Pahayag

Magsasaka sa Rizal, dinukot ng ilang oras ng 80th IB

Desperadong-desperado na ang 80th IB na matugis ang NPA-Rizal sa ilalim ng Narciso Antazo-Aramil Command, sukdulang dukutin ang isang magsasaka sa Tanay, Rizal.

Ayon sa mga nakasaksi, bigla na lamang kinuha ng mga militar si Jonathan del Castello, 24 taong gulang na naninirahan sa Sityo Saksak, Barangay Madilay-dilay ng Tanay. Nangyari ang pagdukot noong Abril 27 ng gabi matapos niyang bumili ng pagkain para sa kanyang pamilya. Buong magdamag nabalot ng takot at pangamba ang kanyang pamilya lalu na at hindi nila alam kung saan dinala ng mga pasistang 80th IB si Jonathan.

Abril 28, humigit-kumulang alas-tres ng madaling araw, pinakawalan din si Jonathan ng mga militar matapos ang ilang oras ng pagdukot at iligal na pagbinbin dahil wala namang anumang kaso o mandamyento de aresto na ipinakita sa kanya.

Ayon kay Jonathan, inimbestigahan at ininteroga siya kaugnay sa dala nyang mga pagkain para sa kanyang pamilya. Narinig din niya na may mga nag-uusap na “Ano malalim na ba yang hinuhukay mo?”. Pinakawalan rin sya matapos ang ilang oras bitbit ang trauma na nalikha sa kanya. Agad rin siyang nagpa-blotter sa barangay upang iulat ang pangyayari.

Mariing kinukundena ng PKM-Rizal ang panibagong paglabag na ito ng 80th IB sa karapatan ng isang magsasaka—ang pagdukot, iligal na pagbinbin, interogasyon, pananakot at sikolohikal na tortyur. Panibagong kaso itong dagdag sa mahabang listahan ng paglabag ng 80th IB sa lalawigan ng Rizal. Ang ginawa ng mga militar kay Jonathan, bukod sa mga nabanggit na, ay isang tipo ng food and economic blockade, kung saan iniimbistigahan at nililimitahan ang mga pagkaing binibili ng mga residente dahil ibinibigay daw nila ito sa NPA. Isa itong malinaw na paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Rights o CARHIHL.

Hindi pa man nagtatagal, nitong nakaraang Pebrero hanggang Marso, matapos ang magkasunod na labanan ng NAAC-NPA-Rizal at mga militar sa San Jose, Antipolo City noong Pebrero 16 at 17 ay nanalasa ang mersenaryong 80th IB sa mga magsasaka at katutubong Dumagat at Remontado sa Tanay. Sa takot na malusutan ng mga NPA, naglagay sila ng dalawang checkpoints. Sa Sta. Ines, ginawang kampo ng mga militar ang harapan ng tindahan na malapit sa eskwelahan at simbahan. Nagbahay-bahay at nagpapulong sa barangay upang takutin ang mga resident na sila’y kakasuhan ng Anti-Terrorism Act kapag nagpatuloy ng mga NPA. Sa kanilang kasinungalingan na may mga sugatan daw sa NPA, kung kaya’t binalaan nila ang mga residente na kakasuhan kapag sila ay nagpatuloy.

Hibang na hibang silang harangin ang mga taong pumapasok sa Sta. Ines at maging sa San Andres. Nagresulta ito ng iligal na pag-aresto at pagbinbin sa dalawang sibilyan na ang isa ay matanda na arbitraryong hinuli dahil lamang sa dayo ito sa lugar at pinakawalan din. Ang isa naman ay si Christoper Bohol na kinasuhan ng gawa-gawang kasong Illegal Possession of Firearms and Explosives na hanggang ngayon ay nakapiit pa. Samantala, sa Mamuyao, Tala ay may isang pamilya ng mga Dumagat na sapilitang pinasuko at sa takot ay sa bundok na nanirahan at takot na rin sa mga tao.

Nanatiling nakakulong si Melchor Luyao na isa ring magsasaka na iligal na inaresto noong Hulyo 9, 2024 batay sa gawa-gawang kaso na Illegal Possession, Manufacture and Acquisition of Firearms, Ammunition and Explosives. Nakakulong na ay hindi pa tinatantanan ng kontra-rebolusyonaryong taksil na si Erick “Fatima” Simogan na regular na pumupunta sa piitan upang i-presyur o kaya ay suhulan at piliting pasukuin si Melchor.

Pinapatunayan lamang ng magkakasunod na insidenteng ito na kailanman ay hindi naglilingkod sa interes ng mga magsasaka ang 80th IB at buong AFP na pinatatakbo ng rehimeng US-Marcos. Bagkus, sinusupil nito ang kanilang mga karapatan para sa libreng lupa na masasaka, sa malayang pagsapi at pagtatayo ng kanilang mga samahan, sa malayang pagpunta sa kanilang pangalapan ng pagkain, sa malayang pagbili ng kanilang pagkain at sa iba pang sumasagka sa kanilang kalayaan sa ngalan ng kontra-insurhensiyang programa ng rehimeng US-Marcos. Umiiral ang de facto Martial Law sa kanayunan. Nanatiling mala-garison ang San Jose, Antipolo sa 17 detatsment na nagkalat sa magkakatabing sityo na ang ilan ay may taon na ang itinatagal. Ito ay sa kabila ng ipinagmamalaki ng estado, AFP-PNP at NTF-ELCAC na insurgency free na ang buong Rizal.

Kung kaya’t nanawagan ang PKM-Rizal sa mga magsasaka at mamamayan na isulong ang Digmang Bayan at paigtingin pa ang pakikibaka hanggang sa paghawak ng armas at pagsapi sa NPA. Ito lamang ang ultimong paraan upang makalaya sa gapos ng pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala at pang-aabuso ng mga militar. Ang Demokratikong Rebousyong Bayan ang tanging paraan upang magkaroon ng libreng pamamamahagi ng lupa dahil isinusulong nito ang Rebolusyong Agraryo.

Magsasaka sa Rizal, dinukot ng ilang oras ng 80th IB