Mala-proletaryado sa bansa, maramihang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Walang mawawala kundi ang mga tanikala!
Ipinapaabot ng Katipunan ng mga Samahang Manggagawa – Balangay Ka Makar (KASAMA – National Democratic Front of the Philippines) ang mainit na pagbati sa Bagong Hukbong Bayan sa ika-57 taon ng ‘di magapi-gaping armadong pakikibaka, at pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan sa bansa. Pulang sumasaludo ang KASAMA – Ka Makar sa lahat ng kumander at mandirigma, at sa masang magsasaka sa mga larangan na hindi matuyu-tuyo ang ubos-kayang suporta para sa Armadong Pakikibaka. Inaalala rin ng balangay ang mga kasingbigat ng bundok Sierra Madre na pagbubuwis ng buhay ng mga rebolusyonaryong martir, at panata na itataguyod ang kanilang mga pamana ng pakikibaka at sakripisyo.
Wala namang mawawala sa mala-proletaryado sa bansa kundi ang mga tanikala ng kahirapan, pang-aapi at pagsasamantala, kung hahawak ng armas at sasapi sa BHB, sa isang sistemang mapapyudal at malakolonyal, na ang nakatayong papet na estado ay galamay lamang ng imperyalismong US. Interes ng naghaharing uring malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa, mga mandarambong na burukrata kapitalista at mga pasista ang namamayagpag, habang ang malawak na masa ay nakalugmok sa kahirapan, kagutuman at kamatayan. Hindi nga tao ang turing sa mga mala-proletaryado, bagkus mga alipin, na ang batayang karapatang sosyo-ekonomiko at kultural, sibil-pulitikal ay hindi kinikilala ng papet na estado.
Malinaw sa kasaysayan na ang pagdami ng mala-proletaryado sa bansa ay bunsod ng kawalang lupa sa kanayunan, o eksudus ng mga maralita na nagkakamaling umaasang aangat ang kabuhayan sa kalunsuran. Kitang kita ngayon ang paglawak ng mga komunidad ng maralita sa urban, na palagiang biktima ng demolisyon, pagharang sa right-of-way, arson, extrajudicial killings at harassment ng estado at mga armadong goons ng mga landgrabber. Nananatiling ang trato ng papet na estado sa mga homelot ay real estate o kalakal na dapat pagkatubuan ng mga malalaking burgesya kumprador at imperyalista. Hindi nito kinikilala ang karapatan ng mga mala-proletaryado sa pabahay, sapat na istandard ng pamumuhay, kabuhayan at pagpapahayag, kaya ilang dekadang naranasan ang malawakang pagpapalayas hanggang sa itapon sa labas ng mga sentrong urban. Ang mga proyektong relokasyon ay pawang korap o pinagkakitaan lamang ng magkasabwat na mga burukrata kapitalista, malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa.
Wala ring maaasahang trabaho o kabuhayan ang mala-proletaryado sa isang malapyudal at malakolonyal na sistema. Kitang kita sa bansa, na ang mga dating regular na manggagawa ay tinatanggal sa trabaho, at ang mga mala-proletaryado sa mga sentrong urban ay pinapalayas para bigyang daan ang pribatisasyon, komersyalisasyon at korportisasyon. Kasama ng mga manggagawa bilang biktima ang mga mala-proletaryado, sa flexible labor, kontraktwalisasyon, forced overtime, kawalang benepisyo, at malala ng kawalang kaligtasan sa trabaho na dumudulo sa pagkabalda o pagkamatay. Literal na nagtatrabaho lamang ang mala-proletaryado, para makuha niyang magtrabaho sa susunod na araw, at hindi para mabuhay ng sapat ang kanyang pamilya at mga anak.
Ang mga nakikibakang mala-proletaryado ay target ng pasistang papet na estado. Napakarami na ang pinatay tulad ng lider-maralitang si Ka Karletz Badion, at lider-anakpawis na si Ka Randy Echanis. Kita ng mga mala-proletaryado sa bansa, na walang hustisyang aasahan sa isang papet na estado, kung kaya, Rebolusyonaryong Hustisya na lamang ang mahihiling. Maisusulong ito kung maramihang hahawak ng armas ang masang anakpawis sa bansa, at itututok sa mga pasista at mga papet ng imperyalismong US. Kaya, marapat lamang na maramihang sumapi ang mga mala-proletaryado sa BHB, at ubos-kayang suportahan para mapanagot ang mga mamamatay-tao at makamit ang Rebolusyonaryong Hustisya.
Susi ang pakikipagkapit-bisig ng mga mala-proletaryado sa uring magbubukid upang hindi na matulak na tumungo sa mga sentrong urban. Sa pagsusulong ng Rebolusyong Agraryo, magkakamit ng lupang masasaka ang mga mala-proletaryado sa kanayunan, at kasunod nito ang mga integral na sektor ng produksyon na magbibigay ng mga dagdag kabuhayan. Ito ay hakbang para putulin ang tanikala ng kagutuman at kahirapan, malnutrisyon ng mga bata, pagkakasakit at kamatayan.
Kaya sa okasyong ito, napapanahon na bumalikwas ang mga mala-proletaryado sa tanikalang itinakda ng malapyudal at malakolonyal na sistema. Ang pagtangan ng armas at pagsusulong ng Armadong Pakikibaka at Demokratikong Rebolusyong Bayan, ang tanging solusyon para wakasan ang kahirapan at kagutuman. Madilim na kinabukasan lamang ang naghihintay sa salinlahi kung hindi ibabagsak ang papet na estado at bulok na sistema. Dapat itayo ang Demokratikong Gubyernong Bayan sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, na bubuo sa maunlad na sektor ng agrikultura at industriya, magsisiguro sa trabaho at kabuhayan ng masang anakpawis, sa pangkalahatan para makamit ang nakabubuhay na sahod at sapat na istandard ng pamumuhay.
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Humawak ng armas at isulong ang Digmang Bayan!
Makibaka para sa Pambansang Kalayaan at Demokrasya!