Sa Okasyon ng Ika-53 Anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan Labanan at Biguin ang Pinal na Opensiba ng Kontra-Rebolusyonaryong Gera ng Rehimeng Duterte! Digmang Bayan—Sagot sa Terorismo ng Pasistang Estado!

,

 

Download here: PDF | EPUB | HTML

Kasama at kakapit-bisig ng nakikibakang sambayanang Pilipino, mahigpit na nakikiisa at taas-kamaong nagpupugay ang Partido sa Timog Katagalugan sa Bagong Hukbong Bayan at sa pagdiriwang ng maningning na ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag nito. Pinagpupugayan ng Partido ang lahat ng mga Pulang kumander at mandirigma, mga kasapi ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng masang anakpawis, mga organo ng Pulang kapangyarihang pampulitika ng mamamayan sa mga larangang gerilya at sa lahat ng mga positibong pwersa’t kaalyado ng rebolusyon. Sama-sama nating ipagdiwang ang dakilang araw na ito na puno ng rebolusyonaryong optimismo na pangibabawan ang mga balakid at kahirapan at dalhin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa bago at mas mataas na antas at yugto.

Ating gunitain ang magiting na alaala at dakilang buhay ng mga martir ng rebolusyon na walang pag-iimbot na inialay ang kanilang buhay para sa matayog na simulain ng pambansang demokrasya at sosyalismo. Iginagawad ng KRTK ang natatanging parangal kina Ka Oris (Jorge Madlos), Ka Nars (Julius Giron), Ka Jude/Bok (Menandro Villanueva), Ka Manlimbasog/Susing (Antonio Cabanatan), Ka Plebe/Fiel (Eugenia Magpantay), Ka Omar/Badul (Abdias Guadiana), Ka Boy (Agaton Topacio), Ka Yuni (Rosalino Canubas), Ka Randall Echanis at Ka Fidel Agcaoili at sa lahat na naglingkod para isulong hanggang sa tagumpay ang bagong demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas.

Pinakamataas na parangal ang iginagawad sa lahat ng mga bayani at martir ng rebolusyon sa Timog Katagalugan. Partikular sa nakaraang dalawang taon, pinagpupugayan ng KRTK ang mga martir na kagawad ng namumunong komite sa rehiyon na sina Ka Monte (Ermin Bellen), Ka Eboy/Nato (Bonifacio Magramo), Ka Tenan (Mario Caraig), Ka Rise (Charity Diño) at Ka Bernie (Lowel Riza Mendoza). Hindi masusukat ni matatawaran ang kanilang naging ambag sa mga pagsulong ng rebolusyon sa Timog Katagalugan.

Panatilihin nating buhay ang diwa at alaala ng mga martir ng Palawan na sina Ka Naya (Andrea Rosal), Ka Selnon (Noli Siasico), Ka Orya/Lemon (Rona Jane Manalo), Antonio Molina, Ka RG (Jay-ar Sento) at Ka Azumi (Remil Padilla Rodriguez); mga martir ng Rizal na sina Ka Pancho (Jose Villahermosa), Lucio “Bisaya” Simporoso, Ka Cely (Noel “Bai” Levanta), Wesley Obmerga, Vilma Salabao, Carlito Simon, Jonathan Alberga at Niño Alberga; mga martir ng Sierra Madre/Laguna-Quezon na sina Ka Termo (Dioscorro Cello), Ka Omar (Alex Perdeguerra), Ka Danny (Reynaldo Masinas), Ka Warly (Emenirito Pinza), Ka Meñaly/Bfar (Romy Candor), Ka Billy (Cristina Estocado) at Ka Omar (Cristopher Buton); mga martir ng South Quezon-Bondoc Peninsula na sina Ka Marwin (Ronel Batarlo), Ka Resty (Eduardo Torrenueva), Ka Eleven (Fernando Anda Jr.) at Ka Goma (Roderick Sinas); martir ng Batangas na si Ka Reniel (Edrian Baez); at mga martir ng Mindoro na sina Ka Farah (Lorelyn Saligumba), Ka Poldo (Dario Almonte), Ka Jake/Morgan (Reagan dela Calsada), Ka Analyn (Irene Yam-ay), Ka Jimer (Kook Mabugay), Ka Geron/Guiller (Elvis Celis), Ka Pia (Justine Vargas), Ka Kira (Queenie Daraman), Ka Edson (Cherry Velasco) at Ka Nick (Felimon Carabido); Ka Pado (Romar Orosa); Ka Noni (Nonoy Ambad); Ka Zander (Junior Mercado); Ka Wally (Mervin Malucon); Ka Gabi (Lito Buyayao Mogmog); Ka 25 (Rodel Panado Delos Santos); Ka Eldon (Banong Bandayan); Ka Jorel (Elmar Morillo); Ka Brian (Jason Tuberos Merciales) at Ka Alwyn; at ng pinakahuling martir ng Polillo, Hilagang Quezon na si Ka Facio (Kevin Castro).

Gawin nating inspirasyon at huwaran ang kanilang mapagsakripisyong buhay. Papag-alabin natin sa ating mga puso at isipan ang kanilang kagitingan at kawalang-takot sa ultimong sakripisyo. Dakila ang kanilang buhay na inialay para sa interes ng masang api’t pinagsasamantalahan at sa paglilingkod sa sambayanan.

Buo ang kapasyahan ng mga rebolusyonaryong Pilipino na isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan na pinamumunuan ng PKP hanggang sa tagumpay. Sinusuportahan nila ang inilulunsad na matagalang digmang bayan ng Bagong Hukbong Bayan. Ang kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunang sa Pilipinas ang lumilikha ng permanenteng kundisyon para magrebolusyon ang mamamayan at hangaríng ibagsak ang naghaharing malalaking burgesyang kumprador, asendero at mga galamay nilang burukratang kapitalista.

Ang pamalagiang rebolusyonaryong sitwasyon na umiiral sa Pilipinas ang obhetibong salik sa paglaki at paglakas ng BHB mula sa pinagsimulang 65 na Pulang kumander at mandirigma na nasasandatahan lamang ng 35 armas at 9 na ripleng awtomatik nang itinatag ito sa ikalawang distrito ng Tarlac noong Marso 29, 1969. Ngayon, malayung-malayo na sa pinagsimulan ang BHB. Nakalatag ang mga de-ripleng kumpanya at platun nito sa mahigit na 100 sona at larangang gerilya sa 74 ng 81 probinsya ng bansa.

Samantala, ibayong mas masahol ang sistemikong krisis ng kapitalismo sa buong mundo. Higit pang sumadsad ang dati nang nasa matagalang resesyon at depresyon na mga ekonomiya sa mga bansang industriyalisado, bagong nag-iindustriyalisa at mahihirap na bansang nasa Ikatlong Daigdig bunsod ng kapitalistang krisis ng labis na produksyon, papataas na pinansyalisasyon at labis na pagkaganid sa tubò ng monopolyong burgesya at mga oligarkiya sa pinansya. Ganito ang kalagayan nang tumama at manalasa ang pandemyang Covid-19 na halos lumumpo at nagparalisa sa buong ekonomiya ng mundo. Pinasiklab nito ang panglipunang ligalig, ga-higanteng mga protesta’t demonstrasyon ng proletaryado at mamamayan sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Nahaharap ngayon ang buong mundo sa panibagong pandaigdig na kaguluhan resulta ng gera at pananalakay ng Russia sa Ukraine. Ang gerang ito ay inudyukan at kulminasyon ng tuloy-tuloy na pasilangang pagpapalawak ng US at NATO[1] hanggang sa tarangkahan ng mga bansang nakapalibot sa Russia—isang proseso na nagsimula pa noong dekada 1990 pagkaraang gumuho ang dating Unyon Sobyet at napatalsik ng mga protesta’t pag-aalsang bayan ang mga rebisyunistang rehimen na kabilang sa Warsaw Pact[2].

Malinaw ang kagyat na panganib at banta sa mamamayan ng daigdig na lumigwak ang gerang ito sa labas ng hangganan ng Ukraine o mauwi sa isang limitadong gerang proxy sa pagitan ng US at NATO (North Atlantic Treaty Organization) sa isang panig, at Russia sa kabilang panig. Higit na magiging malawak, malalim at matagalan ang epekto nito sa mabilis na pagsahol ng krisis ng pandaigdigang sistema ng monopolyo-kapitalismo at sa mga ekonomiya na sinalanta ng pandemyang Covid-19.

Sa Pilipinas, higit na paborable ang kalagayan para sa pagsulong ng rebolusyon. Hindi na matiis ng mamamayang Pilipino ang grabeng pahirap, brutalidad at pagsasamantala ng rehimeng Duterte at ng lokal na naghaharing malalaking burgesyang kumprador, asendero at mga burukratang kapitalista. Marubdob na naghahangad ang malawak na masang anakpawis ng tunay na panlipunang pagbabago at hustisyang panlipunan. Paparami sa kanila ang naghahanap ng radikal na solusyon sa isinusulong na armadong pakikibaka ng PKP at Bagong Hukbong Bayan. Malaki ang hamon sa Partido, Hukbo at mga rebolusyonaryong Pilipino na pamunuan ang masa at ilunsad ang mga opensiba sa lahat ng aspeto ng rebolusyonaryong gawain.

I. Malubhang krisis ng imperyalismo ang ugat ng pagsiklab ng gera sa Ukraine

Walang kasing talim ang pag-igting ng lahat ng mayor na kontradiksyon sa pandaigdigang kapitalistang sistema. Ang mga ito ay sa pagitan ng masugid na magkaribal na imperyalistang US at China; sa pagitan ng mga tradisyunal at bagong mga imperyalistang kapangyarihan; sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at aping mga mamamayan at sambayanan; sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga estadong naggigiit ng pambansang kasarinlan at sosyalistang aspirasyon; at sa pagitan ng monopolyong burgesya at ng proletaryado sa mga imperyalistang bansa[3].

Sa pagpasok ng dalawang bagong imperyalistang kapangyarihan sa lumang sirkulo ng mga imperyalista, lalong pinag-ibayo ang krisis ng labis na produksyon at mga inter-imperyalistang kontradiksyon. Mas malubha kaysa dati ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Sa pagkadagdag ng Russia at China, mas tumalim at mabilis sumiklab ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan.

Mula sa pagiging malapit na magkaalyado sa pagtataguyod ng neoliberal na patakaran ng imperyalistang globalisasyon, naging masugid na magkaribal ang US at China para sa dominasyon ng daigdig matapos mapansin ng US ang estratehikong pagdausdos nito noong ikalawang dekada ng ika-21 siglo at ang estratehikong paglakas naman ng ekonomiya at kapabilidad-militar ng China.

