindi na matahimik ang komunidad ng mga katutubong Palaw’an at Molbog sa Timog sa madalas na mga pagsasanaymilitar ng mga yunit ng WESCOM, maging mga tropa ng imperyalistang US at mga kaalyado nito. Tinatarget din ng walang-patumanggang pagpapasabog sa kanilang “weapons testing” ang mga bulubundukin ng Brooke’s Point, gayundin ang taniman at ilang komunidad ng mamamayan. Samantala, sa norte, biktima ng tuluy-tuloy na panggigipit at pagpapasuko ang mga katutubong Cuyunon at Agutaynon sa Roxas na hindi na tinantanan ng mga focused military operations at retooled community support program operations mula pa 2021.

Sa gitna ng lahat ng ito, walang ibang dapat gawin ang mga katutubong Palaweño kundi magkaisa, tumindig at lumaban. Higit na lalakas ang tinig ng mga katutubong mamamayan kung isasanib nila ito sa tinig at pakikibaka ng pinakamalawak na hanay ng mamamayang Pilipinong inaapi at pinagsasamantalahan. Tunay na makakamit lamang nila ang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili sa paglahok sa pambansa-demokratikong rebolusyon ng bayan kasama ang iba pang aping uri at pinagsasamantalahan. Tanging sa pamamagitan lamang nito tuluyang maibabagsak ang kapangyarihan ng mga naghaharing uring malalaking burgesya kumprador, panginoong maylupa at kanilang imperyalistang amo.

Dapat tumbasan ng malakas na armadong paglaban ng pinakamalaking bilang ng mga Palaweño ang malupit at brutal na kontra-mamamayang atake ng estado at imperyalismo. Katutubong mamamayan, mag-armas at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! #

Katutubong Palaweño, magkaisa para ipaglaban ang lupang ninuno, kabuhayan at karapatan!