Komento hinggil sa "Bukas na Liham" ng Tribune of the People sa PKP

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Read in: English | Hiligaynon

Noong Nobyembre 13, inilathala ng website na nagpapakilalang “Tribune of the People” (TOP) bilang editoryal nito ang artikulong “To Celebrate Biden’s Victory is Incompatible with Anti-Imperialism: An Open Letter to the Communist Party of the Philippines” (“Ang pagdiwang sa pagkapanalo ni Biden ay hindi tugma sa Anti-imperyalismo: Bukas na Liham sa Partido Komunista ng Pilipinas”).

Dapat lang na itakwil ng PKP ang naturang “Bukas na Liham”, lalupa’t isinulat ito ng grupong pumoposturang Maoista at anti-rebisyunista. Dapat itong ilantad bilang isang ultra-”Kaliwang” pagsasatsat na walang kinalaman sa Maoismo. Sa tabing ng rebolusyonaryong retorika, ang tunay na pakay nito ay itulak ang PKP at iba pang Maoista na itigil ang kanilang gawaing pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na hanay ng masa sa pamamagitan ng pag-ugnay at pagkuha sa suporta ng mga panggitang pwersa at samantalahin ang mga bitak sa hanay ng mga reaksyunaryo at imperyalista. Ang pagsunod sa linya sa pagsusuri ng TOP ay maghihiwalay sa mga proletaryadong rebolusyonaryo sa malawak na masa, at maghihiwalay at magpapawalang-saysay sa talibang partido komunista.

1. Binatikos ng artikulo ng TOP ang PKP bilang “rebisyunista” sa pagkilala sa resulta ng eleksyon sa US bilang ekspresyon ng pagtakwil ng mamamayang Amerikano sa rehimeng Trump. Hindi kinikilala ng TOP ang pagkatalo sa eleksyon ni Trump, na siyang kumakatawan sa ultra-Kanang seksyon ng naghaharing uri sa US, bilang isang mahalagang tagumpay ng mamamayang American na nagpapasigla sa pakikibaka ng mamamayan laban sa mga kontra-mamamayang patakaran ni Trump. Hindi nito kinikilala na ang pagkatalo ni Trump sa eleksyong US ay isa sa bunga ng malawakang kilos protesta ng masang Black American, manggagawa, kababaihan, migrante at iba pang sektor na malakihang kumilos sa nagdaang mga buwan. Sa paggigiit na amoy Trotskyismo, sinasabi nitong hindi progresibo at hindi rebolusyonaryo ang anumang demokratikong pakikibaka (o ang ligal na pakikibaka para sa reporma)–balighong itinutumbas nito ang “demokratikong mga pakikibaka” sa “demokratikong rebolusyon”–dahil hindi nito naaabot ang kanilang panawagan para sa “sosyalistang rebolusyon” at hindi nakatutulong sa pagsusulong ng “digmang bayan.”

Sa pagbatikos sa PKP, ipinakikita ng TOP ang pagkamuhi nito sa mamamayang Amerikano sa kanilang paglahok sa eleksyon, na ipinanawagang iboykot ng Tribune. Inilalantad nila ang kanilang “Kaliwang” pag-aasal bata sa pagpapanawagan sa rebolusyonaryong pwersa na huwag makialam sa reaksyunaryong eleksyon, maliban sa kundenahin ito, kahit hindi pa inaabot ng kamulatan ng pulitikal na panggitnang seksyon ng mamamayan ang maglunsad ng mas rebolusyonaryong mga porma ng pagkilos. Sa pagsusuma sa pulitikal na pamumuno ng Bolshevik, sinabi ni Lenin na: “kung ikokombina ang ligal at iligal, parlamentaryo at di parlamentaryong mga anyo ng pakikibaka, may pagkakataong kapaki-pakinabang at mahalagang itakwil ang parlamentaryong mga porma. Gayunman, maling-mali ring bulag na ilapat ang karanasang ito, o gayahin lang, na walang pagsasaalang-alang sa iba pang kalagayan at sitwasyon.