Samantala, napanatili ng Russia ang katayuan bilang mayor na nuclear superpower kahit matapos gumuho ang Unyong Sobyet noong 1991 at nagbagsakan ang mga rebisyunistang rehimen sa ilalim ng Warsaw Pact. At kahit natapos na ang Cold War sa pagitan ng US at dating Unyon Sobyet, sinamantala ng US at NATO ang paghina ng Russia para magpalawak pasilangan, mag-upat ng mga kaguluhang sibil sa mga rebisyunistang bansa na kabilang sa dating Warsaw Pact upang sipain ang mga naghaharing rebisyunistang partido. Sinulsulan ng US at NATO ang mga kaguluhan at mga gerang sibil at etniko sa mga bansa sa Balkan[4], naglunsad ng gerang agresyon sa Yugoslavia at pinaypayan ang paglakas ng sosyal-sobinismo[5], etnosentrismo[6] at jingoismo[7] upang pahinain at pagwatak-watakin ang dating Federal Republic of Yugoslavia sa pitong nagsasariling mga bansa—Croatia, Bosnia at Herzegovina, Serbia, Montenegro, Macedonia, Slovenia at Kosovo.

Ang pasilangang pagpapalawak ng US at NATO hanggang sa tarangkahan ng Russia ang ikalimang bugso na ng hegemonyang ekspansyon nito sapul dekada 1990. Sa pagtatapos ng Cold War, kusang nilansag ng Russia ang Warsaw Pact sa ilalim ng kasunduang Minsk ng 1991 kapalit ng garantiya na hindi magpapalawak ang US at NATO sa Silangang Europa. Subalit sa panahon ni Bill Clinton, inimbitahan nito ang Poland, Czech Republic at Hungary na sumama sa alyansa at noong 1998 inaprubahan ng Senado ng US ang pagdaragdag sa tatlong bansang ito sa NATO.

Sa kabila ng pag-aalma ng Russia, ipinagpatuloy ng US at NATO ang agresibong pagpapalawak sa tatlong Baltic Republic ng Estonia, Latvia at Lithuania—mga republikang dating nasa saklaw ng impluwensya ng Russia at kagyat na nasa loob ng mismong tarangkahan ng sonang pangseguridad ng Russia. Patuloy pang gumawa ng probokasyon ang US sa panahon ni George W. Bush nang isara ang kasunduan sa gubyernong Romania at Bulgaria hinggil sa rigodon ng mga tropang US at NATO sa mga base militar ng mga bansang ito.

Ang pakikialam ng gubyernong Obama sa panloob na usaping pampulitika sa Ukraine noong 2013 at 2014 para tulungan ang mga demonstrador na patalsikin sa isang kudeta si Viktor Yanukovych, ang halal na pangulo ng Ukraine na panig sa Russia ang lumagot sa pisi ng pagtitimpi ni Putin. Matapos manalo sa referendum noong 2014 ang popular na kagustuhan ng mga taga-Crimea na humiwalay sa Ukraine at sumanib sa Russia, nagpadala ng tropa ang Russia sa Crimea para ipagtanggol ito laban sa pananalakay ng hukbo ng Ukraine. Sinuportahan din ng Russia mula sa pananalakay ng pasistang naghahari sa Ukraine ang mga separatistang pwersa ng Donetsk at Luhansk sa Donbas na mayorya ng populasyon ay mga Ruso at nagdeklara ng kasarinlan at paghihiwalay sa Ukraine. Labis na ikinagalit ni Putin ang di pagpapatupad ng US at Ukraine sa dalawang pinakamahalagang nilalaman ng kasunduang Minsk II ng 2015—ang pagkilala sa awtonomiya ng Donbas at pagtigil sa pasilangang pagpapalawak ng NATO—bilang garantiya sa pagkakaroon ng kapayapaan.

Tuwirang binabantaan ng sunod-sunod na bugso ng papalawak pasilangan ng US at NATO ang seguridad ng Russia at sinisira ang garantiya ng mutwal na seguridad sa hangganan ng mga bansa sa Silangang Europa. Sa kanilang planong ipaloob ang Georgia at Ukraine sa NATO, nais palibutan ng mga base militar ng US at NATO ang hangganang nakaharap sa Russia. Sa ganitong paraan, maidideploy ng US at NATO ang mga misayl na nakatutok sa Russia.

Sa sulsol ng US, ibayong inuudyukan nito ang mga kaalyadong bansa sa NATO na mang-upat ng komprontasyon sa Russia at pinapaypayan ang minanupakturang multo na banta ang Russia sa seguridad ng NATO at sa mga Kanluraning demokrasya. Nasa likod ng imbing layunin ng US na permanenteng lumikha ng kaguluhan upang tuloy-tuloy na palakasin ang produksyon at pagbebenta ng armas at makinabang ang sariling dambuhalang industriyang militar na naapektuhan sa pagkatalo ng US sa gera sa Afghanistan. Dahil sa nilikhang krisis sa Ukraine, naisara ng US ang US$ 6 bilyong kontrata ng pagbebenta ng 250 Abrams tank sa Poland. Bukod pa ito sa US$ 6.5 bilyong kontrata sa pagbili ng 32 F-35 fighter plane at iba pang kasunduan sa pagbili ng mobile rocket artillery systems sa US. Umabot na sa mahigit US$ 1 bilyon ang ayudang militar ng US sa Ukraine para palakasin ang depensa nito at may panibagong alokasyon na US$ 800 milyon ng ayudang militar ang US sa Ukraine nang sumiklab ang gera. Sa isang pahayag ni Senador Kevin McCarthy (R-California), kanyang sinabi na kung naipadala sa Ukraine ang kalahati man lamang ng mga armas at kagamitang militar na iniwan sa Afghanistan dahil sa pagmamadaling lisanin ito ng tropang Amerikano, disin sana ay may matatanggap pang kabayaran ang US mula sa gubyernong Zelensky.

Ang kasalukuyang gera at pananalakay ng Russia sa Ukraine ang rurok ng serye ng mga probokasyon ng US at NATO sa Russia. Ang paggigirian at paligsahan ng mga tradisyunal at bagong imperyalistang kapangyarihan ay ibinunsod ng kumikitid na teritoryo at impluwensya, pinagkukunan ng hilaw na materyal at murang lakas paggawa, at larangan ng pamumuhunan. Sa pamamagitan ng muling paghahati ng mundo sa pagitan ng mga magkakaribal na imperyalista, nais nilang lutasin ang kronikong krisis ng labis na produksyon at ang pangkalahatang pagbagsak ng tantos ng tubò at matagalang depresyon ng pandaigdigang ekonomiya na higit pang sumadsad at sinalanta ng pandemyang Covid-19.

Parehong pinagnanasaan ng US at ng Russia ang Ukraine. Sinusuplayan ng Ukraine ang US ng mahigit sa 90% ng pangangailangan nitong semiconductor-grade neon. Mahalaga ang semiconductor-grade neon sa pagpoproseso ng microchips. Dagdag pa, sinusuplayan naman ng Russia ang US ng 35% ng pangangailangan nito ng palladium, isang rare earth metal na ginagamit sa paglikha ng mga semiconductor. Nakatakdang sirain ng gera ang supply chain ng dati nang kapos na suplay ng semiconductor at computer chips na kailangang-kailangan sa pagdebelop ng teknolohiya sa artificial intelligence para sa iba’t ibang aplikasyon lalo sa produksyon ng mataas na teknolohiyang militar at armas.

Sa isang banda, nagmumula sa Russia ang mahigit 40% ng pangangailangang natural gas ng EU kung saan ang 55% nito ay napupunta sa Germany na pinakamalaking ekonomiya sa EU. Pinakamalaking suplayer din ang Russia ng crude oil at solid fossil fuel sa EU. Malakas na umaasa ang Europe sa suplay ng natural gas, krudo at produktong petrolyo ng Russia. Sinusuplay ng Russia ang apat (4) sa bawat limang (5) bariles ng krudo sa Slovakia at dalawang-katlo nito sa Poland, Lithuania at Finland. Nag-iimport ang UK at Italy ng 12% ng krudo at produktong petrolyo sa Russia habang 4% naman ang Portugal.

May malawak na konsekwensya sa ekonomiya ang pagkaputol o pagkagambala ng suplay ng krudo at produktong petrolyo na mga pundamental na pangangailangan sa produksyon. Ang pagkaputol ng suplay ng natural gas ng Russia sa Europe ay may seryosong epekto sa pag-andar ng mga industriyang nagpoproseso ng pagkain at samu’t saring manupaktura. Itutulak ng matalas na pagsirit ng presyo ng enerhiya ang mabilis na pagtaas ng gastos sa produksyon, presyo ng mga bilihin at gastusin ng karaniwang mamamayan.

Sa pagpasok ng ikawalong araw nang sumiklab ang gera sa Ukraine, nagsara sa $116.59 bawat bariles ang presyo ng Brent crude oil matapos saglit na lumukso sa P119 kada bariles, ang pinakamataas na lebel sapul Hulyo 2014. Samantala, lumukso sa mahigit na 6% tungong $114.21 ang bawat bariles ng US light crude, ang pinakamataas sapul Setyembre 2013. Sa Europe, ang presyo ng natural gas ay pumaimbulog sa paligid ng $360 bawat bariles sa katumbas nitong krudo—isang 60% paglukso sa loob ng isang linggo. Nitong Marso 7, ang presyo ng natural gas ay saglit na pumalo sa 345 euro bawat megawatt-hr na katumbas sa $600 bawat bariles ng krudo. Samantala, sumirit sa pinakamataas na $139 bawat bariles ang Brent crude oil.

Sa ikatlong linggo ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine, panibagong sumipa ang presyo ng krudo sa paligid ng US$130 kada bariles. Tinataya ng mga eksperto na mananatili ang abereyds na presyo bawat bariles ng krudo sa paligid ng US$120 sa buong 2022 at US$100 sa buong 2023. Inaasahan din ng mga pinakamalalaking oil trader na aabot ng US$ 200 bawat bariles ng krudo sa pagtatapos ng 2022, ayon sa Financial Times.

Nagsimula nang maramdaman ng US at Europe ang pagbalandra sa pandaigdig na ekonomya ng ipinataw nilang sanksyon at parusa sa Russia. Sa kabila ng anunsyo ng US at 30 mga alyadong bansa na ilalabas ang 60 milyong bariles mula sa nakaimbak na estratehikong reserba para mag-istable ang presyo sa pandaigdig na pamilihan ng enerhiya, hindi napigilan ang malakas na negatibong reaksyon ng pamilihan ng enerhiya resulta ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine. Kung tutuusin, katumbas lamang ng halaga ng 12-araw na eksport na enerhiya ng Russia ang 60 milyong bariles.

