Labanan ang pasistang rehimeng US-BBM at berdugong NTF-ELCAC na humahadlang sa pagkakamit ng tunay na kapayapaan sa buong bayan!
Kahalintulad ng kanyang amang diktador na si Macoy, inihahambalos ng rehimeng US-BBM ang pasismo ng estado sa kanyang mamamayan. Mas pinatindi pa nya ang pasistang atake sa sambayanang pilipino sa pamamagitan ng pagtutuloy ng mga programang anti-kapayapaan gamit ang berdugong NTF-ELCAC na unang isinulong ni Duterte. Sinuhayan pa nya ito ng Proclamation 404 na layunin ding hatiin ang NPA at rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng hungkag na amnestiya.
Ipinagpatuloy din nya ang hungkag na Localized Peace Engagement (LPE) sa layuning maipatupad ang pasipikasyon sa rebong kilusan. Dahil sa wala ni isang command ng NPA na pumatol sa hungkag na LPE, ibinaling ng NTF-ELCAC ang kanilang lokal na pakikipag-usap sa mga pamilya ng mga pinaghihinalaang lider ng NPA, pamilya ng mga biktima ng pamamaslang, mga nahuling NPA, dati ng sumuko o di kaya ay mga nagpahingang mga dating NPA para sila ang kanilang kausapin at pagmukhaing may nagaganap na negosasyon na kahalintulad ng ginawa nila sa Ilo-ilo.
Ngayon naman, lantarang ipinahahayag ng ahente ng CIA na si Año, National Security Adviser ni Marcos Jr. na wala sa adyenda nila ang pakikipag-usap pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDFP. Muling pinakawalan ni BBM ang kanyang mga asong ulol na utusan na kagaya ni Defense Sec. Galvez (Office the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity – OPAPRU) at NSA Sec.Año na walang ginawa kundi kumahol na parang asong-ulol at hadlangang makamit ang tunay na kapayapaan at kasaganaan ng sambayanang Pilipino. Matagal nang duguan ang kanilang kamay, habang si Año, noong 2007 ay syang utak sa pagdukot sa aktibistang si Jonas Burgos na anak ni Jose Burgos na tanyag bilang press freedom fighter noong panahon ni Macoy. Nararapat silang labanan ng taumbayan.
Labas pa sa nararanasang lagim ng masang anakpwis dulot ng anti-mamamayang aktibidad ng NTF-ELCAC kagaya ng walang humpay na pambobomba sa kanayunan, peke at recycled na pagpapasuko, pekeng enkwentro, panghaharas, red-tagging, trumped up cases at ejk ay ginagawang gatasan o kinukurakot din nila ang pondo nito. Matagal ng dinadambong at ginagawang palabigasan nina Galvez, Año at iba pang opisyales ng militar ang bilyon-bilyong pondo ng NTF-ELCAC.
Sa probinsya ng Batangas, aktibo ang NTF-ELCAC sa mga lugar na kung saan nakikibaka ang mga Batagueño para sa lupa, kabuhayan at karapatan. Sa kanlurang Batangas, ginagamit ng pamilya Roxas ang mga militar para pabilisin ang pagpapatupad ng DAR-CO. Ginagawa ding eskort ng mga nagsusukat ng lupang Hacienda Roxas ang 59th IB-PA para mapabilis ang pag-aayos ng mga bounderies na itinakda ng DAR-CO na magdudulot ng malawakang pagpapalayas sa mahigit sa 50,000 magsasaka sa kanilang mga lupang binubungkal.
Kaliwat-kanan din ang kampanyang pagpapasuko, red-tagging, pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso at pagpaslang hindi lamang sa mga progresibo at aktibista kundi maging sa mga simpleng mamamayan kagaya ng pagpaslang sa 9-taong gulang na batang babae na si Kylene Casao sa bayan ng Taysan noong Hulyo 18, 2022 at tatay Digno ng Calaca City na may sakit sa pag-iisip noong Hulyo 26, 2022.
Pinaslang din nila ang 2 kaanak na sibilyan ng isang pulang-mandirgma na dumalaw lamang sa kanyang kapatid. Nahuli nila ito ng buhay, dahil sa hinimatay sa takot ng paputukan ang pwesto nila ng mga militar pero ng ipakita na ng mga militar ay wala na itong buhay at may tama ng bala sa katawan, nilagyan ng baril habang ang kanyang kasuutan ay nakababa hanggang sa tuhod na nagpapakita sa desekrasyon ng kanilang mga bangkay.
