Lupa para sa nagbubungkal! Suportahan ang laban ng mga Masbatenyo para sa karapatan sa lupa!

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Mariing kinukundena ng NDF-Bikol ang sapilitang pagpapalayas ng 2nd IBPA at mga lokal na upisyal ng gubyerno sa hindi bababa sa 94 pamilya ng mga magsasakang Masbatenyo mula sa kanilang lupang binubungkal sa mga barangay ng Cabungahan, Calapayan at Villaluna sa bayan ng Cawayan sa Masbate. Kung tutuusin ang 550 ektaryang sinasakahan ng naturang komunidad ay wala pa nga sa kalingkingan ng lupang matagal nang utang ng gubyernong ito hindi lamang sa masang Masbatenyo ngunit sa lahat ng mga magbubukid sa buong bansa. Sa halip na palayasin sila sa lupang kanilang pinauunlad, dapat pa nga’y dagdagan ng gubyerno at tiyaking mayroong masasaka ang bawat isa sa mga magsasaka sa buong rehiyon at bansa.

Napakatigas ng mukha ng mga lokal na pulitikong nitong eleksyon lamang, para makuha ang boto ng masa, ay nakipagngitian at nakipagyakapan pa nga sa mga taong kanilang pinalalayas ngayon. Nasaan na ang mabubulaklak na pangakong uunahin ang kapakanan ng masa? Ngayong nakaluklok na sa pwesto, traydor nang ipinagkakanulo ang kanilang mga nasasakupan. Syempre pa, malakas ang kanilang loob ngayon dahil nariyan ang marahas na kapangyarihan ng kanilang berdugong militar at pulis.

Ngunit ito ang pakatandaan ng lahat ng mga kriminal na nasa likod ng pagpapalayas sa mga magsasakang Masbatenyo sampu ng iba pang kahalintulad na mga kaso sa buong rehiyon: ang isang taong tinanggalan ng lahat ng kanyang karapatan, hinubaran ng kanyang kinabukasan at dignidad, inagawan ng pangarap, ginutom at dinahas ay walang ibang susulingan kundi ang paglaban. At sa panahon ng paniningil ng mga inapi’t pinagsamantalahan, walang makatatakas mula sa lahat ng kanilang mga krimen sa mamamayan.

Nakikiisa ang buong rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan sa laban ng mga magsasakang Masbatenyo para sa kanilang karapatan sa lupa. Hinihikayat ng NDF-Bikol ang lahat ng mga Bikolanong suportahan ang laban ng kanilang mga kapwa maralita. Ang insidenteng ito ay paulit-ulit na magaganap sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon kung hindi magmamatyag at babalikwas ang nagkakaisang mamamayan.

Nananawagan din ang NDF-Bikol sa lahat ng mga Masbatenyo na patatagin ang hanay at ipagpatuloy ang laban para sa kanilang mga karapatan. Ang lupang ito ay ibinunga ng ilang henerasyon ng ubos-lakas na paglaban ng mga naunang henerasyon. Napakaraming pawis, dugo at buhay na inialay upang makamit ang tagumpay na tinatamasa ngayon. Marapat lamang na ibigay ang lahat nang makakaya upang ipagtanggol ang karapatang ito hanggang huli.

Lupa para sa nagbubungkal! Suportahan ang laban ng mga Masbatenyo para sa karapatan sa lupa!