Pahayag

Balik-Eskwela 2026 mukha ng krisis sa edukasyon dahil sa kapabayaan at kainutilan ng rehimeng US-Marcos II

,

Sa harap ng dumadausdos na kabuhayan ng mamamayan, mabigat na pasanin ng mga estudyante, kanilang mga magulang at mga guro ang balik-eskwela para sa school year (SY) 2026-2027. Habang nakadagan na sa mamamayan ang krisis sa ekonomya, pinababalikat pa sa kanila ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. ang mga problemang dulot ng pagpapabaya at neoliberal na patakaran sa sektor ng edukasyon.

Nagbalik-eskwela ngayong taon ang mahigit 26.4 milyong estudyante na halos katulad din ng bilang sa nagdaang taon. Naganap ang balik eskwela sa gitna ng ilang ulit na dagok sa kabuhayan ng mamamayan dahil sa krisis sa langis. Kahit sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan, higit na mas mataas ang gastusin ngayong balik-eskwela kesa sa nakaraang mga taon. Pangunahing suliranin ang matarik na implasyon mula pa noong Pebrero na nagtulak ng pagtaas ng presyo ng mga batayang pangangailangan. Doble kayod ngayon ang mga pamilya para matustusan ang pambaon, pamasahe, uniporme at iba pang pangangailangan sa pagpasok sa eskwela. Paimbabaw ang mga aksyon ng rehimeng Marcos Jr, sa mga hinaing ng sambayanan hinggil sa sistema ng edukasyon. Sinasalamin ng krisis sa edukasyon ng bansa ang kalagayan nito sa isla ng Mindoro.

Problema pa rin ngayong taon ang kakulangan ng mga klasrum at iba pang pasilidad sa mga eskwelahan. Kulang din ang mga guro kaya pinalaki ang bilang ng estudyante sa isang klase lampas sa istandard na bilang. Nagsisiksikan sa masikip na espasyo ang mga mag-aaral. At kapag nagbrown-out pa, mabanas na, madilim pa ang mga silid aralan kaya mas ginugusto ng mga estudyante at guro sa labas o kaya sa gym na magsesyon. Bihira naman ang pampublikong paaralan ang may sariling generator set. May ilang lugar na nagpapatupad ng combination class (ang isang klarum ay sabayang ginagamit ng 2 klase) dahil sa kakulangan ng magtuturo at pasilidad.

Masama pa kapag may mga kalamidad, naisasakripisyo ang edukasyon dahil nagagamit na evacuation center ang mga paaralan sa kawalan ng kahandaan para sa ganitong mga insidente. Repleksyon ito ng kapabayaan sa mga pang-agap ng hakbang ng gobyerno sa kalamidad gayong daanan ng bagyo ang bansa at maraming fault line kaya bulnerable sa lindol. Malaking dagok ang naganap na 7.8 magnitude na lindol sa Mindanao sa mismong pagbubukas ng klase noong umaga ng June 8. Libu-libong estudyante ang apektado nito kabilang na ang mahigit anim na libong paaralang nasira.

Dagdag na pagsasakripisyo din sa kapakanan ng mga bata, kabataan at mga guro’t empleyado ang pagpapagamit ng paaralan bilang kampuhan o himpilan ng mga nag-ooperasyong sundalo. Labag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas ang gawing kampuhan o himpilan ng pwersa militar at pulis ang mga paaralan. Kaya may mga guro at magulang na mas pinipiling hindi na papasukin ang mga bata kapag may sundalo sa iskul dahil nalalagay lamang sa peligro ang seguridad nila.

Dahil panahon na ng tag-ulan, pasanin din ang mga palpak, kulang o kaya’y kawalan ng mga kalsada at tulay na madaraanan, laluna sa mga kanayunan. Karaniwan nang pagbaha ang dahilan upang tuluyang hindi na makapasok ang mga estudyante. Madalas na sa kabayanan lamang may maayos na kalsada, tulay o pathway at labas dito ay napabayaan na rin ng gobyerno ang mga kalsada.