Dahil sa pag-aasal bata nito, bigo ang TOP na gagapin na para mapamunuan ng rebolusyonaryong proletaryo ang uring manggagawa at aping mamamayan, higit pa sa paglalantad sa makauring katangian ng eleksyon at paggiit sa payak na katotohanang ang mga eleksyon ay reaksyunaryong kumpetisyon kung saan walang tunay na mapagpipilian ang mamamayan, na kapwa kinakatawan nina Trump at Biden ang uri ng mga monopolyong kapitalista. Para maisakatuparan ang tungkuling maramihan hamigin ang milyun-milyong masa, at mulatin at iangat ang makauring kamalayan ng mga manggagawa at aping mamamayan, kailangang pukawin at makuha ng talibang partido ang suporta ng panggitnang seksyon at gabayan ang kanilang pagkilos, hindi sa pamamagitan ng pagdikta sa kanila, kundi sa pamamagitan ng paggamit ng wikang kanilang naiintindihan.

Sa “Hinggil sa mga Pamamaraan sa Pamumuno,” isinulat ni Mao na: “(Ang mga lider) ay kinakailangang maging mahusay sa pagbubuklod sa maliit na bilang ng aktibong elemento sa pamunuan at sumalig sa kanila upang maiangat ang panggitnang mga elemento at para pukawin ang mga nahuhuling elemento. Ang namumunong grupo na may tunay na pagkakaisa at nakaugnay sa masa ay dahan-dahang mabubuo sa pamamagitan lamang ng pakikibakang masa, at hindi hiwalay mula rito.” Sinusuma nito ang batayang Maoistang prinsipyo sa linyang masa at pamumuno. Kung ipagpipilitan ng taliba ang pagpapataw sa kanilang “puristang” linya nang hindi isinasaalang-alang ang antas ng pampulitikang kamalayan at pagkilos ng masa, mahihiwalay lamang sila at hindi makapamumuno. Sa partikular, kinakailangan ng mga rebolusyonaryong lider na alalayan ang mamamayan sa paglulunsad ng kanilang mga pakikibaka na nakapaloob sa ligal na balangkas ng reaksyunaryong sistema upang maitaas ang antas ng kanilang pampulitikang kamulatan at kanilang komitment sa aktibismong pulitikal. Kinakailangan maging mahusay ang mga rebolusyonaryo sa pagbubuklod at pamumuno sa masa sa kanilang mga praktikal na pakikibaka para sa kagyat na mga reporma habang itinataas ang pang-ideolohiya at pampulitikang antas ng abante at panggitnang seksyon.

2. Idineklara ng artikulo ng TOP na layunin nitong himay-himayin ang pahayag ng PKP, subalit nambaluktot ng salita sa pamagat pa lamang nang sabihing “ipinagdiwang” ng PKP ang pagkapanalo ni Biden. Ibang bagay ang ipagdiwang ang pagkatalo ni Trump. Hindi ito katumbas ng pagdiwang sa pagkapanalo ni Biden. Sa katunayan, inilalahad sa pahayag ng PKP na ang elektoral na pagkapanalo ni Biden ay mas resulta ng mga protesta ng mamamayang American laban kay Trump; at ang gawain na hamunin si Biden na tugunan ang mga panawagan ng mamamayang Amerikano.

Nang mapatalsik ng mamamayang Pilipino si Marcos noong 1986 sa pamamagitan ng malawakang mga aksyong masa, kasama nilang nagdiwang ang Partido sa pagwawakas ng halos 15 taon ng pasistang diktadura. Nakidiwang din ito sa kanila nang mapatalsik sa poder ang rehimeng Estrada noong 2001 sa pamamagitan ng tuwirang pagkilos ng daan-daan libong mamamayan. Sa dalawang kaso, mulat ang Partido na ang humaliling mga rehimen ay kumakatawan din sa parehong makauring interes ng malalaking burges kumprador at malalaking panginoong maylupa na sunud-sunuran sa imperyalismong US. Sinamantala ng Partido at ng ligal na mga pwersang demokratiko ang mga bitak sa loob ng naghaharing sistema sa ilalim ng bagong rehimen at nakaani ng malalaking tagumpay, tulad ng pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal kabilang na ang mga lider ng Partido, sa pagpapanawagan ng katarungan para sa mga biktima ng pasistang panunupil. Lumikom ng mas malalaking suporta ng publiko para sa panawagan ng masa sa reporma sa lupa, dagdag na sahod at iba pang demokratikong kahilingan.

