Labanan ang sulsol-ng-US na pang-uupat ng at pag-uudyok ni Marcos ng gera

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Mahigpit na kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rehimeng US-Marcos sa walang-tigil na pang-uupat ng gera na nagresulta sa umiigting na tensyon sa China. Kinukundena ng Partido si Marcos sa kanyang mga pahayag kamakailan na tumuturol sa China na banta sa kalayaan ng bansa, at paghahaka-haka sa posibleng mga senaryong itinuturing niyang “acts of war” o panggegera. Sa utos ng US, hibang na ikinakasa ni Marcos ang pakikipaggitgitang-militar sa China, tiwala sa presensya at interbensyong militar ng imperyalistang US sa South China Sea.

Sa panunulsol ng US, nagsasagawa ng mapanghamon mga maniobrang pandagat at nabal ang gubyernong Marcos, Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard simula pa nakaraang taon, na nagresulta sa dumaraming bilang ng mga insidente sa West Philippine Sea, kabilang ang habulan noong Mayo 19 sa Ayungin Shoal, na nagpapataas sa panganib ng pagtindi at pagsiklab ng armadong tunggalian.

Umigting ang mga tensyon sa West Philippine Sea simula Marso 2023 mula nang isinagawa ng Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tinatawag nitong mga supply mission. Ang mga ito ay pinlano kasama ang militar ng US at isinasagawa nang may suportang panghimpapawid ng militar ng US (gamit ang unmanned surveillance plane na P-8 Poseidon). Ang labis na pinalaking mga anunsyo na magdadala ng mga suplay pang-konstruksyon sa BRP Sierra Madre para sa sinasabing “superficial repairs” ay sadyang pagtatangka na udyukan ang China, batid na tuwiran itong taliwas sa dating mga kasunduang binuo sa ilalim ng mga gubyerno nina Estrada, Arroyo at Aquino.[1]

Kabilang sa mga desisyon ng International Arbitral Tribunal noong 2016 ang pagkilala na bahagi ang Ayungin Shoal ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas, at pagpawalang-saysay sa pang-aangkin ng China sa mga teritoryo at katubigan sa erya. Binigyan sana nito ang Pilipinas ng bentahe para isulong ang diplomatiko at ligal na mga pamamaraan para igiit ang karapatan nito sa West Philippine Sea.

Gayunman, sa hangaring sumipsip sa China, pinagtibay lamang ni Duterte ang naunang kasunduan na hindi magdadala ang Pilipinas ng mga materyales sa konstruksyon sa Ayungin Shoal, at isinaisantabi ang nabanggit na ligal na tagumpay, isang pagtataksil sa pambansang interes ng bansa.

Tulad ni Duterte, walang ginawang inisyatiba si Marcos para itulak ang desisyon ng IAT noong 2016 at ang mga interes ng bansa sa pamamagitan ng mapayapang mga paraan. Ang pagtanggi ni Marcos na may dating kasunduan sa China na alam naman sa publiko ay malinaw na mga kasinungalinan at isang malubhang pagbali sa diplomasya. Ang mga upisyal sa diplomasya ng Pilipinas ngayon at tagasegunda lamang sa mga sinanay ng US na pakawalang aso sa sektor ng depensa at seguridad, AFP at ang naulol na Philippine Coast Guard. Sa suporta ng US, malinaw na ginagalit at inuudyukan ng rehimeng Marcos ang China, para pasiklabin ang mga insidente na maaaring idahilan para gamitin ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at US.

Tulad ng isang imperyalistang bully, tumugon ang China sa mga probokasyon sa pamamagitan ng pambobomba ng tubig at mga panghaharang. Ginamit nito ang laki para makaisang panig na ipatupad ang isang dating kasunduan, na ang batayan ay malinaw nang ipinawalang-saysay ng desisyon ng IAT noong 2016. Tigas-ulong tumatanggi ang Chian na kilalanin ang desisyon ito, sa kabila ng isa ito sa pumirma sa UNCLOS. Sa harap ng umiigting na estratehiyang geopulitikal ng US para ikahon at palibutan ito, nagiging sobrang agresibo at hibang ang imperyalistang China sa pagdepensa sa mga interes nito, na niyuyurakan na nito ang mga karapatan sa ekonomya at pantubig ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Dapat papanagutin kapwa ang China at Pilipinas sa ilalim ng rehimeng US-Marcos sa mga mga prinsipyo ng 2002 Code of Conduct. Ang deklarasyon ito, na pinirmahan ng China kasama ang 10 bansa sa ASEAN, ay nagtataguyod sa “mapayapaang pagsasaayos sa mga hidwaan sa pamamagitan ng mapagkaibigang mga konsultasyon at negosasyon ng soberanong mga estadong direktang nasasangkot.”

Nasa interes ng sambayanang Pilipino na igiit ang kagyat na ibaba ang mga tensyon sa West Philippine Sea, at itulak ang mga gubyerno ng China at Pilipinas na aktibong magdayalogo para sa mahinahong plantsahin ang mga hidwaan at pagtatalo alinsunod sa internasyunal na mga batas. Bilang pagpapakita ng kabutihan at pagrespeto sa sambayanang Pilipino, dapat iatras ng China ang kamakailang atas nito na arestuhin ang mga mangingisda sa karagatang saklaw ng Philippine exclusive economic zone.

Dapat kundenahin ng bayan ang rehimeng Marcos sa pagtutulak ng gera bilang instrumento ng pambansang patakaran. Dapat nilang tutulan ang mga patakaran ng rehimeng Marcos na nagsisilbi sa estratehiyang geopulitikal ng imperyalistang US para paigtingin ang tensyon sa West Philippine Sea at South China Sea para magsilbing alibi sa pagpaparami ng presensyang militar ng US at papapaigting ng panghihimasok militar sa Pilipinas at sa rehiyon.

Dapat nilang igiit ang paglalansag sa lahat ng base militar ng US at pagtatanggal sa lahat ng armas ng US sa Pilipinas na malalaking balakid sa layuning magkamit ng kapayapaan sa Pilipinas at sa buong rehiyon.

______
[1]
Noong 2013, nilaman ng mga balita ang pahayag ng kalihim sa depensa ni Aquino na si Voltaire Gazmin na nagsasabing “Hindi namin lalabagin ang kasunduang hindi magtatayo ng bagong mga struktura. Sinabi namin sa kanila na magdadala lamang kami ng mga suplay para sa aming mga tropa doon, tulad ng tubig, pagkain.”

Labanan ang sulsol-ng-US na pang-uupat ng at pag-uudyok ni Marcos ng gera