Pahayag sa ika-161 na okasyon ng kapanganakan ni Andres Bonifacio Mamamayang Mindoreño, maging mga Katipunero ng bagong panahon! Isulong ang armadong pakikibaka para sa pambansang demokrasya!
Sa ika-161 na taon ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, umaalingawngaw pa rin ang panawagan ng Katipunan: Masang anakpawis, mag-armas upang makamit ang pambansang kalayaan at demokrasya!
Mahigit limang siglo na ang nakararaan, nagpapatuloy at lumalala ang pagpapahirap at panunupil sa sambayanang Pilipino, higit lalo sa masang anakpawis. Ang dating kolonyal at pyudal na kaayusan sa ilalim ng kolonyalistang Espanyol ay pinalitan ng imperyalistang US ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Ang sistemang hacienda na sinimulan noon pa mang ika-18 na siglo ay nakatayo pa rin—patunay sa sukdulang pagkaatrasado ng agrikultura at ekonomya ng bansa. Kung noo’y may kalakalang galyon, ngayon ay ipinapatupad ng malakolonyal na gubyerno ang mga maka-imperyalistang patakaran na nagtatakda na ang malawak na lupain at yaman ng Pilipinas ay para sa pagpapalitaw ng mga kinakailangang hilaw na materyales ng mga imperyalista sa murang halaga. Kaakibat nito ay ginawa rin tayong palaasa sa imported na mga produktong ibinebenta sa atin sa mataas na presyo. Deindustryalisasyon pa nga ang isinagawa ng imperyalismong US, mga panginoong maylupa (PML) at malaking burgesya kumprador (MBK) sa ekonomya ng Pilipinas. Habang sinasaid ng mga imperyalista at lokal na naghaharing uri ang likas na yaman at lakas-paggawa ng bansa, pinipigilan ang pag-usbong ng pambansang industriya na pwede sanang higit na magpataas sa kakayahan ng bansa na i-prodyus nang nagsasarili ang mga pangangailangan ng sambayanan.
Ang kontrol ng US at mga lokal na ahente nito sa lupain, likas na yaman, pamilihan at iba pang bahagi ng produksyon at ekonomya ang siyang dahilan bakit api at pinagsasamantalahan ang sambayanang Pilipino.
Tingnan na lamang ang kalagayan ng isla ng Mindoro: Ang malawak at mayamang lupain ng isla ay hawak ng mga dayuhang negosyante, mga PML-MBK at ng reaksyunaryong gubyerno dahilan upang magtiis sa kakarampot na lupang sakahan ang magsasakang Mindoreño na siyang bumubuo sa 90% ng populasyon ng isla. Kabilang dito ang mga katutubong Mangyan na may dagdag pang pasanin matapos matulak paakyat sa mga bundok o papasok sa interyor ng daantaong kolonyalismo at mga resettlement program ng gubyerno. Sa mga lugar kung saan napapaatras ang mga Mangyan, dahilig, mabato o kaya sadyang mas mahirap bungkalin ang lupa.
Bukod sa atrasado, hiwa-hiwalay at maliitang produksyon at bunga ng kawalan at kakulangan ng lupa, pinahihirapan ang mga magsasaka ng pambabarat sa presyo ng kanilang mga produktong bukid. Naipapako sa mababang presyo ang lokal na produktong agrikultural dahil kinakailangang makipag-kumpetisyon ng mga ito sa mga imported na produktong bumabaha sa pamilihan. Tuwirang pananagutan ng gubyerno ang pagkalugi at pagkabaon sa utang ng mga magsasaka dahil ang mga neoliberal na patakaran nito ang nagpapahintulot sa pagpasok ng milyon-milyong tonelada ng samu’t saring produktong agrikultural. Nasa -3.7% ang paglago ng agrikultura ng bansa mula Hulyo hanggang Setyembre ngayong taon. Sabihin mang salik ang mga nagdaang kalamidad, sa katunayan, matagal nang naitatala ang pagliit o pagkabansot ng sektor ng agrikultura pangunahin dahil sa taunang pagkalugi nito sa harap ng sobra-sobrang importasyon. Dagdag na rin sa pagsasamantala sa mga magsasaka ang di makatwirang usura at hatian sa ani.
Dahil sa karukhaan ng mga magsasaka, marami sa kanila ang natutulak na maging mga mala-manggagawa sa mga sentrong bayan at lungsod kung saan pinapatos nila ang barat na sahod at di makataong kundisyon sa trabaho. Sa Mindoro, ang mga hindi nakakatamasa ng sapat na kita sa pagsasaka o arawan na sahod bilang manggawang bukid ay nagtatrabaho bilang construction worker, tindera, drayber ng mga negosyong nagluluwas ng kalakal, kasambahay at iba pang manwal na trabaho kung saan ang karaniwang sahod ay ₱300 o mas mababa pa kada araw. Sa industriya o serbisyo man pumasok, ang mga manggagawa ay napagsasamantalahan gamit ang mababang pasahod, kawalan ng kaseguruhan sa trabaho at di makataong kundisyon sa trabaho.