Sinisikap ng US na gawan ng remedyo ang biglang pagliit ng suplay ng krudo at mga produktong petrolyo sa daigdig dulot ng ipinataw na sanksyon sa Russia. Subalit hindi basta madaling punuan ang produksyon ng Russia na 7 milyong bariles ng krudo bawat araw at ang mawawalang 3 milyong bariles ng krudo na isinusuplay ng Russia sa mga bansa sa North America at Europe. Kaya naman nagpadala si Biden ng mataas na lebel ng delegasyon sa Venezuela upang ligawan ang gubyernong Maduro na magsuplay ito ng krudo sa Europe sa kabila na pinatawan ng US ng sanksyon ang Venezuela at pinakana nitong ikudeta ang gubyernong Maduro ng maka-Kanang oposisyon at papet nitong si Juan Guaido. Nagsugo din si Biden ng delegasyon sa Saudi Arabia at UAE para kumbinsihing magdagdag ng produksyon ng isa pang milyong bariles ng krudo kada araw mula sa tinarget na produksyon ng OPEC+[8]. Subalit tinanggihan ng Saudi Arabia at UAE ang kahilingan ng US at nanindigan silang ipagpapatuloy ang antas ng produksyon na 400,000 bariles bawat araw na itinakda ng OPEC+.

Samantala, sa pagsasakayan ng mga kaalyadong imperyalista sa karwahe ng US na patawan ng parusa at sanksyon ang Russia, nakikinabang at nagpipiyesta ang mga kumpanya ng US sa nilikhang kakapusan ng suplay ng krudo’t produktong petrolyo at natural gas sa daigdig. Sinasamantala ng mga kumpanya ng gas at oil ng US ang sitwasyon upang ibenta sa mataas na presyo ang shale oil at natural gas sa Europe. Sapul nang sinalakay ng Russia ang Ukraine, nagkamal ng dambuhalang ganansya ang mga monopolyo kapitalista sa US sa industriya ng langis. Nadagdagan ng 10% tungong $239 bilyon ang pinagsamang net worth ng mga malalaking kapitalistang Amerikano sa nasabing industriya. Sa halip na pataasin ang produksyon ng krudo at natural gas sa US upang pababain ang pandaigdigang presyo ng naturang produkto, pinananatili lamang ng mga kumpanyang ito sa dating antas ng produksyon ang kanilang operasyon.

Epekto ng gera sa Ukraine at sanksyon sa Russia, biglang matalas na pumaimbulog ang dati nang tumataas na pandaigdig na presyo ng pagkain nitong 2021 dahil sa mataas na presyo ng enerhiya at pagbabago ng klima. Patuloy pang gigipitin ang mga prodyuser ng pagkain dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing input. Mahigit ng sangkapat ng pandaigdig na eksport ng trigo (wheat) ay nagmumula sa Ukraine at Russia habang ang kalahati ng eksport ng sunflower oil ay nagmumula lamang sa Ukraine. Ang dalawang kalakal na ito ay may mahalagang gamit sa mga produktong pagkain. Pangunahing suplayer din ang Russia sa mga mahahalagang sangkap ng fertilizer at ang sanksyon sa pakikipagkalakal sa Russia ay may malubhang epekto sa produksyon ng pagkain.

Lumukso naman sa panibagong rekord ng pagtaas ang implasyon sa 19 na bansa na gumagamit ng euro o Eurozone tungong 5.8%. Tumaas ang gastos sa enerhiya sa taunang tantos na 31.7% pagkaraan ng 28.8% pagtaas noong Enero habang ang presyo ng pagkain at alak ay tumaas ng 4.1% kumpara sa 3.5% nitong Enero.

Ang implasyon sa Germany ay tumaas tungong 5.5% mula sa 5.1% ng Enero habang mas mataas ang naitala sa Italy na 6.2% mula 5.1% at sumirit naman sa Spain tungong 7.5% mula 6.2%. Sa France, naitala ang 4.1% na tantos mula 3.3% noong Enero.

Sa kagyat at matagalan, itutulak ng pumapaimbulog na presyo ng enerhiya ang patuloy na tumataas na implasyon at bumabagsak na produksyon dahil sa lilikhaing kakapusan ng suplay at pagtumal ng pamilihan ng mga kalakal. Magreresulta din ito sa pagtaas ng tantos ng interes. Sa dulo, mahuhulog ang pandaigdigang sistemang kapitalista sa istagplasyon—isang kundisyon ng patuloy na tumataas na implasyon at di lumalagong pandaigdig na ekonomiya.

Kaya doble ang talim ng anumang parusang pang-ekonomiya na ipapataw ng US at mga kaalyado nito laban sa Russia at isang bombang yayanig at babalandara sa mga ekonomiya ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Kamakailan, nagbabala ang IMF ng seryosong konsekwensya sa pandaigdig na ekonomiya ang mataas na implasyon, pagkasira sa supply chain at instabilidad ng presyo sa gitna ng gera sa Ukraine at sanksyon sa Russia. Ikinababahala ng IMF na ang resulta ng pagbagsak ng mga ekonomiya ay maaaring sampung beses na malubha kaysa Malaking Depresyon ng 1930.

Sa pagputok ng gera sa Ukraine, ang kontradiksyon sa pagitan ng US at China na dating nasa sentro ng inter-imperyalistang kontradiksyon ay pansamantalang nalagay sa likuran. Pumagitna ang pagsiklab ng kontradiksyon sa pagitan ng Russia laban sa mga tradisyunal na imperyalistang kapangyarihan (US, UK at EU). Gayunman, nagpapatuloy ang maigting na girian at pagsusukatan ng lakas ng China kontra sa US at mga kaalyadong bansang kasapi ng AUKUS at QUAD (Quadrilateral Security Dialogue) upang sansalain ang agresibong pagpapalawak ng China sa South China Sea at Indo-Pasipiko.

Gumagawa ng probokasyon ang US laban sa China sa patuloy na pag-aarmas sa Taiwan at lansakang nilalabag ang “One-China policy” na nagtuturing sa Taiwan bilang probinsya ng China. Iginigiit ng US ang dominanteng pusisyon sa Indo-Pasipiko sa pakikipagsabwatan sa Quadrilateral Security Dialogue (US, Japan, Australia at India) at sa AUKUS (Australia, UK at US) upang matagalang pahinain ang ekonomiya at bawasan ang kapabilidad sa pulitika ng China.

Sa isang banda, nagbubuo din ng sariling alyansa ang China sa Russia at sa mga dating republikang Sobyet gayundin sa paparaming mga bansa sa pamamagitan ng Shanghai Cooperation Organization (SCO), BRICS, Belt and Road Initiative at Regional Comprehensive Economic Partnership (RECEP).

Ginagamit ng US ang QUAD at AUKUS upang igiit ang kalayaan sa paglalayag at pagpapatrulya sa himpapawid sa South China Sea gayundin sa kahabaan ng Taiwan Strait at East China Sea hanggang Yellow Sea sa South Korea. Kung sa Silangang Europa ang Ukraine ang titis sa pagsiklab ng armadong labanan sa pagitan ng US at NATO at ng Russia, ang Taiwan naman ang titis sa posibleng pagsiklab ng armadong komprontasyon sa pagitan ng China at ng US at sa mga kaalyado nito sa QUAD at AUKUS sa di malayong hinaharap.

Sa pag-igting ng kontradiksyon sa pagitan ng dalawang bagong imperyalistang kapangyarihan (China at Russia) at ng mga tradisyunal na imperyalista (US, UK, EU, Japan, Australia at Canada), lalong pahihirapan ang proletaryado at mamamayan ng daigdig ng mabilis na pagsahol ng mga kundisyon sa pagsasamantala at pang-aapi. Lilikhain ng gera sa Ukraine ang pagkagambala sa labis nang banat na supply chain. Tuwirang banta ito sa buhay at kabuhayan ng maraming mamamayan at ng nagbabadyang humanitarian crisis dulot ng pagdagsa ng aabot na sa mahigit sa tatlong milyong refugees at mga nadislokang sibilyan mula sa Ukraine. Sa partikular, tatamaan nito ang limang esensyal na aspeto ng ekonomiya sa larangan ng enerhiya, pagkain, transportasyon, metal, at microchips.

Ang lumulubhang krisis ng pandaigdigang kapitalistang sistema, global warming na likha ng monopolyo kapitalismo at ang nagpapatuloy na banta ng mga sandatang nukleyar na gugunaw sa sangkatauhan at ng iba pang mapamuksang sandatang kemikal at biological, ang nag-uudyok sa mamamayan na maglunsad ng mga pakikibaka. Nagpapatuloy ang mga imperyalistang kapangyarihan sa paggamit ng neoliberalismo, terorismo ng estado at gerang agresyon laban sa mamamayan. Walang ibang mapagpipilian ang proletaryado at mamamayan kundi maglunsad ng rebolusyon.

Dapat na harapin at gapiin ng proletaryado at mamamayan ng daigdig ang mga imperyalistang kapangyarihan dahil sila ang banta sa kaligtasan at mismong pag-iral ng sangkatauhan. Kailangang ilunsad nila ang mga anti-imperyalista at makauring pakikibaka bilang nasa bag-as ng pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang kasarinlan, demokrasya, ekonomikong pag-unlad at katarungang panlipunan.

Iluluwal ng inter-imperyalistang kontradiksyon ang mga paborableng kundisyon sa muling pagdaluyong ng mga rebolusyonaryong kilusan para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya at sosyalismo. Sa maraming bansa sa daigdig, isinusulong ng proletaryado at mamamayan ang malaganap na mga pakikibaka laban sa imperyalismo at para sa demokrasya. Maaaring maging pasakalye ito sa pagdaluyong ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo.

Positibong makikinabang ang rebolusyong Pilipino sa paborableng obhetibong kalagayan habang kaalinsabay nag-aambag ng ganang makakaya sa pagsulong ng anti-imperyalistang kilusan at mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya sa daigdig.

II. Masahol at maigting na pagsasamantala at panunupil sa gitna ng pagdarahop ng bayan[9]

Sa pagtatapos ng anim (6) na taong paghahari ng pasistang rehimeng Duterte, mamanahin ng sambayanang Pilipino ang isang bangkarote at wasak na ekonomiya na resulta ng maling pamamahala, kabulukan, korapsyon, palyadong mga programa at kriminal na kapabayaan sa paglaban sa pandemyang Covid-19.

