Labis na kahirapan ng bansa, hindi brainwashing ang nagtutulak sa mga kabataan para tumungo sa kanayunan!
Halos dalawang linggo na ang nakalipas mula nang walang patumanggang bombahin at iistraping ng 203rd Infantry Brigade at 2nd Infantry Division ang Sityo Mamara, Barangay Cabacao sa bayan ng Abra de Ilog sa Occidental Mindoro ngunit matindi pa rin ang takot at pinsala na dinulot nito sa mga lokal na magsasaka at katutubo sa erya.
Sa overkill na operasyon ng pinagsama-samang 1st Infantry Battalion, 59th Infantry Battalion, 76th Infantry Battalion, at 5th Scout Ranger Battalion sa unang araw mismo ng 2026 laban sa isang yunit ng Lucio de Guzman Command-New People’s Army Mindoro napaslang ang tatlong (3) bata mula sa hanay ng mga katutubong Mangyan-Iraya habang sugatan naman ang kanilang ina. Nasawi rin si Jerlyn Doydora, isang kabataang estudyante mula sa Maynila na nakikipamuhay noon sa mga magsasaka at katutubong Mangyan upang malaman ang kanilang totoong kalagayan. Samantala, patuloy pa rin ang iligal na pagpipiit kay Chantal Anicoche, isang lider kabataan mula sa Estados Unidos na kagaya ni Jerlyn ay nagsasagawa ng pagsisiyasat sa Mindoro, matapos itong mapahiwalay sa kanyang mga kasama dahil sa tindi ng pambobomba at istraping sa naturang komunidad.
Pinalalabas ngayon ng iba’t ibang tanggapan ng Armed Forces of the Philippines na wala umanong sibilyan ang nadamay sa naturang operasyon ng 203rd IBDe at 2nd ID sa Barangay Cabacao sa kabila ng mga kumalat na sa social media posts ng mga lokal ng Abra de Ilog na nagpapakita ng mga larawan at videos ng pagpapanic, pag-iyak, pag-aalala sa mga magsasaka’t katutubo na nasa erya na inaatake ng mga reaksyunaryong sundalo. Pinalalabas din nila na sina Jerlyn at Chantal ay mga na-brainwash na kabataan para sumali ng New People’s Army kahit pa ang mismong yunit na ng LdGC ang nagsabi na sila ay pawang mga sibilyan na ninais lamang na makipamuhay at alamin ang totoong kalagayan ng mga mamamayan ng Mindoro.
Nariyan ang matinding pagkalugi ng mga lokal na magsasaka ng sibuyas at palay sa Mindoro dahil sa kawalan ng suporta at patuloy na importasyon ng rehimeng US-Marcos II mula sa mga dayuhang bansa, na pinaigting pa ng Rice Liberalization Law at iba pang neoliberal na patakaran ng estado kaugnay ng pag-iimport ng mga produktong agrikultural. Sa katunayan, bumabagsak lamang sa ₱14/kilo ang presyo ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.
Pinapalayas ang mga magsasaka at katutubo sa kanilang mga lupang sakahan at lupang ninuno sa para bigyang daan ang pagpasok ng mga mapanirang proyekto gaya ng Agusan Petroleum and Mining Corp at Pieceland Corporation sa Occidental Mindoro. Gayundin, talamak ang mga kumpanyang quarry na sumisira sa maraming kabundukan, ilog, at panabihang dagat ng Mindoro na nagreresulta sa mas matitinding epekto ng mga kalamidad tulad na lamang ng pagbaha at landslide na sumisira sa mga kabahayan at pananim ng mga mamamayang Mindoreno.
Ang pagsisinungaling ng AFP, bagama’t hindi na bago sa kanila, ay higit lamang na nagpapakita kung gaano kasahol ang kanilang berdugong institusyon para pagtakpan ang totoong danas ng mga mamamayan ng bansa sa harap ng matinding kahirapan at panlipunang krisis sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II. Ang mga krisis na ito ang nagtutulak sa mga mamamayan, lalo na sa mga kabataan, para higit na pag-aralan ang lipunan at likhain ang mga kondisyon para baguhin ang abang kalagayan nito.
Ito ang katotohanang itinatago ng AFP at rehimeng US-Marcos II para gawing kaaya-aya ang isla ng Mindoro para sa mga lokal na burukrata-kapitalista at dayuhang pamumuhunan at tubo kapalit ang buhay at kabuhayan ng mga Mindoreño. Ito rin mismo ang katotohanan na nais pang higit na maunawaan ng mga kabataang kagaya nina Jerlyn Doydora at Chantal Anicoche kaya sila nagpasyang makipamuhay sa mga magsasaka at katutubo sa Mindoro. Hindi ito nauunawaan ng AFP dahil para sa kanila, ang buhay ng mga mamamayang nakikibaka ay hadlang para ang mga matatas na upisyal mismo ng reaksyunaryong kasundaluhan ay makinabang sa mga pondo ng bansa at kickback mula sa mga lokal na burukrata-kapitalista, dayuhang pamumuhunan, at rehimeng US-Marcos II mismo.
Nanawagan ang Kabataang Makabayan Timog Katagalugan sa lahat ng mga kabataan sa rehiyon na panagutin ang 203rd IBDe at 2nd ID sa kanilang madugong krimen sa isla ng Mindoro! Kakabit nito, dapat agad na palayain ng 2nd ID si Chantal Anicoche mula sa iligal na pagkakapiit dahil wala naman siyang nilabag na anumang kaso. Dapat ring wakasan na ang paghahari ng rehimeng US-Marcos II na siyang nangungunang promotor ng korapsyon at inhustisya sa ating bansa! Singilin natin ang lahat ng sangkot at nagtutulak sa mga mamamayang Pilipino sa sukdulang kahirapan.
Tularan natin sina Jerlyn at Chantal, na sa kabila ng kanilang limitasyon bilang mga kabataang lumaki sa relatibong maginhawang buhay sa kalunsuran, ay mapanghas na piniling makipamuhay kasama ang mga magsasaka’t katutubo sa kanayunan!
Kabataan, kamtin ang hustisya para sa mga biktima ng 203rd IBDe, 2nd ID, at rehimeng US-Marcos II! Sumabi sa New People’s Army! Ipagtagumpay ang pambansa-demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba at kamtin ang isang lipunang tunay na malaya!