Mas malala ang kakulangan ng eskwelahan para sa mga katutubong Mangyan. Bahagya nang matugunan ng gobyerno ang mahalagang pampublikong serbisyong ito kaya naman ilang institusyong relihiyoso at pangkawanggawa ang nagbibigay ng serbisyong ito sa mga pamayanan. Napipilitan ang mga mag-aaral na maglakad ng isa hanggang tatlong oras araw-araw para makapasok. Sariling gastos at diskarte na lang din ng mga guro ang lingguhang biyahe tungo sa mga liblib na eskwelahan. Ang pasok na limang araw kada linggo ay madalas ginagawa nang apat lamang dahil inilulugar ng mga guro ang byahe sa loob ng opisyal na oras ng pagpasok sa trabaho. Dahil ito sa patakaran ng gobyerno na ang insurance ng mga guro ay iiral sa opisyal na oras lamang ng trabaho. Kapag mas malayo ang destinong pinapasukan na buong araw ang kailangang ilaan sa byahe, nagiging 3 araw na lang ang pasok sa isang linggo.

Hindi nakapagtataka ang mababang kalidad ng edukasyon sa bansa at sa isla. Nagulantang ang mga Mindoreño sa ebalwasyon ng FLEMMS (Fuctional Literacy in Education and Mass Media Survey) na mas mababa ang functional literacy ng mag-aaral sa Mindoro kumpara sa pambansang abereyds. Dagdag pa na tinatayang 24% ng mga bata at kabataan sa edad na dapat pumapasok ang wala sa paaralan na pangunahing dahilan ay karalitaan at ang di-abot kayang pampublikong serbisyo. Seryosong problema ang sumasadsad na kalidad ng edukasyon at pagkatuto, ang pagtigil ng mga kabataan sa pag-aaral habang may mga guro na sinusukuan na ang propesyon ng pagtuturo. Kalunus-lunos na larawang ito ng isang bansang naghahangad ng tunay na kaunlaran!

Panakip-butas na solusyon ang Brigada Eskwela. Sa Brigada Eskwela, sinsamantala ng gubyerno ang kultura ng bayanihan upang buong ipasa sa mga magulang at guro ang pagtatayo, pagsasaayos at pagmantini ng mga pasilidad sa eskwelahan. Kaya pinoproblema na kung saan kukunin ang pang-araw-araw na gastusin, babalikatin din nila ang pagsasaayos ng linya ng kuryente at tubig sa iskul, pagpapagawa ng bagong mga upuan, paglilinis ng eskwelahan hanggang sa pagtatayo ng bagong klasrum at iba pang bagay na dapat ay sinasagot ng gubyerno. Nangangalap na lamang ng suporta ang mga guro at magulang mula sa mga institusyon at kawanggawa ng pribadong organisasyon upang makalikom ng pandagdag sa kakapusan ng mga paaralan.

Samantala, biktima ang mga Mindoreño ng palpak at ghost projects sa sumambulat na korapsyon sa proyektong flood control at farm -to-market roads. Wala pang napapanagot sa tunay na nagpakana ng budget insertions na dinambong ng paksyon ni Marcos kundi ang mga sekundaryong burukrata na ginamit o nakisawsaw lamang sa kontrobersya. Nakakaiwas pa sa talim ng hustisya ang Marcos at mga kroni niya. Nagagawa pang magmaniobra upang ibaling ang pansin sa kapwa masiba na kalaban niya sa pulitika- kay Sarah Duterte. Pinupuntirya ni Marcos Jr na tibagin ang kapit sa kapangyarihan ng mga Duterte at nang masolo ng punong kriminal ang larangan ng pandarambong at pagpapakatuta.