Sa ilalim ng kamay-na-bakal na paghahari ni Duterte, ibayo pang naging masahol at malupit ang pagsasamantala at pang-aapi sa masa. Inilunsad nito ang madugong gera laban sa mga mahihirap sa ngalan ng pekeng gera laban sa iligal na droga na kumitil sa may 30,000 suspetsadong mga adik at tulak ng droga sa mga anti-kriminalidad na operasyong ng mga pulis at sa mga inimbentong dahilan na nanlaban. Pinakawalan nito ang malupit na gera laban sa mga rebolusyonaryo sa ngalan ng “gera laban sa terorismo.” Ginamit nitong sandata at binihisan ng pangil ang mga mapanupil na batas at programa upang bantaan, gipitin, tugisin at paslangin ang mga nire-redtag na mga aktibista, progresibo at kritiko sa ngalan ng “anti-komunismo.”

Ipinag-utos ni Duterte ang pagsupil sa mga rebolusyonaryo at mga komunista sa pamamagitan ng Executive Order No. 70 na lumikha sa NTF-ELCAC. Nagsabwatan ang tatlong sangay ng gubyerno—ang Ehekutibo, Lehislatibo at Hudisyal—upang isabatas ang mapanupil na Anti-Terror Law (ATL) at likhain ang kapwa pasistang kawangis nitong Anti-Terror Council (ATC). Masahol pa, binigyan ng konstitusyunal na basbas ng reaksyunaryong Korte Suprema ang ATL at ATC upang damitan ng legalidad ang pasismo at terorismo ng estadong malakolonyal at malapyudal.

Ang rehimeng Duterte ay isang pasista-burukratiko-militar na instrumento ng mga naghaharing uri sa marahas na panunupil sa mamamayan. Nasa tuktok nito ang sibilyan-militar na junta—ang NTF-ELCAC na nakakapangibabaw sa halal na mga upisyal ng reaksyunaryong gubyerno mula pambansa hanggang lokal na antas ng burukrasya. Sa bihis ng burges na demokratikong palamuti, umiiral ang di-deklaradong Batas Militar at tiranya ng pangkating Duterte.

Sa ilalim ng halos anim na taong paghahari ng pasistang rehimen, higit na nabaon sa kumunoy ng kahirapan ang mamamayan. Nalantad ang kainutilan ng rehimeng ito sa palyadong pagharap sa pandemyang Covid-19. Kinamumuhian ng masa ang lansakang kriminal na kapabayaan at pagsalig sa kamay-na-bakal na solusyon para sawatain ang paglaganap ng pandemya. Nagpatupad ito ng malupit na mga lockdown na pinakamahaba sa lahat ng gubyernong nagpatupad nito sa mundo.

Mas masahol pa, sumakay at ginamit na dahilan ng rehimen ang pagkontrol sa pandemya para isagasa ang mapanupil na kautusan at batas laban sa kagustuhan at mga lehitimong protesta ng mamamayan. Tinitiktikan ng rehimen ang mamamayan sa pagpapatupad ng Safe Philippines—isang programa para sa mass surveillance ng populasyon gamit ang mga pisikal na pamamaraan ng network ng mga CCTV na may face recognition at elektronikong paniniktik na itinatago sa layunin ng diumanong pagpapanatili na kaayusan at kaligtasang publiko. Kamakailan lamang ipinasa ng Kongreso ang batas sa SIM card registration para sa mass surveillance. Nilalabag ng batas na ito ang karapatan sa pribasiya ng mamamayan. Nais kontrolin at tiktikan ng estado ang komunikasyon at aktibidad sa internet ng mamamayan. Tunay ang banta at panganib na makumpromiso ang pagkikilanlan at iba pang pribado’t personal na impormasyon ng mga indibidwal na mamamayan at gamitin itong sandata ng estado para gipitin at patahimikin ang mga kritiko at oposisyon.

Sa kanayunan, ang pagpapatupad ng mga lockdown at paghihigpit ay nakaugnay sa pagpapatupad ng malupit at marahas na mga operasyong militar upang limitahan ang galaw ng populasyon at daloy ng mga pagkain sa mga lugar na prayoridad ng kanilang focused military operation (FMO). Walang awat na nagsasagawa ang mga pasistang kriminal ng mga karumal-dumal na krimen at paglabag sa karapatang-tao ng mga sibilyan tuwing naglulunsad ito ng mga operasyong militar. Walang pakundang nilalabag nito ang internasyunal na tuntunin ng Geneva Conventions ng UN na sumasaklaw sa mga gera sibil. Nagsasagawa ito ng walang-piling panganganyon, pambobomba at pagmasinggan mula sa himpapawid upang sapilitang palikasin ang mga magsasaka at katutubo. Hinahadlangan ng mga mersenaryong AFP at PNP ang pagpasok ng rekurso at humanitarian na tulong sa mga sinalanta ng kanilang mga operasyong militar. Nagpapatupad ito ng curfew at nagtatayo ng maraming tsekpoynt upang kontrolin ang galaw ng mamamayan.

Sa kalunsuran, malawakang ipinatupad nito ang maramihan at karumal-dumal na mga pagpatay sa mga aktibista’t progresibo sa pamamagitan ng sabayan at sinkronisadong operasyong SEMPO tulad ng “Bloody Sunday” sa TK noong Marso 7, 2021. Lansakang nakikialam ang militar at NTF-ELCAC sa pag-uunyon ng mga manggagawa at ginigipit ang mga lider ng mga militanteng unyon na sumuko at humiwalay sa sentrong unyon at militanteng mga pederasyon.

Malaking negosyo ng matataas na upisyal ng militar ang sapilitang pagpapasurender sa mga karaniwang sibilyan na ipinaparadang mga sumukong NPA. Sa bawat surrenderee na ipiniprisinta nila sa publiko ay kinukubra ng mga upisyal militar ang P62,000 pabuya. Maraming mga kaso ang paulit-ulit na pagdakip at pagpaparadang mga sumurender na NPA ang parehong mga tao at sa bawat okasyon, tumatabo ng kinulektang pabuya ang mga hayop na pasista habang ilang kilong bigas at piraso ng cup noodles ang naiuuwi ng mga ipinaradang surrenderee. Upang lumikha ng ilusyon na nagwawagi ang rehimen sa kanilang “kontra-insurhensyang programa” at maramihan nang sumusuko ang mga NPA at suporter nito, ginagamit ng AFP at PNP ang pamamahagi ng relip at tulong sa mga apektado ng pandemya at sinalanta ng mga natural na kalamidad upang linlangin ang mamamayan at papirmahin silang mga sumurender.

Ang paglakas ng agos ng pasismo at paglitaw ng mga organisasyong pasista na itinatayo ng NTF-ELCAC ay palatandaan ng napakalubhang krisis ng naghaharing sistema. Hindi na ito makapaghari sa dating paraan ng liberal-burges na mga pagpapanggap. Nagrerekrut ng mga panatikong tagasunod ang mga pasista mula sa atrasadong seksyon ng populasyon at mga anti-sosyal na elemento na madaling silawin ng kinang ng salapi at mga pangakong materyal na pakinabang. Sinasakyan nila ang popular na mga karaingan sa kanilang mga diskurso’t retorika at humahanap ng pagbabalingan ng kanilang masisisi. Paborito nilang tampulan ng sisi ang mga komunista, aktibista at mga progresibong oposisyon gayundin ang mga kriminal, durogista at iba pang latak ng lipunan upang makapagtipon ng mga panatikong tagasunod. Sa ganitong paraan naitatag ni Ferdinand Marcos Sr. ang kanyang diktadurang paghahari. Sa ganito ring paraan umakyat sa kapangyarihan si Duterte at naitatag ang sariling madugong tiranya.

Patuloy na nililikha at iniaanak ng bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas ang pinakamasamang kundisyon ng pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayang Pilipino. Ito ay isang sistemang pinaghaharian ng malalaking burgesyang kumprador, asendero at burukratang kapitalista na wala pang isang porsyento ng populasyon. Sila ang nagsasamantala’t nang-aapi sa malaking mayorya ng populasyon na binubuo ng masang manggagawa, magsasaka, pambansang minorya, maralita sa kanayunan at kalunsuran, kababaihan, kabataan, mga kawani at mga propesyunal na mababa ang kita at ibang saray sa lipunan na nasa maliitang produksyon.

Sa panahon ni Duterte, higit na lumubha ang kawalang trabaho at hanapbuhay ng mamamayan dahil sa ipinatutupad na mga lockdown at walang kapantay na korapsyon. Maramihang mga negosyo ang natigil, nalugi’t napilitang magsara o pansamantalang magtiklop ng operasyon. Lumaganap ang kagutuman dahil sa pagkawala ng hanapbuhay at trabaho ng milyun-milyong mamamayan. Samantala, inutil ang gubyerno sa pagbibigay ng tulong at subsidyo sa mga nawalan ng trabaho at nadisloka ang kabuhayan. Higit pa, kinukurakot ng kriminal na gang ni Duterte at mga tiwaling upisyal sa gubyerno ang tulong at subsidyong para sa mahihirap.

Sa pinakahuling sarbey ng SWS noong Setyembre 2021, 11.9 milyon ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya o katumbas ng 24.8% ng lakas-paggawa sa Pilipinas. Mas lalo pang lumubha ang kalidad ng pamumuhay ng 40% ng mamamayan, ayon pa sa isang sarbey ng SWS noong Disyembre 2021. Mas malaganap ang nararanasang kagutuman sa mga maralitang komunidad sa kalunsuran at sa mga baryong magsasaka’t pamayanan ng mga katutubo sa kanayunan.

Malalim na nakabaon ang Pilipinas sa utang. Noong ikatlong kwarto ng 2021, ang kabuuang utang ng bansa ay umabot na sa P11.92 trilyon o 63% ng inaasahang GDP sa buong taon ng 2021. Ito ay halos dalawang-katlo (2/3) ng lahat ng kikitain ng ekonomiya sa isang taon. Sa inilabas na datos ng Bureau of Treasury (BTr), umakyat na sa P12.03 trilyon ang utang ng bansa nitong Enero 2022: ang P8.37 trilyon nito ay binubuo ng panloob na utang (69.6%) at ang P3.66 trilyon ang bumubuo ng dayuhang utang (30.4%). Tinataya na sa pagbabâ ni Duterte sa kapangyarihan sa Hunyo 2022, lalampasan nito ang P13 trilyon marka ng pambansang utang. Nakatakda pang umutang nang panibagong P2.2 trilyon ang bansa sa buong taon kaya inaasahang aabot na sa panibagong rekord na P13.42 trilyon ang pambansang utang sa pagtatapos ng 2022.

