Labanan ang inhustisya at pangangamkam ng lupa, isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon
Ginugunita ng NDFP-ST at mamamayan ng Timog Katagalugan ang Mendiola Massacre noong Enero 22, 1987. Iniresulta ng masaker ang 13 magsasakang patay at higit 60 sugatan sa isang protesta para igiit ang lupa, karapatan at hustisya sa ilalim ng rehimeng US-Aquino I.
Muling inaalaala at binibigyang pugay ng NDFP-ST at mamamayan ng TK ang mga magsasakang pinaslang na sina Danilo Arjona, Leopoldo Alonzo, Adelfa Aribe, Dionisio Bautista, Roberto Caylao, Vicente Campomanes, Ronilo Dumanico, Dante Evangelio, Angelito Gutierrez, Rodrigo Grampan, Bernabe Laquindanum, Sonny Boy Perez at Roberto Yumul. Pito sa mga biktima ay mula sa Laguna.
Sa 37 taong nakalipas, wala pa ring nakakamit na hustisya para sa mga kaanak at biktima ng Mendiola Massacre. Higit pang lumalala ang mga paglabag sa karapatang-tao lalo sa uring magsasaka. Inaatake ng AFP-PNP ang kanayunan at mga kabayanan upang pigilan ang paglaban ng mga magsasaka para sa lupa at kanilang karapatan. Iniresulta ng militarisasyon ang kabi-kabilang pamamaslang, pagdukot, tortyur, sapilitang pagpapasuko, sapilitang pagpapalayas, mga blokeyo sa pagkain at iba pa. Tampok na kaso sa unang taon ni Marcos Jr ang pagpaslang ng AFP kina Kyllene Casao, 9-taong bata, at Maximino Digno, matandang may kapansanan sa pag-iisip sa Batangas; at Kapitan Dante Yumanao sa Mindoro. Inaresto at ginigipit ang mga magtutubo sa Batangas na tumututol sa pagsasara ng Central Azucarera de Don Pedro Inc. kagaya ng San Juan 3; at mga organisador ng magsasaka at katutubo sa Mindoro katulad ng Mansalay 2. Libu-libong magsasaka naman ang isinailalim sa pekeng programang pagpapasuko.
Nanariwa ang karahasan ng Mendiola Massacre sa patuloy na pamamaslang ng mga nakikibakang magsasaka, tampok ang paninibasib ng rehimeng Marcos II at nakaraang rehimeng Duterte sa Negros, Masbate at Samar. Lansakang paglabag sa karapatang tao ng estado at AFP ang pagpatay maging ng mga batang anak ng mga magsasaka, matingkad na kaso ang pagpatay sa pamilya Fausto sa Negros noong Hunyo 2023. Ang naghaharing kultura ng impyunidad ay nag-iinstitusyunalisa ng karahasan at kumakanlong sa mga mamamatay-tao at uhaw-sa-dugong mga pwersa ng estado.
Pilit na ginagamit ng estado ang kamay na bakal nito para supilin ang paglaban ng mamamayan para sa lupa. Nagpapatuloy ang laganap na kawalan ng lupa dulot ng monopolyo at pangangamkam ng mga panginoong maylupa (PML) kasabwat ang mga burgesya komprador at imperyalista (MBK). Tulad ng iba pang programa ng reaksyunaryong gubyerno, hungkag ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na isinabatas sa ilalim ni Cory Aquino matapos ang Mendiola Massacre dahil hindi ito nagpatupad ng tunay na reporma sa lupa. Ilang beses itong pinalawig, subalit bigo itong ibigay ang kahilingan ng magsasaka na magkaroon ng lupa. Sa halip, ginamit ito para sa rekonsentrasyon ng mga lupain sa kamay ng mga PML at burgesya kumprador. Nagkakailang kaso na sa Timog Katagalugan ang pang-aagaw ng lupang isinailalim sa CARP.
Tiniyak ng mga sumunod na rehimen ang pagkakait ng lupa sa magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalit-gamit nito tungong komersyal, negosyo, plantasyon, mina at base militar. Isinabatas ang National Land Use Act ng rehimeng US-Duterte na nagsilbi lamang sa interes ng mga MBK at PML. Pangita ang laganap na kawalan ng lupa sa inilabas na ulat ng Philippine Statistics Authority noong Disyembre 2023 na higit 600,000 ektarya ng mga irrigated lands ay isinailalim sa kumbersyon sa nagdaang dekada. Malaking bahagi nito ay mga palayan sa Central Luzon at pumapangalawa ang Timog Katagalugan.
Napakatuso ng ilehitimong rehimeng Marcos II na ipagpatuloy ang programa sa pagpapalit-gamit ng lupa sa kabila ng isinabatas nitong New Agrarian Emancipation Act. Mababalewala ang kanselasyon diumano ng mga utang ng magsasaka kung ang mga lupa ay manganganib na mawala sa kanila dahil sa pang-aagaw sa pamamagitan ng kumbersyon at mga huwad na proyektong pangkaunlaran ng reaksyunaryong gubyerno. Magbubunga ito ng rekonsentrasyon ng mga lupa dahil sa pagpapabilis ng pag-akumula ng lupa mula sa mga benepisyaryo ng huwad na reporma sa lupa o CARP.
Ang nilulutong charter change ng ilehitimong rehimeng Marcos II ay magpapalala pa ng monopolyo sa lupa ng iilan dahil bibigyan nito karapatang mag-ari ng 100% sa lupa ang mga dayuhan.
Sa malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino, mahigpit na magkakawing ang laban para sa hustisya at laban para sa lupa. Kailangan sumalig ng mga magsasaka sa kanilang lakas upang makamit ang karapatan at katarungan. Dapat papanagutin ang mamamatay taong reaksyunaryong estado gamit ang AFP-PNP sa mga krimen nito sa mga magsasaka at mamamayan. Dapat ding ipagtanggol ang mga nakamit na tagumpay ng uring magsasaka sa balangkas ng pambansa demokratikong pakikibaka.
Suportahan ang posibilidad ng peace talks ng NDFP at GRP at ipursige ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms na nagsusulong ng programa sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Nararapat ding igiit na sundin ng GRP ang mga naunang kasunduan sa peace talks kagaya ng The Hague Joint Declaration at Comprehensive Agreement on respect for Human Rights and International Humanitarian Law.
Tahakin ng mga magsasaka ang landas ng pambansa demokratikong rebolusyon at sumapi sa Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM). Kailangan nilang itayo ang isang tunay na gubyernong bayan na magpapatupad ng tunay na reporma sa lupa. Katuwang ang NPA, isinusulong ng PKM ang rebolusyong agraryo na may maksimum na layuning kumpiskahin ang lupa ng mga PML at ipamahagi ito sa mga magsasakang wala o kulang sa lupa. Minimum na programa nito ang pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi ng usura, pagpapataas ng paupa sa manggagawang bukid at pagpapataas ng presyo ng produktong bukid.