3. Binaluktot ng TOP ang rekord ng PKP sa pagsasabing tinawag nito si Duterte bilang “unang sosyalistang pangulo” ng Pilipinas. Minaliit din nito ang PKP sa pamamagitan ng pasasabing “handang-handa itong wakasan” ang armadong pakikibaka sa pamamagitan ng “taktika” nito sa pakikipag-usapang pangkapayapaan.

Alam ng lahat na si Duterte mismo ang nagsabing siya ang “kauna-unahang sosyalistang pangulo,” na syempre ay walang ilusyon ang PKP. Batid ng PKP ang reaksyunaryong makauring katangian ng rehimeng Duterte bilang tagapangalaga ng mapanupil at mapagsamantalang naghaharing sistema. Bilang ilang dekadang upisyal sa lokal na bayan, alam ni Duterte ang lakas ng NPA at piniling maging mapagkaibigan at matulungin sa rebolusyonaryong kilusan sa pagpapalaya sa mga prisoner-of-war (POW), sa pagbigay ng tulong sa kalamidad at pagkilala sa demokratikong gubyernong bayan at sa sistema nito ng pagbubuwis. Pero mulat na mulat ang Partido sa kanyang maka-uring oryentasyon bilang burukratang kapitalista. Simula pa lamang, inilarawan ng Partido si Duterte bilang “bagong hepe ng neokolonyal na estado.”

Lumalahok ang PKP sa pakikipag-usapang pangkapayapaan hindi para sa makitid na layuning “wakasan” ang armadong pakikibaka, kundi bilang ekstensyon nito. Mayroong usapang pangkapayapaan dahil mayroong armadong tunggalian.

Sa matagalang katangian ng digmaang sibil sa Pilipinas, ang pagkakamit ng kapayapaan ay isa sa kagyat na mga usaping kinaharap ng bawat rehimen mula dekada 1980. Halos pare-pareho ang mga ito na sa simula ng termino’y pumopostura sa mamamayang Pilipino na interesado sa kapayapaan at pakikipag-usapang kapayapaan sa rebolusyonaryong kilusan. Sa kabilang panig, pinanghahawakan ng Partido at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang patakaran sa pagiging bukas sa usapang pangkapayapaan para ipagkait sa reaksyunaryong estado na solong magsalita tungkol sa kapayapaan, at para makapagbigay-linaw sa usapin ng kapayapaan at igiit ang panawagan ng mamamayan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

Bilang halimbawa, noong 2016, nakipagnegosasyon ang PKP, sa pamamagitan ng NDFP, Duterte sa usapang pangkapayapaan. Siningil ng PKP ang mga salita at pagpapanggap ni Duterte at idiniin sa kanya na maging totoo sa kanyang mga deklarasyon sa mamamayan. Sa konteksto ng negosasyong pangkapayapaan at sa labas nito, ang PKP at ang rebolusyonaryong kilusan ay naggigiit sa pambansa-demokratikong kahilingan ng mamamayan upang maitulak ang anumang konsesyon na mapakikinabangan ng mamamayan, maigiit ang rebolusyonaryong prinsipyo ng isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan, at ilantad ang kahungkagan at pasismo sa likod ng palabas ng “kapayapaan” ng mga reaksyunaryo.

4. Ang PKP ay hindi naniniwala na ang mga imperyalistang patakaran ng US, kapwa lokal at internasyunal, ay pundamental na magbabago sa ilalim ng papalit na rehimeng Biden. Ito mismo ang punto ng Partido nang sabihin nito na si Biden na ang magiging ulo ng imperyalismong US. Bilang kinatawan ng naghaharing mga monopolyo kapitalista, pamumunuan ni Biden ang batbat-sa-krisis na ekonomyang US at magpapatupad ng mga patakarang magpapatindi sa pang-aapi at pagsasamantala sa uring manggagawa at mamamayan.