Sa kabila ng malinaw na kakapusan at kakulangan sa sistema ng edukasyon, hindi lang pinagtatakpan ng DepEd at CHED kundi may papel ito sa kalunus-lunos na kalagayan ng sektor ng edukasyon sa bansa. Ang buong estado mismo ang nagdadala ng makadayuhan at neoliberal na mga patakaran sa sistema ng edukasyon, Isang malinaw na patunay dito ang pagbabago sa kurikulum na nilulusaw ang makabayang pananaw ng mga kabataan kasabay na sinasanay silang maging sunud-sunurang aliping sahuran kapag nakapagtapos ng pag-aaral. Nabulgar din ang mga malisyosong pagrerebisa ng kasaysayan na kinikintal sa mga bata at kabataan sa mga texbuk upang palabasin na maaliwalas ang bansa sa panahon ng pamumuno ng rehimeng Macos Sr. Ganundin ang pag-alis ng aralin sa kasaysayan ng Pilipinas at pagmukhain na nakabubuti ang kolonyalismo lalo na ang pananakop ng US kung kaya raw naging maunlad ang bansa. Sinasanay ang mga Pilipinong maging mahusay na mamamayan ng globalisadong mundo subalit kailangan kalimutan niya ang pinagmulang kasaysayan upang maging maamong tagasunod at tagapagtaguyod ng mapagsamantalang kaayusan ipninataw ng mga uring monopolyo kapitalista sa tulong ng lokal na naghaharing mga PML-Burgesya komprador at mga matataas na burukrata.

Ano nga ba ang maaasahan sa gubyernong pinatatakbo bilang isang negosyo ng mga nakaupo rito at walang malasakit sa mamamayan? Sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan na pinaghaharian ng burukrata kapitalismo ang gubyerno at kontrolado ng mapagsamantalang uri ang buong sistema, ang edukasyon ay isang instrumento hindi ng pag-unlad at pagsasakatuparan ng mabuting pangarap para sa mga kabataan kundi ang gawin silang maamong reserbang paggawa sa sistemang ipinataw ng mga imperyalistang bansa para sa patuloy nitong kontrol at dominasyon kasabwat ang lokal na naghaharing malalaking PML- burgesya komprador at burukarata.

Kaya hindi dapat iasa ng mamamayan na malutas ang krisis sa edukasyon kay Marcos Jr. o sa bulok na estado. Makakamit lang ito ng mamamayan sa kanilang sama-samang paglaban para sa tunay na pagbabago at rebolusyonisasyon ng edukasyon. Dapat wasakin ang komersyalisado, makadayuhan, anti-mamamayan at mapanupil na sistema ng edukasyon. Hindi sapat na magkaisa ang mga Mindoreño para sa pag-agap at pagtugon sa kainutilan at kapalpakan ng gubyerno. Kasabay nito, dapat magkaisa ang mamamayan–laluna ang mga kabataan at mga guro–para ipaglaban ang libre, dekalidad, makabayan, at mapagpalayang sistema ng edukasyon para sa lahat.

Magiging posible lamang ito sa pagtatagumpay ng sambayan na maitatag ang demokratikong gobyernong bayan. Sa pagtatagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon lamang mailuluwal ang ganitong gobyerno. Tanging sa pagkakaisa ng malawak na sambayan at uring anakpawis katuwang ang mga demokratikong uri at sektor makakamit ng kabataan ang karapatang makapag-aral at makaalpas sa krisis na kinasasadlakan nito.

Mamamayang Mindoreño, magkaisa at panagutin ang rehimeng US-Marcos Jr. sa paglala ng krisis sa edukasyon!
Singilin at patalsikin si Sara Duterte para sa pagnanakaw ng pondo ng Department of Education!

Ipaglaban ang libre, makabayan, mapagpalaya at syentipikong sistema ng edukasyon!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

Kabataan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Balik-Eskwela 2026 mukha ng krisis sa edukasyon dahil sa kapabayaan at kainutilan ng rehimeng US-Marcos II