Kondenahin ang terorismo mula sa himpapawid ng 5IDPA sa Hacienda Intal, Baggao
Tinotoo ng AFP ang matagal na nilang pagbabanta na bobombahin ang Arimit matapos itong maghulog ng apat na bomba, magpaulan ng rockets at walang-habas na nagmasinggan sa mga upland farm ng Arimit at Erya gamit ang attack helicopters na Sikorsky S70i Black Hawk at Agusta Westland 1129 ATAK. Sukdulang kinukondena ng National Democratic Front – Cagayan ang walang-patumanggang istraping at pambobomba mula sa ere ng mga pwersa ng Tactical Operation Group ng Philippine Air Force (TOG2-PAF) at 501st Infantry Brigade sa ilalim ng 5th Infantry Division Philippine Army (5IDPA) sa mga sakahan at maisan ng Sityo Birao, Barangay Hacienda Intal, Baggao, Cagayan noong ika-2 ng Pebrero 2023 bandang alas 1:30 ng hapon.
Nagdulot ito ng malawakang ebakwasyon, takot at trauma sa mga mamamayan lalo na sa mga bata. Hanggang sa kasalukuyan, namamayani pa rin ang pangamba sa kanila sa araw-araw na pagpapakitang-gilas at animo’y pagbabanta ng Bell AH-1 HueyCobra attack helicopter bitbit ang mga bomba nito. Bago ang aktwal na pambobomba, dalawang gabi nang liniligalig ng drones at reconnaissance plane ang mga residente sa nasabing lugar.
Naganap ang naturang teroristang atake pagkatapos ng engkwentro sa pagitan ng mga Pulang mandirigma ng Henry Abraham Command NPA-East Cagayan at mga bayarang tropa ng 95th IBPA. Walang nasugatan o nasawi sa mga tropa ng NPA na nagsasagawa ng pagsisiyasat hinggil sa epekto ng magkakasunod na bagyo at kalamidad sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Nagsunog ang AFP ng pera ng taumbayan nang magwaldas ito ng mga bala at bomba na hibang nitong itinurol sa mga komunidad at pag-aaring sibilyan. Doble-dagok sa mga magsasaka na bagsak ang kabuhayan at lubog sa utang ang pwersadong pagbabakwit. Abala at perwisyo sa mga magsasaka ng Reggaay, Birao, Krosing, Marus at Patina ang restriksyon sa pag-akyat sa kanilang mga sakahan at naiwang ari-arian. Gutom at pangamba ang aabutin ng mahigit 150 na pamilyang apektado ng airstrike na nakikituloy lamang sa mga kamag-anak, kakilala at sa barangay hall na nagsisilbing pansamantalang evacuation center.
Overkill ang ginawang pambobomba ng 5ID para sa sinasabi nitong “tira-tirang walong (8) NPA ng East Cagayan.” Nagmukha itong tanga at sinungaling sa sariling ulat na tinatayang 15 na NPA ang nakasagupa ng 95IB, taliwas sa kanilang year-end report. Habang lugmok sa karukhaan ang mamamayan, tiba-tiba naman ang ibubulsa ng mga heneral ng AFP sa mga susunod na pagbili ng mga kagamitang militar sa ilalim ng AFP Modernization Program. Habang pagod sa paggalugad at isinusubo sa kamatayan ang ground troops ng 5ID, hayahay sa de-aircon na opisina at nagpapakasasa naman sa luho sina Bde. Gen. Pacia at Crespillo.
Pinatitingkad ng aerial bombing ang makauring interes ng estado—ang estadong nagwawaldas ng bilyon para sa badyet militar samantalang ni singkong duling ay walang maibigay sa mga magsasakang naghihirap at nangangailangan ng suporta.
Hinihimok ng NDF-Cagayan ang mga lokal na ahensyang sibilyan, mga taong-simbahan, mga tagapagtanggol sa karapatang-tao at kalikasan na maglunsad ng imbestigasyon sa pinasala sa buhay at kabuhayan ng mga taga Hacienda Intal. Hindi malayong may mga sakahan, kalabaw at iba pang alagang hayop na napinsala sa naturang insidente.
Dapat palalimin ang pinalilitaw na balitang diumano’y may mga nasawing NPA. Posibleng mga sibilyan ito sa kalagayang kasalukuyan ang trabaho sa kuman tulad ng pagsa-side dress at spray. Dapat na paigtingin ang kampanya at panawagan laban sa airstrike at higit lalong dapat na panagutin ang 5ID at TOG2-PAF sa indiscriminate aerial bombing at shelling nito na nagsapanganib sa buhay ng mga sibilyan at kanilang mga ari-arian at naghasik ng matinding takot at ligalig sa mga magsasaka sa kanayunan.#