Sinabi sa pahayag ng PKP na si Biden ay “sumakay sa tuktok ng daluyong ng demokratikong kilusang masa,” na sa isang banda ay isang pitik na pagpuna kung papaanong sinamantala ng mga reaksyunaryo ang mga kilos protesta para sa kanilang pakinabang; at sa kabilang banda ay isang hamon sa mamamayang American na magpatuloy sa kanilang pakikibaka at pagigiit ng kanilang mga panawagan, batid na ang pagkapanalo ni Biden ay utang niya sa kanila. Makaisang-panig na pinalalabas ito ng TOP bilang makauring oportunismo at pangangayupapa, gayong sa katunayan, panawagan ito sa uring manggagawa sa US na igiit ang inisyatibang pulitikal labas sa pulitika ng mga kinatawan ng burgesya.

Sadyang kabilang sa mga pulitikal na panawagang kakakaharapin ng papalit na rehimeng Biden ang malawakang sigaw para itigil ng US ang militar at pulitikal na pagsuporta sa pasistang si Duterte na itinatakwil na sa buong mundo dahil sa malulubhang paglabag sa karapatang-tao.

5. Nagpoposturang Maoista ang TOP gayong sa totoo’y binabalahura ang Marxismo-Leninismo sa pamamagitan ng pagbatikos sa PKP mula sa isang ultra-“Kaliwang” tindig. Kunwa’y pinupuri nila ang “katangi-tanging” armadong pakikibakang pinamumunuan ng PKP subalit itinutulak ito na isaisantabi ang kahalagahan ng pagsuporta sa ligal na mga pakikibaka, o mga pakikibaka para sa reporma. Kunwa’y sinusuportahan nila ang “pagpapatuloy ng armadong paglaban sa imperyalismo” subalit gusto namang iisaisantabi ang pangangailangang maglunsad ng pulitikal na pakikibaka (kabilang ang parlamentong pakikibaka) kasabay nito, na sa kadulu-duluhan ay hahantong sa pagkakahiwalay ng armadong pakikibaka, na maglalagay dito sa purong sitwasyon militar.

6. Ang “Maoismo” ng TOP ay isang maskara para atakehin ang Maoismo. Sa website nito, nagpapakilala ang TOP bilang Gonzaloite o tagasunod ni “Chairman Gonzalo” (ang nakabilanggong lider ng Communist Party of Peru). Minamaliit nito ang PKP bilang “impluwensyado ng Kaisipang Mao Zedong” at tinawag ang patakaran sa ugnayang panlabas ng Partido na “rebisyunista.” Ang editoryal ng TOP ay hindi taos-pusong pagpuna ng isang Maoista sa isa pang Maoista kundi isang bukas na pagbatikos sa Marxista-Leninista-Maoistang linya ng PKP.

Lumilinaw na mayroon ngayong makakasabay na pagbira sa PKP sa walang-saysay na tangkang siraan ito sa ideolohiya at pulitika. Kasama sa mga atakeng ito ang muling pagkukwestyon sa likas na katangian ng malakolonyal at malapyudal na sistema upang maliitin ang teoretikal at praktikal na mga batayan sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan bilang estratehiya sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan, hanggang sa walang batayang mga akusasyon na ang PKP ay “tagasuhay” ng pasismo ng rehimeng Duterte, at marami pang iba. Ang mga atakeng ito ay inilulunsad ng mga imperyalista at reaksyunaryo, at ng mga kunwang rebolusyonaryo at kontra-rebolusyonaryong mga grupo sa loob at labas ng Pilipinas. Dapat puspusang labanan ng Partido ang mga atakeng ito sa pamamagitan ng puspusang pakikibaka sa ideolohiya at pulitika upang ipagtanggol ang Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Komento hinggil sa "Bukas na Liham" ng Tribune of the People sa PKP