Pahayag

Makibaka para sa tunay na katarungan, kaunlaran, kalayaan at kapayapaan ng bayan

,

Gugunitain ng mga Kababaihan sa buong mundo ang ika-116 taon ng International Women’s Day bukas, Marso 8, 2026. Kasabay nito, aalalahanin natin ang kasaysayan ng mga naunang mga Kababaihang nakibaka para kilalanin at itaguyod ang ating mga karapatan at pagkakapantay-pantay sa lipunan.

Sa mga nangyayaring kaguluhan ngayon sa buong mundo at sa ating bansa, napakalaki ng pangangailangan ng ating muling pagkakaisa, pagkilos at pakikibaka upang makamit natin ang tunay na katarungan, kalayaan at kapayapaan sa ating minamahal na bayang Pilipinas at sa buong mundo. Malaki ang magiging ambag ng mga Kababaihang Masbatenyo upang maisakatuparan ito. Higit lalo, ng mga Kababaihang magsasaka sa ating probinsya kung saan patuloy silang dumaranas ng pang-aabuso, pang-aapi at pagsasamantalang pyudal at malapyudal.

Palaging nasa banta ng pangangamkam ng mga lokal na rantsero, dayuhang kumpanya sa minang Filminera Masbate Gold Project, ekoturismo at iba pang makadayuhang proyekto ang ating mga lupang binubungkal. Habang binabarat ang ating mga panindang produkto ay nababaon naman tayo sa utang dahil sa napakamahal na mga farm inputs tulad ng binhi, abono at pestisidyo. Ang kakarampot na ayuda sa mga myembro ng Farmers Association ay hindi sapat upang tugunan ang tumataas na pangangailangang gastos para maging produktibo ang ani nating mga magsasaka. Ang mga operasyong ng daan-daang sundalo sa kanayunan ng Masbate ay higit pang nagpalala sa dinaranas natin na mga paglabag sa karapatang pantao.

Daan-daan sa ating mga Kababaihang Masbatenyo ang sapilitang pinasurender ng mga sundalo sa ilalim ng 2nd Infantry Battalion Philippine Army, 96th Infantry Battalion Philippine Army at 96th MICO sa ngalan ng pakanang programa ng pagbabalik-loob ng pamahalaan, Enhanced Comprehensive Livelihood Integration Program (ECLIP) at amnesty. Talamak sa korapsyon ang naturang programa kung saan ibinubulsa ng mga opisyal ng mga sundalo at pulis ang pondo ng ECLIP. Kaya, mas maraming surenderi, mas malaki ang kanilang naibubulsa. Dahilan ng sapilitang pagpapasurender sa mga di armadong komunidad at paggamit sa mga traydor ng rebolusyonaryong kilusan na dating mga kasapi ng NPA upang ipitin at obligahing sumurender ang mga sibilyan.

Kailangang-kailangan ang ating pagkilos at paglaban sa tumtinding pasismo at pyudal at malapyudal na pang-aapi at pagsasamantala. Dapat natin itong ikawing sa laban ng lahat ng sektor na naghahangad na mapanagot ang lahat ng sangkot ng pagnanakaw sa pera ng bayan laluna ang hari at reyna na sina presidente Ferdinand Marcos Jr at bise-presidente Sara Duterte. Dapat tayong kumilos upang wakasan ang dinastiya ng mga pulitikong magnanakaw at sakim sa kapangyarihan.

Hindi rin natin dapat hayaang idadawit ni presidente Marcos Jr ang ating bansa sa hidwaan at sigalot sa pagitan ng mga dambuhalang bansang US at China na ngayon ay nagkakarerahan sa pagpapalawak ng kanilang teritoryo at kapangyarihan sa buong mundo. Tulad ng mga bansang ginamit ng US para sa kanyang kasakiman, walang anumang pakinabang na makukuha ang ating bansa sa pagsali sa gera. Sa halip, ang pagkawasak sa ating bansa at pagbuwis ng buhay nating mga Pilipino.

Ang pakikiisa ng mga Kababaihan sa lahat ng kababaihang nakikibaka ay makakatulong upang yanigin ang buong mundo na nahaharap ngayon sa matinding sigalot dahil sa tumitinding imperyalistang panghihimasok at pagtutulak ng gera. Kailangang maibagsak natin ang imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo, ang sanhi ng kaguluhan at pasismong umiiral at dinaranas ng sangkatauhan sa buong daigdig upang ating makamit ang tunay na kasarinlan, pagkakaisa at pagkakapantay-pantay.

Makibaka para sa tunay na katarungan, kaunlaran, kalayaan at kapayapaan ng bayan