Sa lahat ng naging presidente, si Duterte ang sugapang mangungutang. Sa nagdaang dalawang taon, lumaki ang utang ng bansa nang mahigit sa kalahati o 55%, mula 7.7 trilyon noong 2019 o 39.6% ng kabuuang P19.5 trilyong GDP. Ginawang dahilan ng papalaking utang ang gastos ng gubyerno sa pagharap sa pandemyang Covid-19 samantalang ayon sa pag-aaral ng Ibon Foundation, mula sa kabuuang P5.3T na nautang sa nakaraang dalawang taon, P570B lamang ang ginugol ng gubyerno para sa Covid Response. Hamak na mas malaki ng maraming beses ang ginastos sa imprastruktura na P1.8T at P2.17T para sa pagbabayad ng interes sa utang o debt servicing. Para makabayad sa utang, kailangang paulit-ulit na mangutang ang gubyerno nang walang katapusan. Kailangan ding patuloy na pigain ang mamamayan sa pagpataw ng papalaking buwis upang punuan ang pagkalugi sa kalakalan at sa kapos na badyet ng gubyerno. Sa taong 2021, umabot ang depisito sa badyet sa P1.67 trilyon o katumbas ng 8.6% ng taunang GDP.

Sa pagtaas ng pandaigdigang presyo ng krudo at mga produktong petrolyo gayundin ng mga iniimport na kalakal ng bansa, lumaki ang nalugi nito sa kalakalan. Tumaas ng 36.8% ang binayaran ng Pilipinas sa mga iniimport na produkto sa rekord na US$10.98 bilyon kumpara sa eksport na lumaki lamang ng 6.6% tungong US$6.27 bilyon[10]. Kaya ang nalugi ng Pilipinas sa kalakalan ay umabot sa US$ 4.71 bilyon noong Nobyembre 2021 kumpara sa US$ 2.14 bilyon ng sinundang taon. Kaya kahit ang ipinagmamalaki ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na sarplas sa balanse ng bayaran na US$ 1.7 bilyon o 0.4% ng GDP nitong 2021 ay nakatakdang mapalis sa pagtatapos ng 2022. Sa estimeyt ng ANZ Research, ang depisit o pagkalugi ng balanse sa bayaran ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2022 ay aabot ng US$ 6.7 bilyon (1.6% ng GDP).

Sa gitna ng pagdarahop ng mamamayan, ninanakaw ng kriminal na gang ni Duterte ang pondong nakalaan para sa pagsugpo sa Covid-19. Bilyun-bilyong pondo ang kinulimbat ng mga sindikato sa DOH, DILG, DSWD, DPWH, PS-DBM, IATF at NTF-ELCAC. Sa mga nabunyag na maanomalyang transaksyon sa gubyerno, laging presente ang kamay ng mga galamay ni Duterte. Si Duterte mismo at ang nasa maliit nyang sirkulo ay lahat may kaduda-dudang koneksyon sa mga kriminal at iligal na operasyon. Mula sa isang sindikatong grupo na limitado ang operasyon sa Davao City, naging isang pambansang organisasyon ang Davao Death Squad (DDS) nang maging presidente si Duterte. Naging pinakamalaking kriminal na gang at organisasyon ng mga mamamatay-tao ang DDS na imbwelto sa mga operasyong gun-for-hire, ismagling ng iligal na droga, money laundering, at proteksyon ng iligal na mga pasugalan at prostitusyon. Ginantimpalaan ni Duterte ng mahahalagang katungkulan sa kanyang gubyerno ang mga utak at tirador ng DDS tulad ni Bong Go (senador), Bato dela Rosa (PNP chief at senador), Isidro Lapeña (PDEA, Bureau of Customs at TESDA) at Debold Sinas (NCRPO, PNP Chief at Malacañang undersecretary) kung magbabanggit ng ilan.

Sa bisperas ng paglubog ng araw kay Duterte, haharapin ng bansa sa Mayo ang maigting na paligsahang elektoral sa pagitan ng iba’t ibang paksyon ng naghaharing-uri na ipipresenta ang mga sarili bilang bagong kinatawan na aapi at magsasamantala sa mamamayan.

Sa mga tumatakbong kandidatong presidente at bise presidente, ang tambalang Leni-Kiko ang kumakatawan sa kredibleng oposisyon laban sa tiraniya ni Duterte. May tsansa itong talunin ang manok ng pasistang nakaupo sa Malakanyang. Ang pagsasama-sama ng mga ligal na pwersang demokratiko, makabayan at ng konserbatibong oposisyong anti-Duterte sa likod ng kandidatura ng tambalang Leni-Kiko ay higit na nagpapataas ng tsansa na manalo ito sa eleksyon sa Mayo laban sa pinapaburang kandidato ni Duterte. Tama lamang na suportahan ng mga makabayan at demokratikong pwersa ang tambalang Leni-Kiko sa taktikal na laban para hadlangang makabalik sa kapangyarihan ang kinatawan ng dalawang masibang angkan na pamosong mga mangungulimbat, korap, pasista at papet ng US na kinakatawan ng tambalang Marcos-Duterte.

Nasa interes ni Duterte na dayain ang eleksyon sa Mayo 2022 sa pamamagitan ng terorismo at manipulasyon ng boto. Sa kabila ng mga palipad-hangin at pintas nya sa kakayahan ni Bongbong Marcos, malinaw na nasa tambalang Bongbong Marcos-Sara Duterte-Carpio nakataya ang kanyang suporta para ilusot ang kanilang panalo sa paraan ng malawakang pandaraya at terorismo—at sa ganun, makaiwas siya sa pag-uusig ng ICC at patuloy na mapalawig ang paghahari-harian ng kanyang angkan at ng mga Marcos.

Nagpakawala din si Duterte ng mga pekeng oposisyunistang kandidato para basagin at biyakin ang boto ng tambalang Leni-Kiko at ng mga kandidato ng mga makabayan at demokratikong organisasyon. Sa mga pakawalang kandidatong ito, si Lacson ang pinakamasugid na anti-komunista at garapalan sa pagre-redtag sa mga progresibong kandidato at kandidato ng konserbatibong oposisyong anti-Duterte. Nakikipagkoro siya sa linyang anti-komunista at anti-teror ng NTF-ELCAC. Ang linyang ito ay malaon nang ginamit ng mga propagandista ni Hitler sa Nazi Germany at ng mga pasistang kilusan sa mga nagsulputang diktadurang rehimen sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Kabaligtaran ng ipinapakita ng mga kontrolado at binayarang sarbey at sa nais mangyari ni Duterte, papalaki ang bilang ng sumusuporta sa tambalang Leni-Kiko. Dinadagsa ng tao at humuhugos ang puo-puong libo ng mga dumadalong suporter sa mga campaign sorties ng tambalang Leni-Kiko. Pagpapakita ito ng malaking disgusto at pagkasuklam ng mamamayan sa anim na taong tiranya at madugong paghahari ng rehimeng Duterte at ng kanilang malawak na kahilingang itakwil ang tiranyang ito.

Malaon nang nakapwesto ang makinarya sa pandaraya tulad ng ginawang pagdaya ni Duterte sa eleksyon ng 2019 upang palusutin ang mga kaalyadong kandidato nito sa Senado at Kamara. Ngayon pa lamang, ikinukundisyon na ang isip at opinyong publiko ng konsistenteng pangunguna ng tambalang Marcos-Duterte sa mga kontrolado at pekeng sarbey bilang pasakalye sa gagawing malawakang pandaraya.

Kontrolado ni Duterte ang Comelec at kopo ng kroni niyang si Dennis Uy ang kontrata sa Comelec para sa de-kompyuter na pagbibilang ng boto, pagbyahe at pag-iimbak ng mga materyal at election returns. Kontrolado rin ni Duterte ang militar at pulisya at ang nakararami sa mga lokal na ehekutibo para gamitin sa terorismo at pandaraya.

Ang madaling pagbasura ng Comelec sa mga kaso ng diskwalipikasyon at kanselasyon ng COC ni Bongbong Marcos batay sa kwestiyonable, pilipit at baluktot na mga lohika’t argumento ng una at ikalawang dibisyon ng Comelec ay salaminan kung paano iniimpluwensyahan at binubusog ng pabuya ng mga Marcos at Duterte ang Comelec para ibasura ang kaso ng diskwalipikasyon kay Marcos Jr. gaano man ito kagarapal at kasamâ sa pagtingin ng opinyong publiko.

Nalalagay sa malaking kwestiyon at pagdududa ang integridad ng Comelec. Sa pagtatalaga ni Duterte kay Saidamin Pangarungan bilang ad interim chairman at kina Atty. George Garcia, dating abogado ni Bongbong Marcos at DSWD Usec. Aimee Torrefranca-Neri— bilang mga komisyuner ng Comelec dalawang buwan bago ang eleksyon—tinitiyak ni Duterte na hawak nya sa leeg ang Comelec. Kamakailan lamang, nabunyag ang pagkakasangkot ni Torrefranca-Neri sa ekstorsyon at bilang fixer nang assistant secretary pa lamang siya ng DOJ.

Sa kalagayang pawang hirang ni Duterte ang lahat ng mga komisyuner ng Comelec, wala nang hahadlang para tuluyang ibasura ng Comelec en banc ang apela laban sa paborableng desisyon ng una at ikalawang dibisyon nito sa diskwalipikasyon at kanselasyon ng COC ni Marcos Jr. Bahagi rin ito ng maitim na iskemang lutuin ang resulta ng eleksyon pabor sa tambalang BBM-Sara. Lalong nagiging malinaw ang pakanang manipulahin ang resulta ng eleksyon sa pagkakabunyag na nakuha at nakumpromiso ang may 60 gigabytes ng impormasyon ng Smartmatic na naglalaman ng mga impormasyon sa mga botante, IP address, listahan ng mga password, akses sa dashboard ng paghawak sa mga balota, QR code ng bureau of canvassers kasama ang mga login at password, listahan ng mga privileged user, credential ng mga domain admin, at iba pa.

Samantala, may sari-sariling ginagawang maniubra ang US at China upang impluwensyahan at makialam sa eleksyon sa pamamagitan ng kanilang embahada sa Pilipinas. Kapwa sila nag-aalaga ng paksyon sa hanay ng naghaharing-uri at tumataya sa mayor na mga kandidatong magkakalaban. Pinadadaloy ng mga ahente ng US at China ang pag-impluwensya sa eleksyon sa pamamagitan ng kanilang koneksyon sa malalaking negosyo at sa mga partner na malalaking burgesyang kumprador at burukrata. May susing papel ang Pilipinas sa pagpapalakas ng geopulitikal na kontrol sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS), alinman sa panig ng US o China, sa kung kaninong papet ang uupo sa Malakanyang.

