Pahayag

Kundenahin ang Zionistang Israel sa pambobomba at pagpatay sa daan-daan sa mga paaralan sa Gaza

, ,

Ipinapahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pinakamalakas na pagkundena sa gubyernong Israel na suportado ng US sa paghulog ng hindi bababa sa apat na megabomb sa al-Talbin School sa komunidad ng Daraj sa Gaza City noong Sabado, Agosto 10.

Mahigit 100 Palestino na ikinakanlong sa paaralan ang napatay. Isinagawa ng Israel Defense Forces (IDF) ang aerial bombing habang ang mga tao ay nagtitipon para sa kanilang pang-umagang pananalangin, na nagresulta sa napakaraming kaswalti, na nagkalasog-lasog ang mga katawan.

Patuloy ang kaliwa’t kanang krimen sa digmaan ng Zionistang pamahalaang Netanyahu. Ang paaralang al-Talbin ay ang ikalima na sa Gaza na binomba ng Israel mula noong Agosto 1, 2024, kung saan halos 200 katao na ang napatay. Sa paghahanap ng masisilungan, ang mga Palestino na nawalan ng tirahan dahil sa patuloy na brutal na mga pagpatay ng Israel, ay nagtitipon sa mga gusali ng paaralan, na itinuturing na mga istrukturang sibilyan sa ilalim ng Geneva Conventions.

Inuulit ng PKP ang panawagan nito para sa agarang pagwawakas sa henosidyo sa mga Palestino sa Gaza ng mga pwersang Zionista ng Israel na suportado ng US, na pumatay sa halos 40,000 katao mula noong Oktubre 7 noong nakaraang taon. Muling pinagtitibay ng Partido ang suporta nito sa mamamayang Palestino sa kanilang rebolusyonaryong pakikibaka para sa pagpapalaya at pagpapasya-sa-sarili.

Kundenahin ang Zionistang Israel sa pambobomba at pagpatay sa daan-daan sa mga paaralan sa Gaza