Biktima rin ng kronikong krisis sa lipunang Pilipino ang mga panggitnang uri. Dinadaing maski ng mga petiburges ang walang awat na taas-presyo ng mga bilihin habang nakapako rin ang sahod at kita nila bilang mga propesyunal o maliit na negosyante. Limitado ang mga mapapasukang trabaho kaya may mga nagtatapos ng kolehiyo, pumapasa sa mga licensure o board exam para bumagsak lang din sa di istable at mapagsamantalang trabaho sa sektor ng serbisyo. At bago pa man maging mga propesyunal, kinakailangang gapangin ng mga petiburges ang pagtatapos ng pag-aaral dahil sa napakamahal na sistema ng edukasyon. Ang mga negosyo naman ng mga pambansang burgesya ay nasa pamalagiang panganib ng pagkalugi at pagbagsak dahil sa kontrol ng imperyalismong US sa produksyon at pamilihan ng Pilipinas.
Samantala, nakatayo ang reaksyunaryong gubyerno, ang armadong pwersa nito, mga korte at bilangguan para sa sistematikong panunupil at pagdurog sa anumang paglaban ng mamamayan para baguhin ang kanilang aping kalagayan. Ang mga guardia civil ng kolonyal na gubyernong Espanyol noon ay pinalitan ng AFP-PNP-CAFGU ngayon na inaarmasan at pinopondohan ng US. Gamit ang bulok na estado na ito, nakakapagkamal ng dagdag na yaman at kapangyarihan ang mga gahamang naghaharing uri. Kaya naman ubos kaya ring hinahabol at pinananatili ng mga pampulitikang angkan ang mga pusisyon nila rito. Matingkad na halimbawa nito ang girian ng mga Marcos at Duterte. Ang bangayang ito ay resulta ng walang katapusang paghahangad ng mga naghaharing uri para sa yaman ng bansa na mabilis ngayong nasasaid dahil sa walang kaparis na kronikong krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal.
Malinaw, kung gayon, ang batayan bakit nagpapatuloy ang rebolusyon ni Bonifacio sa bago at mas abanteng tipo nito. Hanggat hindi ganap na naipagtatagumpay ang pambansa demokratikong mithiin ng mamamayan, kailanma’y di magagapi ang rebolusyon na ito.
Pinamumunuan ngayon ng Partido Komunista ng Pilipinas ang demokratikong rebolusyong bayan (DRB) na siyang magwawakas sa paghihirap ng sambayanan sa ilalim ng mga dayuhang mananakop. Ang DRB rin ang siyang magkakaloob sa mga magsasaka ng lupa at tatapos sa daantaong pyudal na pagsasamantala. Malalim na nauunawaan ng Partido ang saligang batas ng kasaysayan—na tanging sa armadong rebolusyon maibabagsak ang luma at bulok na kaayusan upang ipalit dito ang bago at mas progresibong lipunan—kaya itinayo at patuloy na pinalalakas nito ang Bagong Hukbong Bayan. Binibigkis naman ng pambansang nagkakaisang prente ang lakas ng masang api upang buuin ang pinakamalawak na paglaban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Kaiba sa Katipunan kung saan kalaunana’y naagaw ng mga palasukong burgesya ang pamumuno bago ipagkanulo ang rebolusyon at makipagsabwatan sa US, ang DRB ngayon ay nasa mahigpit na pamumuno ng uring manggagawa. Ang makauring pamumunong ito ang magtitiyak di lamang ng tagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon kundi maging ang pagsulong tungo sa sosyalistang rebolusyon.
Habang bumubulusok ang bansa sa palalim na krisis sa bawat araw na lumilipas, lalong nagniningning bilang tanging sagot sa kahirapan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Hamon ang higit limang siglong tradisyon ng armadong paglaban ng masang aping Pilipino at ang matinding krisis panlipunan upang tuloy-tuloy na magpalakas ang mga pwersa ng rebolusyon, paigtingin ang digmang bayan at dalhin sa higit na mataas na antas kaysa sa nakaraan ang demokratikong rebolusyon ng sambayanan.
Mamamayang Mindoreño, dakilain si Andres Bonifacio at ang Rebolusyong 1896 sa pagsuporta sa armadong pakikibaka at pagsampa sa Bagong Hukbong Bayan!