Sa isang banda, ang iba’t ibang kandidatong presidente, bise presidente at senador ay ipinararamdam kung saan sila nakakiling na imperyalistang patron sa pagbabandera ng sari-sariling tindig sa usapin ng sigalot sa WPS, VFA at EDCA, neoliberalismo, pagtanggal sa Konstitusyunal na restriksyon sa pag-aari ng mga dayuhan sa mga lokal na negosyo at iba pang usapin sa ekonomiya, pulitika, militar at diplomatikong relasyon. Lahat sila’y naglalangis ng suporta mula sa dalawang magkaribal na imperyalista.

Ang Partido at rebolusyonaryong kilusan ay hindi iniaasa ang katuparan ng mga pundamental na kahilingang pambansa at demokratiko ng sambayanang Pilipino sa magiging resulta ng reaksyunaryong eleksyon. Ang mga eleksyon sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema ay hungkag, di-demokratiko at walang kwenta. Kasangkapan ito ng mga lokal na naghaharing uri para linlangin at paasahin ang masa ng sambayanan na may magaganap na substansyal na pagbuti sa kanilang kalagayan. Instrumento ito sa paglikha ng isang ilusyon na umiiral ang malusog na demokrasya sa bansa at nasa kamay ng mamamayan ang kapangyarihang piliin ang iluluklok sa kapangyarihan. Subalit sa esensya, ang reaksyunaryong eleksyon ay proseso para piliin ang bagong paksyon ng naghaharing uri na aapi at magsasamantala sa kanila.

Anuman ang kahihinatnan ng burges at reaksyunaryong eleksyon, patuloy na isusulong ng Partido at BHB ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at matagalang digmang bayan upang wakasan ang terorismo ng estado ng lokal na naghaharing malalaking burgesyang kumprador, asendero’t burukrata-kapitalista. Ang Demokrasyang Bayan na itatatag sa ganap na tagumpay ng DRB ang tunay na magkakaloob ng ganap na kapangyarihan at demokrasya sa pinakamaraming bilang ng populasyon—ng masang anakpawis at iba pang demokratikong uri—laban sa mga pagtatangkang manumbalik sa kapangyarihan ang mga ibinagsak na naghaharing uri’t mga tirano sa ating bayan.

III. Mga tagumpay, pagsulong at hamon para sa pag-igpaw ng rebolusyon sa bago at mataas na yugto

Sa nakalipas na mahigit limang (5) dekada, ang namumukod-tanging tagumpay ng Partido sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino ay ang paglalapat ng unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas at sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. Malaking tagumpay ang muling pagkakatatag ng Partido sa balangkas ng linyang anti-rebisyunista ng MLM. Matatag na nanindigan at nilabanan ng Partido ang malakas na opensiba sa ideolohiya ng mga imperyalista at pagkakanulo ng mga makabagong rebisyunista’t mga naglandas-na-kapitalista sa dating Unyon Sobyet at China. Sa gabay ng MLM at mga aral ng IDKP, muling pinagtibay ang mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo ng Partido, ipinagtanggol ang mga tagumpay ng Rebolusyong Oktubre at sosyalistang konstruksyon sa Unyon Sobyet sa ilalim ng pamumuno ng dakilang Lenin at Stalin at ang mga tagumpay ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura sa China sa ilalim ni Mao Zedong.

Sa pamumuno ng Partido, nagkaroon ng pambansang anyo ang MLM. Lumakas at patuloy na lumawak ang kasapian ng Partido sa buong bansa at umugat sa hanay ng masang anakpawis at iba pang demokratikong uri sa lipunang Pilipino.

Matagumpay na itinaguyod at ipinatupad ng Partido ang programa ng pambansang demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Pinatunayan ng Partido ang sarili bilang abanteng destakamento ng proletaryado at namumuno sa buong sambayanan sa rebolusyon. Matagumpay nitong pinukaw, inorganisa at pinakilos ang milyun-milyong Pilipino sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka at pambansang nagkakaisang prente.

Sa proseso, nag-ambag ito sa kabang yaman ng MLM kung paano ilalapat ang Maoistang teorya ng matagalang digmang bayan sa isang kapuluang bayan tulad ng Pilipinas na may malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan. Matagumpay nitong binuo ang Bagong Hukbong Bayan sa isang pambansang hukbo na kumikilos sa humigit-kumulang sa 90% ng mga probinsya ng Pilipinas at sumasaklaw sa mahigit 100 mga sona at larangang gerilya.

Nang walang inaasahang signipikanteng tulong mula sa labas ng bansa at humaharap sa malaking disbentahe na hinihiwalay ang Pilipinas ng malawak na karagatan sa iba pang mapagkaibigang bansa at kilusan, pinanatili ng Partido at rebolusyong Pilipino ang mataas na antas ng pag-asa-sa-sarili. Nagkamit ito ng malalaking pagsulong at patuloy na nakapagpalakas sa gitna ng estratehikong pag-atras ng pandaigdig na proletaryong rebolusyon bunga ng rebisyunistang pagtataksil at sa kundisyon na walang nagaganap na gerang inter-imperyalista.

Sa Timog Katagalugan, magiting na binibigo ng Bagong Hukbong Bayan ang maigting na pananalakay ng mersenaryong AFP at PNP sa lahat ng mga sona’t larangang gerilya ng rehiyon. Ang rehiyong TK ang nangungunang pokus at prayoridad ng kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng Duterte. Sa pagdagdag ng buong batalyon ng 68th IBPA mula Basilan at isang kumpanya ng 70th IBPA mula Gitnang Luzon, hinaharap ng mga yunit ng hukbong bayan ang humigit-kumulang sa 21 ng kabuuang 24 na lakas batalyon ng pinagsamang pwersang pangkombat ng AFP at PNP na nakadeploy sa rehiyon. Sa mga rehiyon sa buong bansa, nasa TK nakadeploy ang pinakamalaking pwersang pangkombat ng AFP at PNP. Dahil sa labis na kalamangan ng kaaway, nagagawa nitong maglunsad ng halos walang-patlang na mga operasyong militar sa buong taon.

Sa gitna ng walang humpay na mga FMO ng kaaway, patuloy na nagpupunyagi ang mga yunit ng BHB sa pakikidigmang gerilya. Sa harap ng malaking kalamangan ng kaaway sa bilang ng tauhan, kalidad ng mga armas, kagamitang pandigma, rekurso at makabagong teknolohiyang militar, pinatunayan ng maliit at mahinang nasasandatahang mga yunit ng BHB ang superyuridad ng taktikang gerilya na pinaunlad ni Mao at mapanlikhang inilapat sa partikular na kundisyon at tereyn ng ating rehiyon.

Mula 2017 hanggang 2020, nailunsad ng BHB sa rehiyon ang kabuuang 276 na taktikal na opensiba (TO) kung saan ang 52 dito ay mga anihilatibong TO, 196 ang atritibong TO at 28 ang pamamarusa sa mga negosyo ng mga kaaway-sa-uri. Nagtamo ang kaaway ng pinsalang 284 na patay, 261 na sugatan, 2 binihag at 10 napasuko sa labanan habang kinumpiska ang 85 malalakas na kalibreng riple, 74 na mga pistola at maraming kagamitang militar at munisyon. Sa taong 2021, nailunsad ang 23 TO kabilang ang 2 anihilatibo TO, 15 atritibong TO at 6 na pamamarusa. Binigwasan ng kaswalti ang kaaway na 43 patay at 38 sugatan.

Kapuri-puri ang kagitingan at determinasyon ng mga Pulang kumander at mandirigma na pangibabawan ang lahat ng klase ng sakripisyo at kahirapan para biguin ang estratehiyang gradual constriction at pakikidigmang block house ng kaaway. Magiting nilang binibigo ang nakapokus na mga operasyong militar at aktibong nakikipaggitgitan sa mga baryong inuupuan ng mga retooled community support program (RCSP). Maigting nilang nilalabanan at binibigo ang mga ginagawang pagpapasuko ng militar at NTF-ELCAC[11] sa mga karaniwang sibilyan sa ilalim ng programang E-CLIP[12]. Sa bawat siklo ng mga operasyong militar ng kaaway, matamang pinag-aaralan at natututo ang mga kumander at mandirigma ng mahahalagang leksyon mula sa mga karanasan sa paglulunsad ng digmang gerilya. Ibayo nitong napipino at napauunlad ang mga taktikang gerilya.

Masiglang pinag-aaralan at pinapamilyarisa ng mga yunit ng hukbong bayan ang kapabilidad at bulnerabilidad ng makabagong armas at teknolohiyang militar ng kaaway at gumawa ito ng mga pangontrang hakbang upang gawing inutil o mapaliit ang anumang pinsalang maidudulot nito sa ating mga yunit. Hinalawan ng leksyon ang mapapait na karanasan sa ibang rehiyon na ipinalaganap ng pambansang pamunuan na nagdulot ng malaking pinsala sa Partido at Hukbo.

Inaakala ng kaaway na sa paggamit ng walang pilì at walang habas na pagbomba ng FA50, pagkanyon ng howitzer, pag-istraping ng Black Hawk helicopter at paggamit ng mga attack drone ay mahihintakutan at mapipipilan ang hukbong bayan. Walang saysay ang mga modernong sandatang ito sa harap ng determinadong paglaban ng mamamayan at di magagaping diwa ng Bagong Hukbong Bayan. Sa kahuli-hulihan, ang lakas ng mamamayan ang mananaig dahil makatarungan ang rebolusyong isinusulong ng Partido at Hukbo at kinakatawan nito ang pambansa at demokratikong aspirasyon ng sambayanang Pilipino.

Hindi masasaid ang suporta ng malawak na masa sa Partido at BHB dahil isinusulong nito ang pambansa at demokratikong interes ng masang anakpawis at buong sambayanan. Sa nagdaang dalawang taon, matagumpay nating nabawi at nabalikan ang ilang larangang gerilya na pansamantalang naiwanan. Sa mga lugar na ito, laging naghihintay ang ating baseng masa sa muling pagbabalik ng mga yunit ng hukbo at sila ang nagiging puhunan sa pagbawi at panimulang pagpapalawak. Mainit nilang tinatanggap at ikinatutuwa ang muling pagdating ng mga kasama.