Sa silangang bahagi ng probinsya naman ay nagsisilbi ang NTF-ELCAC at 59th IB-PA na tagapagtanggol ng mga malalaking negosyanteng dayuhan at lokal para maisakatuparan ang kanilang mga mapanirang proyekto na kagaya ng operasyong pagmimina ng Bluebird Merchant Ventures Ltd sa bayan ng Lobo Batangas na hindi lamang sisira sa kabuhayan at kabahayan ng mamamayan kundi maging sa kalikasan na makakaapekto rin sa Verde Island Passage na itinuturing na “center of the center of bio-diversity in the world”.
Maging sa kalunsuran, sa San Isidro Sur Sto Tomas Batangas, hinaras ng NTF-ELCAC at 59th IB-PA ang mga maralitang lunsod na idinidemolis ang kanilang mga kabahayan upang sapilitan nilang ipatanggap ang relokasyon na hindi katanggap-tanggap sa mga maralita dahil sa isa itong negosyong pabahay at isang “usufract contract” o pansamantalang pagpapagamit lamang ng lupang titirikan ng kanilang bahay.
Malinaw na may basbas ng imperyalismong US ang kontra-ensureksyong programa at ang pakanang pasipikasyon ng rehimeng US-BBM. Layunin din nito na sa panahon ng napakatinding krisis sa ekonomiya at pulitika ay alisan ng pampulitikang deteminasyon ang Partido, ang rebolusyonaryong pwersa at NPA na maisulong ang armadong pakikibaka. Malaki ang paniniwala ni BBM sa sinasabing matagumpay na kampanyang anti-ensureksyon ng rehimeng Duterte, nag iilusyon din ito na mawawakasan na nito ang armadong pakikibaka. Malawakan nitong ideneklara na natatalo na ang NPA at maliit na hukbo na lamang ang natitira sa buong bansa.
Sa probinsya ng Batangas, mula sa mahigpit na pamumuno ng Partido at Eduardo Dagli Command – NPA, determinado at nagpupunyagi ang buong rebolusyonaryong armadong pwersa sa probinsya na muling magpalakas at dalhin ang digmang bayan sa landas ng muling pagsulong. May usapang pangkapayapaan man o wala, tungkulin ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan at rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.
Mulat din kami sa kawalang sensiridad ng rehimeng US-BBM at berdugong militar sa usapang pangkapayapaan. Ipinakita na ng kasaysayan ang mga imbing pakana at maitim na hangaring na gamitin nila ang usapang pangkapayapaan para itali ang armadong pwersa ng NPA sa matagalang tigil-putukan, ilagay ito sa pasibong pusisyon, at ipwersa ang mga kasunduan ng pagsuko nang di nilulutas ang ugat ng gera sibil sa Pilipinas. Habang ang rebolusyonaryong kilusan sa pangunguna ng Partido at NPA ay naghahangad na ipakita sa salita at gawa na kaseryosohan at determinasyon na kamtin ang makatarungan at magtatagal na kapayapaan para sa sambayanang Pilipino.
Naniniwala kami na para umusad ang usapang pangkapayapaan ng NDFP at GRP, kinakailangang alisin ang mga malalaking sagka na inilagay ng nagdaang rehimeng Duterte.
- Kinakailangang iapirma ng GRP ang bisa at pagkilala sa The Hague Joint Declaration bilang balangkas ng usapang pangkapayapaan at ng mga nakaraang nilagdaang kasunduan sa pagitan ng GRP at NDFP (CARHRIHL, JASIG at iba pa).
- Kinakailangang alisin ang Terorist Tagging sa balangkas ng ATA
- Pagpapalaya sa mga nakapiit na 12 konsultant pangkapayapaan ng NDFP, malaki ang papel na dapat gampanan ng 12 konsultant ng NDFP. Ang patuloy na panunupil sa kanila at paghabol pa sa iba pa na lumahok sa nakaraang Peacetalk ay tahasang paglabag sa mga pinagkaisahang garantiya sa seguridad sa ilalim ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).
- Malalaking sagka rin sa muling pagpapatuloy ng usapang pangkapayaan ang pag-iral ng Executive Order No 70, Memorandum Order No 42, ang pamamayagpag ng NTF-Elcac at ang itinutulak nitong brutal na kampanyang panunupil sa anyo ng madugong mga operasyong RCSP sa tabing ng “localized peace talks.”
Nanawagan tayo sa mga Batangueño at sa buong mamamayan na ubos-lakas na kumilos para makamtan ang makatarungang kapayapaan, wakasan na ang matinding kahirapan at tumitinding panunupil ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II sa pamamagitan ng pagpapalakas sa tunay na hukbo ng sambayanang Pilipino. Manggagawa, Magsasaka at iba pang aping uri’t sektor, humayo tayo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang PKP-NDF-NPA!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!