Mensahe sa ika-125 Anibersaryo ng Huwad na Kalayaan Mamamayang Mindoreño, puspusang ipaglaban ang tunay na pambansang Kalayaan sa salot na imperyalismong US! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!

Nananatiling hamon sa sambayanang Pilipino ang patuloy na paggunita sa Hunyo 12 bilang Araw ng huwad na Kalayaan ng Pilipinas. 125 taon na ang nakakaraan mula nang sinaklot ang bansa ng imperyalistang US, kakutsaba ang mga lokal na naghaharing-uring malalaking panginoong maylupa (PML) at bagong litaw na mga burukrata ng bagong tatag na republikang Pilipino. Sa pagkatalo ng bansa sa Digmang Pilipino- Amerikano, naging kolonya ang ating bansa at sa sinalamangkang pagtatayo ng papet ng gobyerno, naging mala-kolonya tayo ng US hanggang sa kasalukuyan. Panandang bato ang Hunyo 12 sa mamamayang Mindoreño sa panata nitong ibayong isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon upang kamtin ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.

Ugat ng kronikong krisis at walang kalutasang kahirapan ng sambayanan at lipunang Pilipino ang paghahari at kontrol ng imperyalismong US sa lahat ng aspeto ng buhay panlipunan ng bansa. Sa pagkubabaw ng US sa Pilipinas, tiniyak nitong mapanatiling atrasado, pre-industriyal at malapyudal ang ekonomya ng bansa. Itinali nito ang bansa sa kolonyal na kalakalang tagaluwas lamang ng hilaw na materyales at taga-import ng sobrang yaring kalakal at puhunan ng mga imperyalistang bansa. Dahil dito, bumabaha ang dayuhang produkto, kinukulimbat ang ating likas na yaman, pinagsasamantalahan ang ating murang paggawa at pinapatay ang ating mga saligang industriya. Ibinabaon nito ang Pilipinas sa pagkabangkarote, depisito at pagkalubog sa utang. Para ibsan ang krisis na likha ng tagibang na pag-unlad ng ekonomiya, naitulak ang bansang mag -export hindi na lamang ng lokal na produkto kundi mismong lakas paggawa nito kaya lumobo ang bilang ng mga propesyunal at skilled na paggawa na napilitang nangibang bayan para makapaghanap ng nakabubuhay ng trabaho.

Kaakibat nito, lubusang ginagamit ng US ang Pilipinas sa pagpataw ng kanyang hegemonya sa mundo, laluna at sa harap ng pabagsak na kapangyarihan nito ng lumitaw ang Tsina bilang kanyang numero unong karibal sa daigdig.

Dinadala sa bagong antas ng krisis ang patuloy na pangangayupapa ng pasista, pahirap, at papet na rehimeng US-Marcos II sa imperyalistang US. Tulad na lamang ng pagsubo ng naunang diktador Marcos Sr. sa Pilipinas sa giyera sa Korea at Byetnam noong dekada 60 at 70, isinusubo rin ng kanyang anak na si Marcos II ang bansa sa nilulutong digma ng US laban sa China. Upang mapanatili ang kanyang kapit sa bulok na estado poder, buong lugod na isinuko ni Marcos Jr ang soberanya at kasarinlan ng Pilipinas. Mula sa pagpayag sa 123 kasunduan sa pagitan ng US na mismong nilagdaan ng reaksyunaryong gubyerno hanggang sa pagtalima sa Bilateral Defense Guidelines (BDG) sa balangkas ng Indo-Pacific Strategy ng US, sinelyuhan na ni Marcos ang kanyang rehimen bilang isang administrasyong himod-puwit at sunud-sunuran sa palo ng imperyalistang US. Kapalit nito ay mga konsesyon para sa pakinabang ni Marcos at ng mga kroni niyang PML at MBK. Karukhaan at panunupil ang hatid nito sa mamamayang Pilipino.