Ang mga natipong tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo sa nakaraang mahigit na limang dekada ay malalim na puhunan ng Partido’t Hukbo na patuloy na pahahalagahan ng susunod na mga henerasyon. Libu-libong pamilya ng mga maralitang magsasaka ang nakinabang sa libreng pamamahagi ng lupa sa mga prontera mula sa kinumpiskang lupain ng mga despotikong panginoong maylupa at mga pastuhan. Puo-puong libo pa ang nabiyayaan ng mga pakikibakang antipyudal sa balangkas ng minimum na programa sa reporma sa lupa ng Demokratikong Gubyernong Bayan tulad ng pagpapababa ng upa-sa-lupa, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, pagpawi ng usura, pagpapataas ng presyo ng mga produktong bukid sa linang, pagpapataas ng parte sa ani, pagpapataas ng produksyon at promosyon ng mga simpleng anyo ng kooperasyon at palitan ng lakas-paggawa.

Sa mga lugar na naitatag na ang lokal na mga organo ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan, matagumpay na napawi ang nakawan ng mga hayop, paglalasing, pagsusugal, pagtutulak ng iligal na droga at kriminalidad. Mapayapang nakapamumuhay ang masa at naipagpapatuloy ang mga produktibong aktibidad. Subalit kapag nananalasa ang mga operasyon ng kaaway, nagsimulang magulo ang matiwasay na pamumuhay ng masa.

Sa kabilang banda, kapag nagtagumpay ang kaaway na pansamantalang maitaboy ang hukbong bayan at mahawakan ang isang lugar, muling binabawi ng kaaway ang napagtagumpayan ng kilusang masa sa rebolusyong agraryo at pinanunumbalik muli ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa at mga lokal na tirano. Sa mga lugar kung saan nasugpo na ang mga ito ng hukbo at gubyernong bayan, pinanunumbalik ng kaaway ang iba’t ibang bisyo, sinisira ang pagkakaisa ng masa, lumalaganap ang iligal na droga, pornograpiya at kriminalidad. Ang kaaway ay salot na bawat madapuan nito ay nabubulok.

Sa maraming bahagi ng mga larangang gerilya ng hukbong bayan, tuloy-tuloy na naitataas ang pampulitikang kamalayan ng mamamayan sa usapin ng estado at rebolusyon. Sila mismo ay nagiging bahagi sa pag-ehersisyo ng paggugubyerno sa pamamagitan ng mga lokal na organong pampulitika at binubuo ang lakas sa pulitika sa pamamagitan ng mga itinatayo nilang rebolusyonaryong organisasyon sa hanay ng masang magsasaka, kababaihan, kabataan, pambansang minorya at iba pang maralita sa kanayunan. Sa mga lugar na ito, buhay na buhay ang demokrasyang bayan.

Masalimuot ang landas ng ating pagsulong. Hindi ito tuwid kundi puno ng liko’t ikot, ng mga kabigua’t pag-atras at mumunting pagsulong. Subalit hangga’t nagpapatuloy ang kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas at nananatili ang mga kundisyon ng pagsasamantala at pang-aapi sa lipunan, ang masa ng sambayanan ay patuloy na magnanais magrebolusyon at tatangkilikin ang demokratikong rebolusyong isinusulong ng Partido at BHB.

Ano ang Dapat na Gawin at Paano Tayo Susulong?

Sa nagdaang mahigit sa limang (5) taong paghahari ng rehimeng Duterte, nagkamit ang rebolusyonaryong kilusan sa TK ng maraming tagumpay sa ideolohiya, pulitika, organisasyon at militar. Nagkaroon din tayo ng seryosong mga pinsala at pansamantalang kabiguan lalo sa nakaraang dalawang taon. May signipikanteng tipak ng ating Pulang erya ang pansamantalang nabitiwan at naiwanan bunga ng malakas at sustenidong kampanya ng matagalang pagkubkob at supresyon at bunga na rin ng malalaking tama at pinsala sa hukbong bayan at mga kadre. Samantala, signipikanteng erya din ang ating nabalikan, narekober at napagpalawakan. Nagpapakita ito ng fluidity ng ating digmang bayan at pakikidigmang gerilya na nasa mababang antas pa at humaharap sa maraming ulit na superyor na kalaban sa tauhan, armamento, teknolohiya, organisasyon, rekurso at suportang tinatamasa mula sa mga imperyalistang bansa, lalo ng US at China.

Sa maraming bahagi, nag-oopereyt ang mga pwersang gerilya nang walang matatag na likuran at pirmeng linya ng pinaglalabanan (fixed battle line). Obligadong mag-opereyt ang mga pwersang gerilya nang walang likuran. Ang harapan, tagiliran at likuran ay mga potensyal na battle lines at kung gayun, kailangan nitong umasa sa makilos at malihim na moda ng operasyon, magtatag ng malawak at malalim na ugnayan at pakikipagkaisa sa lokal na populasyon upang itransporma ang malaking estratehikong disbentahe sa taktikal na kalamangan sa larangan ng pulitika at militar.

Kailangang mahigpit na itaguyod ng mga pwersang gerilya at hukbong bayan ang linya ng Partido sa demokratikong rebolusyon at estratehiya ng matagalang digmang bayan. Kailangan ang matatag na pamumuno ng Partido upang hakbang-hakbang na makasulong ang hukbong bayan mula sa maliit at mahina tungo sa malaki at malakas, magtayo ng baseng masa at magtatag ng mga larangan at baseng gerilya, at isulong ang rebolusyong agraryo at mga pakikibakang antipyudal upang pukawin, organisahin at pakilusin ang masang magsasaka na suportahan at itaguyod ang armadong pakikibaka.

Malaon na nating inantisipa na magiging gitgitan, malupit at labis na makilos ang pakikidigmang gerilya sa rehiyon dahil ang paglakas ng armadong pakikibaka sa bahaging ito ng kapuluan ay malaking banta sa estabilidad ng paghahari ng estado ng malalaking burgesyang komprador, malaking panginoong maylupa at burukratang kapitalista.

Ang tanging wastong linya para makapagpunyagi sa matagalang digmang bayan at pakikidigmang gerilya ay paunlarin ang mga estratehikong bahagi ng rehiyon bilang mayor at malalawak na teatro gerilya para sa pagsusulong ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Nangangahulugan ito ng pagtatatag ng laking kumpanyang mga larangang gerilya na magkakatalikuran, magkakaugnay at nagsusuportahan sa mga estratehikong bahagi ng rehiyon na paborable sa pakikidigmang gerilya at ang pagpapaunlad ng mataas na kapasidad ng pag-asa-sa-sarili ng mga pwersang gerilya.

Sa ngayon, kailangang magpunyaging itatag ang 2-3 laking kumpanyang larangang gerilya sa pinaka-estratehikong bahagi ng pinauunlad na tatlong mayor na teatro para sa pakikidigmang gerilya sa rehiyon. Ito ang kailangang abuting latag ng bawat subrehiyon at teatrong gerilya upang maimpluensyahan ang pagbabago ng sitwasyong militar, latag at deployment ng mga batalyon ng kaaway, at magiging kondukta ng kanilang mga FMO sa pangrehiyong saklaw. Ang ganitong latag ay makasasapat para banatin at ikalat nang manipis ang mga kaaway at pigilan itong magpokus sa isang partikular na subrehiyon at teatrong gerilya nang di nagbabayad nang mahal sa iba pang subrehiyon at teatrong gerilya na di prayoridad ng kanilang pokus at pananalakay. Hindi dapat mawala ang tanaw natin sa direksyong ito ng ating mga pagsisikap sa pagpapalakas at pagpapalawak.

Subalit dahil sa katangian ng pagiging malupit, gitgitan, labis na makilos at fluidity ng gera, dadaan tayo sa maraming ikid ng pagsulong, pag-atras at kabiguan, muling pagbawi at pagsulong hanggang ganap na pangingibabaw sa mga balakid at kahirapan. Sapulin ang turo ni Mao na sa pakikidigmang gerilya, higit na mahalaga ang baseng masa at preserbasyon ng mga pwersang gerilya sa proseso ng pakikidigma kaysa paghawak sa teritoryo. Itinatakda ito ng fluidity ng gera sibil sa Pilipinas at pagiging kapuluan nito. Ang mga mabibitiwang teritoryo bunga ng malakas na atake at presensya ng kaaway ay mababawi sa tamang panahon at sa ibang lugar na bagong binubuksan at pinagpapalawakan sa proseso ng hakbang-hakbang na pagpapalakas ng hukbo at pagbubuo ng baseng masa na malawak at malalim.

Sa isang banda, nakabatay ang matatag nating pagsulong sa internal na mga pagsisikap at paborableng pagpihit ng kabuuang rebolusyonaryong pakikibaka sa buong bansa at ng armadong rebolusyon sa iba pang mga rehiyon sa Luson, Kabisayaan at Mindanaw. Hakbang-hakbang na makakatungo ang hukbong bayan mula sa maliit at mahina tungo sa malaki at malakas sa paulit-ulit na paglulunsad ng papadalas na mga taktikal na opensiba na papaigting ang intensidad na bumibigwas sa kaaway ng papalaking kaswalti at kumukumpiska ng paparaming armas mula sa mga pasista.

Sa harap ng mga kalagayang ito, wala tayong ibang mapagpipilian kundi matatag na makibaka, magpunyagi at magpalakas sa gitna ng paglaban. Kailangang itaas natin ang pag-unawa sa teorya at praktika ng digmang bayan sa isang kapuluan tulad ng ating bansa, sapulin ang mga obhetibong batas ng digma at pakikidigmang gerilya sa bawat panahon ng ating pagsulong, pag-aralan ang sitwasyon natin at ng kaaway at paghusayin ang pagtupad sa mga batayang prinsipyo at taktika ng pakikidigmang gerilya sa kundisyon ng ating rehiyon.

Dapat patuloy at mahigpit na hawakan ng BHB ang estratehiya ng matagalang digmang bayan. Sa yugtong nilulutas natin ang mga usapin at suliranin sa pagsulong ng digmang bayan mula gitna tungong abanteng subyugto ng estratehikong depensiba, dapat na patuloy nitong itaguyod ang taktikal na linyang militar na malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya na patuloy na umaani ng papalawak at papalalim na suporta ng masa. Ilunsad ang paparaming mga taktikal na opensiba upang pinsalain at lipulin ang mahina at bulnerableng bahagi ng palalong kaaway at kumpiskahin ang kanilang mga armas at kagamitan. Patamaan sa maraming sugat sa katawan ang kaaway ng mga aksyong atritibo bilang suplementaryo sa mga batayang taktikal na opensiba. Patamaan ng mga ambus ang kanilang komboy at regular na patrulya. Salakayin at pinsalain ang kanilang pagod na pagod na mga tropa na nagsasagawa ng operasyon at panliligalig sa masa.

