Pahayag

Digmang bayan, tanging landas para sa tunay na kalayaan!

, ,

Kasabay mismo ng pagsalubong sa ika-128 na taon ng Huwad na Kalayaan ng Pilipinas, katawa-tawang nagdeklara ang reaksyunaryong estado, sa pamamagitan ni DILG Secretary Jonvic Remulla, AFP Southern Luzon Command Commander Lt. Gen. Cerilo Balaoro Jr, at 2nd Infantry Division Commander Maj. Gen. Ramon Zagala na “insurgency-free” na umano ang rehiyon ng CALABARZON.

Kahibangan at tanda ng desperasyon ang deklarasyong ito ng reaksyunaryong estado. Tinatanggi nitong kilalanin ang mga ugat ng armadong pakikibaka ng masa ng mga mamamayang Pilipino, sa pag-aakalang mareresolba ang mga pundamental na suliranin ng bansa sa pamamagitan ng pagbubuhos ng pondo ng bayan sa militarisasyon at pasismo. Hindi na natuto sa kasaysayan ang reaksyunaryong estado, na kahit ilang ulit itong magsinungaling at sabihing pupulbusin ang rebolusyonaryong kilusan, iluluwal at iluluwal mismo ng mga panlipunang krisis ang hindi maiigang balon ng mga matatapang na rebolusyonaryong Pilipino.

Hindi na natin kailangang lumayo pa. Noon mismong September 1, 2023, nagulantang ang mga pwersa ng AFP sa probinsya ng Quezon matapos ambusin ng mga tropa ng NPA-Apolonio Mendoza Command ang mga narerekoridang CAFGU at militar sa bayan ng Tagkawayan. Ito ay ilang buwan lamang matapos ang deklarasyon ng provincial LGU na “insurgency-free” na raw ang lalawigan.

Tanging ang mga sarili nila pati na rin ang mga dayuhang monopolyo kapitalista ang naniniwala sa mga huwad na deklarasyon ng reaksyunaryong estado. Pilit nitong hinihimok ang mga DMK na mamuhunan sa rehiyon kapalit ng kapinsalaan ng mga mamamayan ng Timog Katagalugan.

Nariyan ang mga mapanirang proyekto ng estado tulad ng Laguna Lakeshore Road Network (LLRN) sa paligid ng Laguna Lake, na sisira sa biodiversity at magdudulot ng malawakang displacement sa mga mangingisda sa lawa. Nariyan din ang Ahunan Dam sa Pakil, pagkalbo at pagpatag sa mga kabundukan ng Sierra Madre sa saklaw ng Rizal at Laguna para magtayo ng mga solar farm, windmill, at iba pang mga proyektong pinopondohan ng mga DMK at internasyunal na mga bangko. Patuloy rin ang mga demolisyon at pagpapalayas sa mga mamamayan ng Cavite para magtayo ng mga infrastructure projects para pabilisin ang daloy ng kita ng mga lokal na burukrata-kapitalista at mga DMK. Sa Batangas, kaliwa’t kanan din ang mga pangangamkam ng mga lupa sa mga magsasaka para magtayo ng ekta-ektaryang solar farms at pagpapatag ng mga bundok para gawing base ng mga dayuhang kumpanya. Gayundin, sa lalawigan ng Quezon patuloy ang pagliit ng mga lupang agrikultural dahil sa lantarang pagpapalit-gamit ng mga primera-klase lupa para sa pagpapalawak at pagtatayuan ng iba’t ibang imprastraktura tulad mga energy powerplants.

Kinokondena sa pinakamataas na antas ng rebolusyonaryong kilusan ng mga kabataan ar estudyante sa Laguna ang patuloy na paghuhugas ng reaksyunaryong estado sa mga dugo ng mga mamamayan ng Timog Katagalugan sa kamay nito.

Hamon sa lahat ng mga kabataan sa probinsya ng Laguna na ilantad sa lahat ng porma’t pagkakataon ang mga kasinungalingan ng reaksyunaryong rehimeng US-Marcos II. Walang tunay na kapayapaan hangga’t nananatiling nangingibabaw ang interes ng mga dayuhang monopolyo kapitalista, sa pangunguna ng US, sa Pilipinas. Walang ibang dapat tunguhin ang sambayanan kundi ang mas pagpapaigting na rebolusyonaryong armadong paglaban. Ang digmang bayan na isinusulong ng Communist Party of the Philippines, sa pamamagitan ng New Peoples’ Army, at kasama ang malawak na hanay ng mamamayang pilipino ang tanging landas tungo sa tunay na pagpapalaya ng sambayanan.

Kabataan, tumungo sa kanayunan! Ipagpatuloy ang ating digmang bayan!

Digmang bayan, tanging landas para sa tunay na kalayaan!