Ipinupuwesto na ng imperyalismong US gamit ang papet na si Marcos II ang kanilang pwersa at armas pandigma sa niluluto nitong digmaan laban sa Tsina alinsunod sa Indo-Pacific Strategy nito laban sa Tsina. Umaabot na sa 10 ang base militar ng US sa Pilipinas sa ilalim ng EDCA. Sa Mindoro, mapanlinlang nilang ipinakete para sa pagtatanggol ng pambansang teritoryo ang pagtatayo ng pasilidad para sa biniling BrahMos Missile sa Lubang Island, Occidental Mindoro. Bukod pa, inihahanda rin ng imperyalistang US ang papet nitong Armed Forces of the Philippines (AFP) sa anyo ng mga Balikatan Exercises, modernisasyon at ibayo pang pagbili ng armas pandigma at pagdami ng mersenaryong tropa. Ang nakaambang pamumuhunan ng NuScale Power Corporation sa Mindoro para sa pagtatayo ng maliliit na plantang nukleyar para di umano maresolba ang krisis sa kuryente sa isla ay panabing lamang sa tunay na pakinabang nito: pasilidad na gagamitin upang paglagakan ng armas nukleyar ng US. Ang lahat ng ito ay bahagi ng paglalatag ng imperyalismong US ng kanyang imprastruktura sa Mindoro at bansa sa balangkas ng First Island Chain, o sa mga islang may estratehikong kabuluhan bilang nasa kalapit na bisinidad ng West Philippine Sea (WPS), sa nilulutong digma laban sa China. Sa pakikipagtulungan ng reaksyunaryong rehimeng US-Marcos II sa US, pinahintulutan na niyang maging arena ng digmaan ang bansang Pilipinas, at ang mga Pilipino bilang pambala sa kanyon sa digmang inter-imperyalista na walang idudulot sa bayan kundi pinsala at kawalan ng buhay at kabuhayan.

Sa ganitong konteksto, asahan ng mamamayang Mindoreño ang lubos na pagkatig ng pasistang gubyerno sa militarisasyon at panunupil habang nakasadlak sa kahirapan ang buhay ng mayorya ng mamamayan. Sa pag-igting ng krisis, lalo lamang kakabig ang bulok na gubyernong Marcos II sa dahas at armas upang patahimikin ang mamamayang gutom at pinagsasamantalahan.

Nararapat na pag-ibayuhin ang pakikibaka laban sa imperyalismong US at lahat ng instrumentalidad at kasabwat nito sa Pilipinas upang kamtin ang malaon ng minimithing pambansang kalayaan ng sambayanang Pilipino. Kailangang maipaunawa sa mamamayan ang pundamental na halaga ng pambansang kalayaan ng Pilipinas bilang rekisito sa paglaya sa krisis at kahirapan at pagmartsa ng bansa tungo sa panlipunang kaunlaran. Kailangang imulat ang sambayanan, laluna ang mga kabataang Pilipino na ang imperyalismong US ang ugat ng kahirapan at krisis na dinadanas ng bansa at mamamayan. Sa ganito, kailangang muling sindihan ang apoy ng patriotismo’t pagmamahal sa bayan at ng pagkamuhi sa salot na imperyalistang US.

Ang walang kaparis na krisis na kinakaharap ng imperyalismo, laluna ng US ay napakapaborableng pagkakataon upang isulong at pasikarin ng walang kaparis ang kilusan sa pagpapalaya sa bansang Pilipinas. Nararapat na gawin ng lahat ng patriyotiko’t makabayang Pilipino ang buong pagsisikap upang muling pasiklabin ang digmang mapagpalaya na sinimulan pa nina Gat. Andres Bonifacio at ng Katipunan at ng bagong mga henerasyong mga rebolusyonaryong nagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Dapat lang na magpunyagi ang lahat ng mamamayang Mindoreñong nagmamahal sa kanilang kalayaan na lumahok sa digma laban sa imperyalismong US — ang digmang mapagpalaya na isinusulong ng Partido Komunista ng Pilipinas-MLM at ng pangunahing bisig nito, ang Bagong Hukbong Bayan at Pambansa Demokratikong Prente sa Pilipinas.

Tagumpay lamang ng pambansa-demokratikong rebolusyon ang magbibigay ng tunay na araw ng Kalayaan at demokrasya para sa mamamayang Pilipino. Hangga’t hindi pa dumadatal ang araw na ito, mananatili tayong alipin, walang pambansang kasarinlan at niyuyurakan ang pambansang dignidad. Dapat patuloy na ipaglaban ng sambayanan ang soberanya para sa makatarungan at tunay na malayang Pilipinas hanggang sa ganap na tagumpay.

Wakasan ang daantaong pang-aalipin at kontrol ng imperyalismong US sa Pilipinas!

Kamatayan sa imperyalismo!

Ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo!

Mamamayang Mindoreño, isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!###

Mamamayang Mindoreño, puspusang ipaglaban ang tunay na pambansang Kalayaan sa salot na imperyalismong US! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!