Manggagawang pangkultura, mag-aral, magsikhay lumikha ng rebolusyonaryong sining at panitikan!
Masiglang sinasalubong at ipinagdiriwang ng ARMAS-TK ang Pebrero bilang buwan ng Sining at upang bigyan ng pinakamataas na parangal at pagpupugay si Kasamang Jose Maria Sison sa kanyang inspirasyon at iniwang pamana bilang makata, rebolusyonaryo at pangulong tagapagtatag ng PKP. Walang kasing halagang kabang yaman para sa lahat ng mga artista, manunulat at manggagawang pangkultura ang kanyang mga akdang pampanitikan at tagubilin hinggil sa paglikha ng sining na pumupukaw at nagmumulat sa masang Pilipino para sa pambansa-demokratikong pakikibaka. Malalim nating pag-aralan at palaganapin ang mga makasining, siyentipiko’t rebolusyonaryong sulatin ni Ka Joma sa kasalukuyan at hanggang sa mga susunod na henerasyon ng sambayanang Pilipino.
Mula’t sapul ay kinilala ni Ka Joma ang susing papel ng sining at kultura sa pagtatagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon. Binigyan niya ng karampatang pansin ang gawaing pangkultura at ipinatimo sa mga organisasyon ng mga artista, manunulat at manggagawang pangkultura ang kanilang mahalagang papel sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayan. Matalas niya ring tinukoy ang atrasadong pyudal, kolonyal at burgis-elitistang ideya na kailangang iwaksi upang makalikha ng progresibo’t rebolusyonaryong sining. Ito ang nilalaman ng kanyang mga akdang: Ang mga Tungkulin ng Ikalawang Kilusang Propaganda (1966); Ang Pangangailangan para sa isang Rebolusyong Pangkultura (1966); Ang Sining Biswal bilang Sandata ng Rebolusyon (1971); Mga Tungkulin ng mga Kadre sa Larangan ng Kultura (1971); at Hinggil sa Gawaing Pangkultura sa hanay ng mga Manggagawa (1984).
Para kay ka Joma ang sining at panitikan ay mabisang sandata ng mga uring inaapi at pinagsasamantalahan para sa kanilang rebolusyonaryong pakikibaka. Bilang makata ipinakita niyang hindi kayang igupo ng pasismo ang mapanlikhang diwa ng isang rebolusyonaryo. Ang koleksyon ng kanyang mga tula na Prison and Beyond ay testamento sa kapangyarihan ng sining para labanan ang panunupil at pambubusabos ng diktadurang US-Marcos I.
Masugid na kritiko ng sining at panitikan si Ka Joma, laluna ng praktika nito sa rebolusyong Pilipino. Itinaas niya ang pamantayan ng mga akdang pansining at pampanitikan tungong rebolusyonaryo sa pamamagitan ng langkap ng pagiging makasining at makauri ng mga ito. Batid ito sa kanyang artikulong Hinggil sa Panitikan at Rebolusyonaryong Pulitika (2011) at Rebolusyonaryong Sining at Panitikan sa Pilipinas mula dekada 1960 hanggang Kasalukuyan (2015). Bukod pa rito ang kanyang mga sulat at mensahe sa mga organisasyon at alyansang pangkultura, mga akademikong aktibidad hinggil sa sining at pati sa mga indibidwal na alagad ng sining. Dapat pag-aralan ang mga tinurang sulatin ni Ka Joma at gawing tungtungan ang mga ito ng mas malalim pang pag-aaral ng mga manggagawang pangkultura sa rebolusyonaryong teorya.
Napakainam ng panahon upang ilunsad ang isang puspusang kilusang pag-aaral sa mga sulatin ni Ka Joma. Kailangang armasan ang mga manggagawang pangkultura ng makauring pagsusuri at proletaryong pananaw sa sining at kultura laban sa mga burgis, dekadente, metapisikal at reaksyunaryong kaisipang ipinakakalat ng imperyalismo at sumasagipsip sa bawat aspeto ng buhay ng isang indibidwal at buong lipunan. Dapat mulat na itakwil ng mga rebolusyonaryong manggagawang pangkultura ang malalim na impluwensya ng burgis na neoliberal at indibidwalistang konsepto ng sining, kultura at panitikan. Dapat tularan si Ka Joma at maging mandirigma para isulong ang siyentipiko, pambansa at makamasang kultura. Rekisito ito upang makalikha ng mga obra’t sining na magpapalaya at magrerebolusyonisa sa kamalayan ng mamamayan laluna ng mga inaapi at pinagsasamantalahan.
Ang kilusang pag-aaral sa mga akda ni Ka Joma ay dapat magsilibing ilaw at gabay sa ating pagharap sa kasalukuyang mga hamon sa gawain at tungkulin—kailangang ilapat ang ating natutunan sa aktwal na praktika ng paglikha ng sining para pagsusulong ng rebolusyon. Hamon sa mga artista’t manunulat na tumugon sa tungkuling imulat, organisahin at pakilusin ang laksa-laksang mamamayan sa gitna ng umiinit at lumulubhang krisis sa pulitika at pang-ekonomya ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal at ng buong sistemang kapitalista na yumayanig sa bansa at buong daigdig at nagdudulot ng grabeng pasakit sa uring anakpawis at malawak na mamamayan. Mangahas tayong lumikha ng rebolusyonaryong sining at panitikan na sumasalamin hindi lamang sa dustang kalagayan ng mga uring inaapi at pinagsasamantalahan, kundi pati sa mithiin ng bayan para sa tunay na kalayaan, katarungan, demokrasya at sosyalismo.###