Dapat na patuloy na palakihin ang mga yunit ng hukbong bayan. Paramihin ang rekrut mula sa hanay ng masang manggagawa, magsasaka, pambansang minorya, kababaihan, kabataan at iba pang maralita sa kanayunan at kalunsuran. Paramihin ang kasapi ng BHB mula sa mga aktibistang manggagawa at kabataang nakapag-aral upang pahusayin ang makauring komposisyon ng hukbong bayan na pangunahin isang hukbong magsasaka. Magmatyag din laban sa pagrerekrut ng mga elementong lumpen proletaryo at may rekord sa mga anti-sosyal na gawain lalo na ang mga nagmumula sa mga maralitang komunidad. Gayundin ang pagrerekrut mula sa kalunsuran ng mga elementong hindi konsolidado sa pulitika’t organisasyon at maraming dala-dalang personal na bagahe. Sa karanasan, nagiging pabigat lamang ang mga ito sa yunit ng hukbo na natatali sa paglutas ng mga nililikhang problema sa organisasyon. Kadalasan, ang mga mabuway na elementong ito ay hindi nakatatagal sa mahirap at rehimentadong buhay sa hukbo at madaling magkanulo oras na mahawakan ng kaaway. Hindi repormatoryo ang hukbo sa mga ganitong elemento. Dapat nating reklutahin sa hukbo ang pinakamahuhusay na anak ng bayan.

Dapat na patuloy na buuin ang baseng masa ng rebolusyon. Pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayan sa kanilang milyon at sa kanilang paparaming bilang para sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Itayo ang kanilang mga rebolusyonaryong organisasyon at lokal na organo ng pulang kapangyarihang pampulitika sa mga larangang gerilya. Isulong ang rebolusyong agraryo at mga pakikibakang antipyudal. Sa mga lugar na may batayan na, ipatupad ang maksimum na layunin ng reporma sa lupa na libreng pamamahagi sa masang magsasakang wala o kulang sa lupang mabubungkal ng kinumpiskang lupain ng mga lokal na tirano at buktot na mga panginoong maylupa.

Kaalinsabay, itayo ang mga lokal na sangay ng Partido sa paparaming lokalidad at itaas ang organisasyon ng kanilang popular na depensa (milisyang bayan, yunit pananggol sa baryo at mga komite sa depensa sa mga organisasyong masa) at paglaban. Ang mga lokal na sangay ng Partido ang magiging tulay ng hukbo sa pag-ugnay sa pinakamaraming bilang ng mamamayan. Dapat matuto ang mga yunit ng hukbo na makipagkaisa sa malawak na masa. Dapat nitong mahigpit na ipatupad ang Tatlong Pangunahing Alituntunin ng Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan upang patuloy na hinangin ang mahigpit at mabuting relasyon sa mamamayan.

Kapag ipinaiilalim sa masinsin at tuloy-tuloy na atake ng kaaway ang BHB at masa, kailangang mabisang labanan ito. Bilang patakaran, dapat ilagay ng mga yunit ng hukbo ang kanilang sarili sa aktibong depensa at maglunsad ng opensibang pakikidigma para ikalat sa maraming lugar ang mga aksyong gerilya. Dapat na pahigpitin ang ugnayan at pagtutulungan ng hukbo at mamamayan at makipaggitgitan sa kaaway. Sa abot ng makakaya, kailangang patamaan ng maraming pinsala ang umaatakeng palalong kaaway ng mga taktikal na opensiba ng hukbong bayan.

Kapag nagsagawa ang kaaway ng matagalang pag-ensirkulo o pagkubkob sa isang tipak na erya, kailangang gawin ang makakaya upang kumawala sa pangkalahatang kubkob ng kaaway ang mayor na mga yunit gerilya habang nag-iiwan ng maraming tim para magsagawa ng mga operasyong atrisyon, isnayping at saper laban sa sumusugod na kaaway. Kailangang idispusisyon ang pwersa na may laging isang bahagi na nagbibigay ng diin sa gawaing militar at may dalawang bahagi na naggagawaing masa o nag-aasikaso ng mga gawain sa likuran at pagpapalawak. Subalit kapag may gintong pagkakataon, kailangang tipunin ang dalawang bahagi upang maglunsad ng batayang TO at panatilihin ang isang bahagi na nag-aasikaso ng suportang kombat sa likuran.

Sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba, isagawa natin ang patakaran na ilunsad lamang ang mga aksyong gerilya na tiyak na maipapanalo, masusing pinaghandaan at mabilis na tinatapos. Dapat umiwas sa mga labanan na wala sa atin ang inisyatiba at hindi pinaghandaan. Subalit kung masusubo ang yunit, dapat puspusang harapin at labanan ang kaaway at isagawa ang planadong pag-atras para ipreserba ang pwersa at di mauwi sa isang gasgasang labanan.

Itaas ang kalidad at organisasyon ng BHB. Palakasin ang mga teritoryal na kumand sa operasyon sa antas ng larangan, teatrong gerilya, probinsya, isla at rehiyon. Palakasin ang mga panlabang yunit ng hukbo sa antas ng larangan at teatrong gerilya, probinsya/isla at rehiyon. Ilunsad ang regular at napapanahong pagsasanay ng pwersa sa pulitika at militar. Gawing praktikal ang pagsasanay at kung ano ang kailangan ng tropa. Ialinsunod ang mga pagsasanay sa katangiang makilos ng mga yunit ng hukbo. Magsanay ng mga espesyalisadong mga pangkat o tim tulad ng pangkat ng mga isnayper, granadero, saper, opereytor ng mga CDX at mga operatiba para sa ispesyal na mga operasyon sa kalunsuran. Magbigay pansin sa pagsasanay ng mga opisyal sa paniktik, opisyal sa pulitika at medik ng mga yunit.

Dapat na palakasin ang bag-as at pamumuno ng Partido sa mga yunit ng hukbong bayan. Dapat tiyakin na malusog na gumagana ang mga komite ng Partido sa kumpanyang gerilya, sangay ng Partido sa mga platung gerilya at ang mga grupo ng Partido sa mga iskwad. Dapat magtalaga ang Partido ng pinunong pampulitika sa kumpanyang gerilya, instruktor pampulitika sa platun, at giyang pampulitika sa mga iskwad. Kaalinsabay dapat na buuin at paganahin ang mga seksyon sa pulitika sa mga platun.

Napakagrabe ng krisis ng naghaharing sistema sa Pilipinas. Patuloy na paborable ang kalagayan sa mabilis na pagsulong ng rebolusyon. Ang pag-igting ng terorismo ng estado ang palatandaan kung gaano kasahol ang krisis sa ekonomya at pulitika ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa bansa. Sa pagsasalubong ng panloob krisis sa bansa at ng krisis ng imperyalismo, nakatakdang sumambulat sa panibagong lalim at sidhi ang krisis panlipunan sa bansa. Higit na pabibilisin nito ang paglakas ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas at pabibilisan ang pagbagsak ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang nakikibakang mamamayan!

Isulong ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan hanggang sa Tagumpay!

Digmang Bayan Sagot sa Terorismo ng Estado!


[1] Ang NATO o North Atlantic Treaty Organization na tinatawag ding North Atlantic Alliance ay isang alyansang militar ng 28 bansa sa Europa at ng dalawang bansa sa North America (US at Canada) na itinatag matapos ang World War II sa pamamagitan ng isang tratado noong Abril 9, 1949.

[2] Isang tratado para sa mutwal na depensa ng mga bansang nakapaloob sa bloke ng Unyon Sobyet sa panahon ng Cold War bilang panapat sa alyansang militar ng NATO na nasa pamumuno ng US. Kabilang sa Warsaw Pact ang walong bansang kasapi nito: Unyon Sobyet, Albania, Poland, Czechoslovakia, Hungary, Bulgaria, Romania at German Democratic Republic.

[3] Jose Maria Sison, “On the Communist Party of the Philippines and the People’s Democratic Revolution,” Disyembre 26, 2021.

[4] Binubuo ang Balkan Peninsula ng mga bansang Yugoslavia, Albania, Bulgaria at Romania. Sa pagkalusaw ng Yugoslavia noong Hunyo 1991, nakabilang na dito ang Croatia, Bosnia at Herzegovina, Serbia, Montenegro, Macedonia, Slovenia at Kosovo.

[5] Agresibo o panatikong patriyotismo, partikular sa panahon ng gera, sa pagsuporta sa sariling bansa.

[6] Ang tendensyang unawain ang ibang kultura alinsunod sa dating mga pag-unawa at sa punto de bista ng sariling tradisyon o etnikong kultura.

[7] Sukdulang patriyotismo o agresibong nasyunalismo na nasasalamin sa mapandigmang patakarang panlabas.

[8] Organization of the Petroleum Exporting Countries. Ang OPEC+ ay isang maluwag na samahan ng mga bansang nagluluwas ng langis. Binubuo ito ng 13 bansang kasapi ng OPEC at 10 sa mayor na mga bansang di kasapi ng OPEC na nagluluwas ng langis (krudo at produktong petrolyo). Layunin nitong ireguleyt ang suplay ng langis upang itakda ang presyo nito sa pandaigdig na pamilihan. Ang 13 kasaping bansa ng OPEC ay ang sumusunod: Algeria, Angola, The Republic of Congo, Equatorial Guinea, Gabon, Iran, Iraq, Kuwait, Libya, Nigeria, Saudi Arabia, United Arab Emirates, at Venezuela. Ang 10 bansang di kasapi ng OPEC ay ang Russia, Azerbaijan, Bahrain, Brunei, Kazakhstan, Malaysia, Mexico, Oman, Sudan at South Sudan.

[9] Pangkalahatang pasada lamang ang ginawang trato sa pambansang sitwasyon para hindi na masyadong humaba. Sumangguni na lamang sa pahayag ng KRTK sa ika-53 anibersaryo ng Partido para sa masaklaw na ditalye at pagtalakay.

[10] Philippine Statistics Authority

[11] National Task Force to End Local Communist Armed Conflict

[12] Enhanced Comprehensive Local Integration Program

Labanan at Biguin ang Pinal na Opensiba ng Kontra-Rebolusyonaryong Gera ng Rehimeng Duterte! Digmang Bayan—Sagot sa Terorismo ng Pasistang Estado!