Pahayag

Labanan ang kagutuman at kahirapan Mamamayan ng Quezon, iligtas ang bayan sa pagpapabaya ng militaristang rehimeng US-Marcos II

,

Bigo na naman ang ilehitimong pangulo ng bansang Pilipinas na pigilan ang tumataas na presyo ng batayang bilihin sa bansa. Sa gitna ng lumalalang kagutuman dulot ng krisis sa ekonomya at klima, paglalamyerda ang tugon ng pamilyang Marcos na umabot na sa mahigit 400 milyong piso ang nalustay sa kanyang mga byahe sa ibang bansa.

Napabalita pang mas inuna nitong idaos ang isang fashion show sa halip na pagkunutan ng noo paano pipigilan ang pagtaas ng presyo ng bigas at lunasan ang epekto ng tagtuyot sa bansa.

Pag-aangkat ng tone-toneladang bigas sa ibang bansa at ibayong paghihigpit-ng-sinuturon ang nakikitang lunas ng Department of Agriculture. Nanawagan ang naturang ahensya sa sambayanan na matutong kumain ng kamote at iba pang gulay at prutas na pamalit sa bigas.

Nagpapatawa ang DA na tila ba hindi nalalaman, na mula nang isilang ang masang magbubukid at mangggagawa sa bansa, matagal na nilang ginagawang pamalit sa bigas ang kamote. Malinaw na hindi nakalapat-sa-lupa ang ipinapatupad na programa at patakaran ng gubyernong ito ni Marcos Junior.

Iniinsulto ng rehimen ang kahirapang nararanasan ng masang anakpawis. Sa probinsya ng Quezon, ginigipit ang magsasaka sa niyugan ng mababang kita at mataas na presyo ng bilihin. Ayon sa maglulukad, naglalaro lang sa P20 hanggang P24 ang presyo ng kopra at P16 kada kilo ang presyo ng saging ngayong buwan habang nagliliparan paitaas ang presyo ng bigas na nagkakahalaga ng P54 kada kilo, P98 kada kilo ng asukal, at P280 kada kilo ng karneng baboy.

Walang inaabot ang kakarampot na kita ng magsasaka sa nagtataasang bilihin sa pamilihan. Todo-kahig ang mamamayan ngunit wala namang matuka. Ang bundat sa gitna ng kasalatang ito ay ang mga panginoong maylupa at si Bongbong Marcos.

Imbes na pakinggan ang daing ng bayan, pananakot at panunupil ang kanilang sagot sa kumukulong sikmura ng taumbayan.

Noong nakaraang Pebrero sa bayan ng San Francisco, pinagbabawalan ng 85th IB sa pangunguna ni Lt. Col Joel Jonson na makaahon ng kanilang bukid ang magsasaka sa tabing ng kanilang isinasagawang operasyong militar sa lugar na nag-iiwan ng teror sa magbubukid.

Hindi rin nakaiwas sa pananakot at red tagging ang 10 estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na handang makipamuhay at malaman ang kalagayan ng magsasaka sa Barangay Silongin noong buwan ng Abril. Pinuntahan sila ng mga ahente ng militar at sapilitan na kinuhaan ng litrato at personal na pagkakakilanlan. Dahil sa pangamba, nilisan na nila ang lugar at naapektuhan ang kanilang pag-aaral.

Kamakailan, napabalita ang iligal na pagtatanggal sa manggagawa ng Tantuco Oil Mills sa Barangay Iyam, Lucena City. Panawagan nila na maging regular at magkaroon ng disenteng trabaho pero sa halip na pakinggan, sapilitan silang tinanggal. Ang mga manggagawa ay higit limang taon nang nagtratrabaho sa loob ng Tantuco na hindi nakakatanggap ng benepisyo.

Dahil dito, lalong higit na makatwiran ang lumaban at lutasin ang kahirapan at kagutuman ng sambayanan bilang isang gawang-taong kalamidad dulot ng kapayabaan ng gobyerno.

Krimen ba ang magkaroon ng disenteng pamumuhay at trabaho? Krimen ba na i-rehistro na sila’y nagugutom at naghihirap?

Sama-sama nating labanan ang lahat ng ginagawang pagsasamantala at pang-aapi sa ating hanay. Huwag nating hayaan na insultuhin tayo ng mga Marcos at kanyang mga utusang sundalo.

Makatwiran ang ating laban sapagkat ito ang tanging lunas sa tunay na kalagayang api ng sambayanang Pilipino. Sa harap ng krisis at pasismo, ipakita natin na handa tayong makibaka sapagkat kailanman hindi krimen ang manawagan na mapabuti ang kalagayan ng ating pamilya at bayan. #

Mamamayan ng Quezon, iligtas ang bayan sa pagpapabaya ng militaristang rehimeng US-Marcos II